Ang dami kong gustong sabihin sa’yo pero ni isa wala man lang akong nasabi. Ayun, naimbak sa mga drafts. Siguro, nagtatagumpay na akong itago ang pagiging loser ko.
Kaso ‘eto nagsusulat nanaman ako.
Sensya ka na kung hanggang ngayon wala pa rin akong pagbabago. Ikaw pa rin ang takbuhan ko. Kahit naman alam kong ‘di mo binabasa, ewan ko ba, gusto ko pa din na magsulat sa’yo.
Medyo down mode lang. At nakisabay pa si Ulan sa pagdadrama ko. Ewan ko ba, pakiramdam ko nanaman k’se nagiging unfair nanaman si Universe. Ewan ko, minsan ‘di ko na maisip kung ano ba talaga ang gusto n’yang mangyari sa buhay ko. Pinipilit ko namang intindihin kung anumang plano ang meron s’ya. Pero bakit ba kontra s’ya lagi sa mga plano ko? Hahayaan ko na lang ba s’ya o ano? Ewan ko. Masakit sa brain cells. ‘Di ko na alam kung saan ko ilalagay ang sarili ko. Minsan siguro talaga nangtitrip ang mundo. O siguro ‘di lang talaga kami friends. Ewan ko ba kung may galit o tampo s’ya sa akin. Kung challenge lang ‘to, putik naman, antaas naman ‘ata ng expectation n’ya sa akin.
Simple lang naman akong tao. Masaya na ako sa maliliit na bagay. Minsan nga lang ako magkaroon ng plano sa buhay. Kaso mukhang iba lagi ang plano ni Universe.
Naalala ko dati nung nagplano akong makatapos ng college. Okay na lahat eh. Okay ang grades ko, ‘di nga lang basta okay, 1.4 ang average ko. May scholarship ako. May trabaho ako. Hanggang bigla na lang nagkaproblema yung mata ko. Akala nung mga pasahero sa jeep na sinasakyan ko, naghihimala ako k’se umiiyak ako ng dugo. Naulit pa uli. Hanggang naging blangko na lang lahat. I lost my sight. Two weeks na madilim ang paningin ko. Two weeks din akong nagkulong sa kwarto. At yun sabi ng doctor, change career daw or pag hindi, baka matuluyan na akong mabulag. Alam mo ‘yung pakiramdam na minahal mo na ‘tong ginagawa mo, nagplano ka na, nangarap ka na, tapos change career? Pero masunurin akong bata, ‘di na ako nag-enroll, tinigil ko na din ang pagpoprogram.
Umakyat ako ng Sagada after n’un, kahit pa panahon ng bagyo. Sabi ko k’se kung mabubulag man ako gusto ko muna makita ‘yung Sagada. Para may maalala naman akong maganda sa utak ko.
Pagbaba ko, nagset na ako agad ng appointment para sa passport. Nag-apply ako sa work abroad. Natanggap. Napunta ng Dubai. Bumalik sa trabaho sa kusina. Sabi nila bakit daw ako sa kusina nagtrabaho samantalang mas malaki ang sahod ng mga programmer. Sabi ko, aanhin ko naman yung malaking sahod kung bukas o makalawa bulag na ako.
Tapos ngayon, nung napagdesisyunan ko nang mag-abroad ulit matapos ang mahigit isang taong hiatus, biglang bagsak naman sa medical. Gallstones. Ang harsh pa nung duktor, tinanong ko kung anong dapat kong gawin, wala daw ako magagawa. Ang tinatanong ko naman ay kung ano ang recommendation n’ya, magpapa-ospital ba ako, may pwede ba akong inuming gamot. Wala daw akong magagawa. So, yun na yun? Wala akong magagawa?
‘Di ko alam kung bakit naglalagay si Universe ng mga taong bigla na lang maglalagay ng end point. Yung mga taong ‘di ka man lang bibigyan ng options. Isang malaking period na lang agad.
Pilit kong iniisip kung ano ba ang plano o kung may plano ba talaga. Pinipilit kong paniwalain ang sarili kong may magandang plano kahit na parang wala naman.
Pero okay lang naman ako. Alam ko magiging okay din ako.
Hi po. From your gallery po ba ung featured image nito? Or from Google images?
LikeLike
Pixabay 🙂
LikeLike
Ay, none of the above. Haha. Lahat po ng ginamit niyong images???
LikeLike
Yup, maliban lang sa mga feelingerong-artist-na-drawing ko…hahahaha
LikeLiked by 1 person