Ang Paglabas sa Imaginary World

Ilang beses ko ding pinag-isipan kung pupunta ba ako o magkakasya na lang akong makita sila sa malayo. Hindi ko alam kung ang pagdadalawang-isip ko ay dahil sa hindi ko pa sila kilala. O dahil hindi pa nila ako kilala.

Ilang minuto ko ding pilit pinupunasan ang ‘di naman nag-eexist na pawis sa kada centimeter²  ng balat ko. Ilang inhale-exhale. Ilang batok sa ulo.

Kakayanin ko ba?

Sa pang-ilang araw na pagtatanong sa sarili ko ay tanong pa rin hanggang sa mga sandaling ‘yun.

Kakayanin ko ba?

Pinag-aralan ko ang mga taong nasa loob. Pinag-aralan ang pinaka-safe na pwesto. Pinag-aralan ang exit points.  Ilang inhale-exhale. Ilang batok sa ulo.

Ako nga pala si Ely. Sabay abot ng kamay. Sabay ngiti.

Tinalo pa ang nakatapos sa Thesis Defense ang pakiramdam matapos ko masabi ang linyang ‘yun. Tinalo pa ang feeling ng  first time na naka-usap si Crush. Tinalo pa ang madaming first time sa buhay ko.

Napagtagumpayan ko ang Step One!

————————————————–

Pinili ko ang pinakadulong upuan.

Mas madali kse mag-exit dun.

At andun si Aysa.

————————————————-

Hahahahaha. Kalimutan muna kung anumang pag-iinarte at kahihiyan sa katawan. Saka na uli. Fan Mode muna.

ang aking imaginary girlfriend
‘Di talaga ako pumayag na hindi ako makapagpa-autograph… ‘Yan ang pinaka-life changing na linya mula sa kanya…

Si Aysa ay isa sa mga inaasahan kong makilala sa araw na ‘yun. Matitindi ang mga sinulat nito, nakakapukaw ng damdamin at mabentang mabenta t’wing panahon ng thesis. Kung gusto n’yo malaman ang pinagkakaguluhang article na ‘yan, click here. At dagdag pang napakinggan ko ang sinulat n’ya sa Love Radio’s Mahiwagang Burnay. Alam mo ba ‘yung feeling na alam mo ‘yung naririnig mong binabasa sa radyo. ‘Yung kilala mo kung sino ang nagsulat n’un… (Hahahahaha fanmode talaga.) Gusto n’yo marinig? Hinanap ko pa talaga ‘to sa Youtube, click dito. Pero kung gusto n’yo mabasa, click naman dito.

Aysa, napatunayan ko na bang FAN talaga ako? Hahahahahaha.

At oo nga pala, para sa mga nagbabasang iniisip na napakagaling kong mang-stalk, hindi po ito pang-iistalk, ito po ay pagreresearch. Sadyang into details lang talaga ako kaya pinag-aralan ko na ang mga mami-meet ko sa araw na ito. Hahahaha sorry guys, hindi ito background check. Sadyang napapanatag lang ang loob ko kung may mga maliliit na bagay akong alam sa kakatagpuin ko. ‘Di lang talaga ako sumusugod na hindi prepared…

——————————————————–

ang aking imaginary girlfriend
Panauhing Pandangal ng Meetup: Space mula sa SG!

 

Sumunod pang breakthrough sa meet-up na ito ay ang pagkakaroon ko ng dahilan para maka-video-call ang kapita-pitagang si Space. Nagprepare talaga s’ya para sa videocall. Naglipstick at nag-korona. (Space, magkano ang kapalit nitong pagbanggit ko sa’yo? Bilhan mo na lang ako ng “sucks”, medium lang ako, ayoko nung longer, wider at for heavy flow na “sucks”, medium lang, okay? )

 

——————————————————–

Kung nagpalamon ako sa pagdadalawang-isip ay hindi ko makikilala at makakausap ang mga taong nababasa ko lang.

Kung nagpalamon ako sa pagdadalawang-isip ay hindi ko madadama ang saya na kasama sila.

Kung nagpalamon ako sa pagdadalawang-isip ay hindi ko malalamang kaya ko pala.


IMG_20180106_174415

Jheff, Kate, Patrick, Mary Grace, Sensei, James, Rhea, Boss Keso and Jona, Jas, Jonathan, Pajama at Aila: ‘Di ko pa kayo nainterview at ‘di ko pa kayo nahingan ng autograph. Next time, iikot na ako sa inyo, intindihin n’yo na lang na nasanay ako sa mga imaginary na tao kaya mahirap ang pag-aadjust sa mga tunay na nilalang. Hahahahaha. Looking forward sa mas mahaba-habang kwentuhan  at mas malalim na samahan!

Salamat sa pagiging part ng First Page ng Book II! 

——————————————————–

At sa iyo na nagsabi sa akin na pumunta, salamat ng madami.

Nakita ko na sila. Ikaw, kelan ka magpapakita?

Advertisements

365 of 365

Dear Imaginary Girlfriend,

Matatapos na ang 2017. Kaya lulubusin ko na ang pagkakataon na ‘to para sabihin kung ano pa mang natitirang hugot ng puso ko.

Isang matinding roller coaster ride ang taon na ‘to sa akin kaya nagpapasalamat ako na andyan ka. Malaking bagay na may nasusulatan ako at nasasabihan ng kung anumang nasa utak at puso ko. Sabihin man nilang puro ito sulat ng pag-ibig sa’yo, paulit-ulit,  creepy,  at desperado,   kahit paano ay nasesegway ko ang pagkwento ng mga pinag-dadaanan ko.

Sa taon na ‘to,  ilang beses akong umasa.  Isang taon akong umasa sa visa para makatrabaho ako uli.  Dumating ang visa,  umasa akong makakaalis ako. At ‘yun bagsak sa medical. Yung mga panahon na ‘yun ‘di ko alam kung ang iisipin ko ba eh yung sakit ko o ‘yung patuloy na pagiging unemployed ko. Nag-expect na ako,  nag-expect na ang nanay ko at ang buong baranggay. Kaso bigo.  Pampalubag-loob ko na lang ang linyang umasa nga ako sa’yo ng 17 years, ano namang umasa ako ng isang taon para sa visa na ‘yun. 

Sa taon na ‘to, ilang beses akong lumubog sa kinatatayuan ko. Nilamon ako ng mababang pagtingin sa sarili,  na ‘di ko malaman kung saan nagsimula, siguro dahil nga puro raketship lang ang ginagawa ko at wala akong stable na trabaho.  ‘Di lang ako sa’yo naduwag magpakita.  Sobrang natakot ako sa mga tao. Isang malaking struggle ang pag-attend ko ng reunion nun, na ayoko talagang puntahan dahil alam kong isa akong napakalaking failure. Nagresign ako nung nalaman kong ex ko pala yung OM namin dahil pakiramdam ko ang liit-liit ko.  Madalas sinasabi kong nanliliit ako sa’yo kaya naduduwag akong magpakita pero ‘di lang naman talaga sa’yo… Nanliliit ako sa madaming tao… Sa lahat ng tao. 

Pero struggle man,  na-enjoy ko din naman ang 2017.

Sa taon na ‘to, struggle man, marami pa ring mga bagay na dapat ipagpasalamat sa Bathala.

‘Di man ako makaalis uli, ‘di naman naging mahirap ang paghanap ng trabaho sa akin dito sa Pinas. Kahit na sobrang layo ng pinanggalingan kong trabaho eh nakakalusot pa din sa mga interview. Mula sa pagiging kusinero ay naging Customer Service Associate. Hahaha, sa tanda kong ‘to nagsimula nanaman ako ng bagong field. At sa trabahong ‘to na iniisip kong ‘di ko kaya, dahil bulol ako at wala talaga akong tiwala sa english ko, naging okay naman ang performance ko, na ‘di ko man lang naisip na magagawa ko. Siguro nga ‘di matatapatan ang sinasahod ko sa Dubai nun pero ‘di naman matatapatan ng malaking sahod ang:

Makasama ang pamilya ko araw-araw.

Pinoy ang kasama ko sa trabaho na pwede kong kwentuhan ng kwentuhan na walang effort dahil ‘di ko na kailangang mag-english.

Pwede akong uminom ng uminom na ‘di ako natatakot na mahuhuli ng pulis.

Nakaka-experience ako ng ulan.

Nakakain ko ang mga gusto kong kainin, sa lasang gusto ko. ‘Di ko kailangang gumasta ng 20 dirhams para sa sa tatlong balut (240 pesos), 4 dirhams para sa turon (48 pesos) at 10 dirhams para sa isang mangkok ng dinuguan (120 pesos).

Siguro nga lalong lumabo ang lovestory natin dahil andito ako sa Pinas at andyan ka sa Dubai. Pero siguro hindi lang talaga linya ang mga bituin nating dalawa.

Pero maraming salamat k’se dahil sa pagsusulat ko sa’yo dito sa WordPress,  nakakilala ako ng ibang tao na nagpakita ng ibang perspective ng Life. Isa pang dapat ipagpasalamat sa taon na ‘to ang pagkakatuklas ko sa TFIOB people. ‘Di man nila alam,  na sa pagbabasa ko ng mga post nila,  at ng mga comment nila,  napangiti nila ako sa mga dark hours ng buhay ko… Nagpakilig,  nagpatawa,  kumurot sa puso,  bumuhay sa espirito ng pagiging gala, nag-push na gawin ang ‘di kayang gawin,  sumuporta,  nag-critic,  nag-sermon.

Nagpapasalamat ako sa mga linya nila.

Aigooo… Hoping you’ll gather all the confidence you need to confess to her eventually. Para hindi na imaginary. Haha. – RheaAngeline

Oo wag mo antayin parang ano lang yan e, ‘paano ka mananalo sa lotto kung hindi ka naman tumataya’, so then ASK – Cheesecake

Yan ang problema sayo eh. Imbes na daanan, tinambayan mo – DakilangLaagan

Paabutin mo ba ng 20th anniversary yan bako tanungin? Ask mo na. Oo or hindi lang naman sagot diyan. Yun lang kasi, ang tanong dun kung kaya mo na ba whatever maging sagot niya. – Alona

Kuyaaaa! We want you to be happy. Push lang ng push. Para sa ekonomiya

Sana luminya na ang mga bituin para sayo. Fighting!! – Jassie

You’re poignant lines are beautifully penned.
Hello po sir bluesorry di ko na po naipag paalam sayo, You were the inspiration po pala sa last poem ko.. Continue to spread the love – cseveneajcseveneaj

Actually, nalilito po ako dun sa sinasabi nilang “Pag mahal mo, ipaglaban mo.” “Pag mahal mo, palayain mo.” Para ding “Mahal Ko o Mahal Ako.” Ang gulo po noh. Ang gulo ng pag-ibig. Pero kahit na magulo, pinipili pa rin nating magmahal, sobra man o kulang, tama man o hindi. Siguro wag na lang po natin sukatin o computin. Para hindi na lang tayo mag-e-expect ng kapalit o sukli. – Left Pencil

tengene kuya Ely ano naaaaa!!!!! di ko kinaya yung sumabog na tangke adkaksldja dafuq.
anyway, ang galing galing mo magsulat, nasabi ko na ba yun? hahaha kasi pukaw na pukaw yung damdamin ko kahit simple lang yung nangyayari, parang f na f ko yung mga ganap eh. shet ako yata yung may sapak sa utak eh HAHAHAH – Aila

Isubmit na yan!!! – Aysah 

Basta pag mahal mo, ipaglaban mo hangga’t kaya at pwede pa. – Amielle

Walang maling pagmamahal sa taong may pakiramdam, at lalong walang tamang pagmamahal sa taong ayaw. <agmahal ka ng naaayon sa iyong kagustuhan, hindi dahil sa kung ano ang depinisyon nya. Mas masarap kapag sa puso nagmumula . – BoredSensei

 

Lavern Ely! Habang di nag c-change ng status may pag asa! Hahaha! – Space

Huwag kang mapagod. Just enjoy life. And continue to have that “inner peace” in the midst of the busy and noisy city.. – ShadesofWanderer

At maraming pang ibang ‘di ko na nabanggit…

Kundi dahil sa’yo ay ‘di ko sila matatagpuan.

_____________________________________________________________________

Maraming salamat sa lahat. Alam mo naman na mahal kita, ‘di na siguro magbabago ‘yun.

Pero siguro kailangan na nating magbreak.

 

Tapusin na natin ang taon na ‘to na tinatapos ang lahat ng tungkol sa atin.

It’s not you, it’s me.

Kailangan ko nang magsimula ng Book II.

 

 

 

362 of 365

Dahil uso naman ang mga replay na palabas sa TV sa panahong ito, hayaan mo na akong magbalik-tanaw sa 2017 nating dalawa.

January: Naka-bakasyon ka dito sa Pinas. Ako naman si ‘di mapakaling ikot ng ikot sa paghahanap ng lugawan na pwede nating kainan, na sa dulo ay tinamaan ng kaduwagan na ‘di nakuhang magpakita sa’yo.

February: Inilabas ang Kwentong Jollibee Valentine Series na nagpadagdag ng hapdi sa puso ko. Sino ba ang makakalimot sa linyang: Mahal na mahal kita. Gusto ko ikaw ang pinakamaligaya sa lahat. Kahit hindi naging tayo.  A moment of silence for our fallen brother in the friendzone! Na dinagdagan pa ng pagrelease ng pelikulang I’m Drunk I Love You at ang linya ni Carson na: Di mo naman kasalanan kung ‘di mo ako mahal. Ang sakit. tagos na tagos ang mga patama.

March: Lumipas ang March sa pag-iisip ko sa’yo at pag-aabang sa mga message mo sa Whatsapp.

April: Okay naman tayo ng mga panahong ‘to. Nagrereply ka naman. Updated ka pati sa pag-iyak ko dahil sa nabali kong daliri sa paa courtesy ng malikot kong pamangkin.

May: Lumipas ang buong buwan na nag-iintay ako ng kasunod na message ng huling smiley na sinend mo. Na ‘di ko alam kung katanggap-tanggap ba ang linya kong: Sobrang mahal kita. Na ‘di ko alam bakit ‘di ko kayang mag-send ng kahit man lang isang message sa’yo.

June: ‘Eto ‘yung basted moment for the nth time.

Basta kahit anong mangyari, lagi mo tatandaan mahal na mahal kita.

Ilang oras din ang lumipas bago ako nagkaroon ng lakas ng loob na ipadala ang linyang ‘yun.

Nagulat akong nagreply ka. Speechless ba? Sabagay nga, after all these years eto pa din ang linya ko.

Expected ko na ‘di ka naman maniniwala, kung paanong ‘di ka naman naniniwala noon pa.

Reply mo: Hindi naman. Kaya lang iba na kse ang sitwasyon natin ngayon.

💔

July: Bumenta ang pelikula ni Alex at Empoy na Kita Kita. At pinilit kong i-relate sa ating dalawa at umasang tayo yung Two Less Lonely People in the World.

Siguro nakikita ko lang ang sarili ko kay Tonyo. Lamang naman siguro ako ng tatlong paligo. Pero sa maraming pagkakataon, magkapareho kami.

Kung pwede lang na maging kapitbahay kita para small world na tayo.

Kung pwede lang sanang ipagluto din kita ng adobo, pansit, turon, kaldereta, sinigang na baboy, lumpiang hubad katulad ng ginawa ni Tonyo. Baka sakaling papasukin mo na ako sa bahay mo, as well sa buhay mo.

August: Pinalabas ang 100 Tula Para Kay Stella. At syempre pilit ko nanamang ni-relate sa ating dalawa.

Sumusulat ako sa’yo, hindi para mapabilib ka. Paano ka namang bibilib eh lahat-lahat, pati pagiging loser ko, kinukwento ko sa’yo dito. Sumusulat ako sa’yo, hindi para sagutin mo na ako. Paano mo naman ako sasagutin eh hindi pa nga ako nanliligaw. Ska ‘di pa man ako nanliligaw, nabasted mo na ako, ‘di ko na lang binibilang kung ilang beses. 

Sumusulat ako sa’yo para malaman mong iniisip kita. Para malaman mong mahal kita. Kaso kahit gaano pa kadami ang masulat ko sa’yo dito, ‘di pa din nagiging madali na sabihin sa’yo personally o kahit man lang sa whatsapp. Kaya nagkakasya na lang ako na alam mong nag-eexist ang mga sulat na ‘to. Wala mang kasiguraduhang nababasa mo, ang importante nasabi ko. Umaasa na lang ako na minsan maisip mo din ako at maisip mong basahin ang mga sulat ko.

Dati, sabi mo, ‘di sapat ‘yung nararamdaman mo para mahalin mo ako. Ngayon, sabi mo, iba na k’se ang sitwasyon. Nung napanood ko ‘to, naisip ko, mabilis lang talagang maging “hindi na pwede” ang “hindi pa puwede”.

Masarap sumulat sa’yo pero may mga pagkakataong dapat nagsalita na ako.

September: Ang ‘di malilimutang tagpo ng birthday mo. Ang pakikipagsapalaran ko sa airport, ang pagdadrama ko in between ng pag-iintay at ang isang oras na pag-uusap.

October:  Okay pa tayo nito eh, updated ka sa  pag-apply ko. Ikaw ang una kong sinabihan nung natanggap ako sa work. Sabi ko magboblowout ako at niyaya pa kitang manood ng Last Night ni Piolo (kahit alam ko naman na ‘di pwede dahil andyan ka sa UAE). Updated ka sa pagiging pusa ko sa pagsabog ng tangke ng tubig. Almost everyday ‘yung good morning at kumusta natin sa isa’t isa.

November: Okay pa din tayo nito.

Araw-araw tayong magka-chat sa Whatsapp. Breakthrough na sa haba ng pagchachat natin, binigay mo na sa akin sa wakas, ang address mo d’yan. Kaya nagplano na ako na personal na ideliver ang gusto mong Burrito ng Taco Bell sa’yo.

Magka-chat tayo habang bumabyahe kami papuntang Mt. Maculot. Updated ka nung narating na namin ang summit. Pinadala ko yung picture ng lomi na kinain namin pagkababa namin ng bundok at nagkasundo tayong kakain tayo dun pag nagbakasyon ka.

Hanggang naisipan kong i-add ka na sa FB.

Na inaccept mo naman.

S’yempre ako, ‘eto todo basa naman.

At sa pagscroll down unti-unti na lang nalusaw ang kaligayahang nadarama ko sa mga panahon na ‘yun.

💔

💔

💔

December: Merry Christmas na lang ang nasabi ko.

 

360 of 365

Time check: 9:21 a.m.

—————————————–

Nagising ako ng 4:30 a.m. Nagcheck ng messages. Nagbasa. At naisipang magsulat.

Pero maglilimang oras na, wala pa rin akong nasusulat.

May nasulat naman pala ako kanina.

Binura ko nga lang.

 

 

—————————————–

Sa dalawang buwan ng pagsusulat at pagbubura, naging takbuhan ko ang pagbabyahe ko.

Pagbabyahe talaga?!

Hahahahahaha.

Tatlong oras ang byahe ko papunta sa trabaho. Tatlong oras din ang pauwi. Kapag “maswerte” ang araw ko ay nagiging apat o  tatlong oras pa. At ang mga oras na ‘yun ang nilalaan ko sa pagmumuni-muni, pagsasoundtrip, panonood ng kdrama, pagbabasa at pagtulog.

Alam ko naman na sinabihan mo na ako dati na magrent na lang sa Pasig para ‘di na ako mapagod sa byahe. Sadyang matigas lang ang ulo ko. O sadyang mas gusto ko lang talaga na araw-araw makita si Mama at masabayan s’ya sa tanghalian. O sadyang tamad lang talaga ako, kaya mas ginusto ko magstay sa bahay namin na may mag-aasikaso ng lahat ng bagay para sa akin.

Katulad mo, nagtataka din akong kung kelan ako tumanda saka ako naging “attached” sa bahay namin. Samantalang 17 pa lang ako, humiwalay na ako sa kanila. Alam mo namang mabubuhay ako mag-isa na walang nag-aasikaso sa akin. Marunong akong magluto, paborito kong maglaba at mag-plantsa. ‘Di nga naging struggle ang pagpunta ko sa Dubai n’un dahil sanay na akong wala sa bahay namin. Sanay na akong nagcecelebrate ng Pasko at New Year na hindi kasama ang family ko.

Kaya nagtataka ako sa sarili ko bakit ko pinapahirapan ang sarili ko sa pagbabyahe araw-araw.

Siguro nga gusto ko lang ‘yung oras na ‘yun para makapagmuni-muni. Maingay man pero ewan ko, nakasanayan na ng katawang lupa ko na makaramdam ng inner peace sa gitna ng ingay ng mga sasakyan sa kalsada. Sa byahe nakukuha kong magbasa, na ‘di ko magagawa pag nasa bahay dahil paniguradong matutulog lang ako.

O siguro gusto ko lang talagang mapagod.

—————————————–

Gusto ko nang mapagod.

—————————————–

287 of 365

Paano ba kita mamahalin?

Sa pang-ilang beses sa pang-ilang araw kong pagtatype at pagbabackspace, ‘yan ang gusto kong itanong sa’yo.

Paano ba kita mamahalin?

Paano ba kita tamang mamahalin?

Sapat na ba ang good morning, good night at ingat sa araw-araw sa Whatsapp? Sapat na ba ang mga sulat? Sapat na bang mag-intay lang ako? Sapat na bang alam mong mahal kita? Sapat na bang… mahal kita?

_______________________________________________

Panglimang araw ko na ng training sa bago kong trabaho. Ayos naman ang mga ka-wave ko. Siguro number 2 ako sa listahan ng noisy. Oo, ang ingay ko, naninibago nga ako na sobrang kulit ko.  ‘Di ko alam kung nasabik ang natatago-kong-kakulitan na makalabas ng lungga o sadyang paraan ko lang ‘yun para gisingin ang sarili ko at ‘di sumunod sa liwanag.

Panglimang araw pa lang namin pero ilan na din ang nakapag-open up about sa mga buhay buhay nila, kung paano nagsimula ang mga relasyon at kung paano din nagtapos.

Sa pakikinig sa mga kwento nila, naisip kong ang hirap palang magmahal ng sapat… ‘yung ‘di kulang, hindi rin sobra. ‘Di ko alam kung ang problema ba ay d’un sa nagmamahal o sa tumatanggap ng pagmamahal. Kung paano nasusukat ang pagmamahal… ‘di ko din alam. Ewan ko, narealize ko na  lang, sobra palang kumplikado, kung paanong ang pagmamahal na alam mo ay hindi  pala pagmamahal para sa taong tumatanggap nito. 

Sabi ni Ecka, pag mahal mo, ipaglaban mo. Sabi naman ni Jaymie, pag mahal mo, palayain mo. Kung iba kaya ang mga naging choices nila, may magbabago kaya? Maiiba kaya ang kwento nila? Hindi na kaya sila iiwan ng mga taong mahal nila?

_______________________________________________

Paano ba kita mamahalin?

Ilang beses ko nang gustong itanong sa’yo. Pero alam ko namang ‘di mo sasagutin. Siguro iniisip mo, bakit kailangan ko pang tanungin? Bakit ‘di ko na lang gawin?

Siguro dahil natatakot akong magkulang o sumobra.

Natatakot akong baka ang alam kong pagmamahal ay pagmamahal na ‘di mo pala ramdam.

Natatakot akong baka ang alam kong pagmamahal ay ‘di pala pagmamahal para sa’yo.

______________________________________________

Paano ba kita mamahalin?

Ang meron lang ako ay pagmamahal sa’yo na walang deadline, walang expiration date at walang expectation.

Okay na ba ‘yun?

Ako na ang Pusa.

Galit na galit ang nanay ko nung umuwi ako na putikan ngayong umaga. Matagal-tagal na din akong ‘di nakakaranas ng sermon, kaya medyo naninibago ako. Ang tanda ko na k’se para sermonan. Pero naisip ko, kasalanan ko naman. 

Umaga na k’se ako umuwi. 

‘Yung itsura ko pa, mukhang naghabol ng biik sa putikan.

Tinanong ako kung saan ba ako galing at bakit sobrang putik ko. Nagpakalasing daw ba ako at ‘di ko na namalayang nakatulog ako sa kalsada? O napagtripan daw ba ako? Naholdup at tinapon sa liblib na lugar?

Ayoko magsalita. Wala din naman akong masabi. Ang bilis k’se ng pangyayari, ‘di ko na namalayan. Ang gusto ko na lang, makapagpalit na ng damit. Makahiga. At makita kung nagreply ka na.

_______________________________

Medyo mahaba lang at nakakapagod ‘yung araw kaya naisipan kong lumabas. Inenjoy ko ‘yung buwan. 

Para mahimasmasan naman ako sa galit ko sa mga Joey sa mundo. 

Buti na lang full moon. Kahit paano pinagaan ng buwan ang kalooban ko.

___________________

Buong gabing type-backspace ang ginawa ko. 

Kumusta ang gravitational pull sa’yo ng full moon?

Apat na oras kong pinag-isipan ang linyang ‘yan. Hahahahaha. Kung ako nagsasawa na sa kumusta ko, ano ka pa kaya ‘di ba? Kaya yan, pinag-isipan ko pa talaga… 

ang aking imaginary girlfriend sulat kay elsie
Kaya siguro gusto ko ang buwan… Kaya siguro mahal kita…

Malapit nang mag-alas tres ng madaling araw pero parang ayoko pa umuwi. Nasarapan na ako sa pwesto ko sa labas ng 711, uminom ng giant Slurpee, magbackread ng mga blog at makibasa ng usapan sa FB Group na The Fault in Our Blogs.

Hanggang nalobat na ako.

Naisipan ko nang umuwi.

Naisip kong lakarin ang kalsadang pauwi sa amin. Medyo malayo pero naisip ko, magpapakapagod na lang ako sa paglalakad para makatulog na ako agad pagdating ko sa bahay. 

_______________________

‘Di ko na namalayan kung anong nangyari. 

Nablangko na lang ako. At nakita ko na lang ang sarili kong basang-basa at puno ng putik.

Nakatayo pa din naman ako.

Hindi katulad ng mga nakita ko sa likuran ko.

Hindi ko alam pero pinili ko na lang na tumuloy na lang maglakad.

___________________________

Pagkatapos kong magcharge at magcheck kung nagreply ka na, maligo at makapagpalit ng damit, nahiga na ako at nagbackread uli ng mga blog. 

Ilang oras pa nakita ko na lang ang sarili kong tumatawa sa mga nababasa ko. 

May sapak na nga ‘ata talaga ako sa ulo.

____________________________

Sa pang-ilang pagkakataon, buhay pa din ako. 

Ako na ang pusa.

_____________________________

Ako na ang pusang  nakalagpas sa tangke ng tubig na biglang sumabog.

274 of 365

Ilang araw ko nang gustong sumulat sa’yo ng love letter. ‘Yung love letter talaga, ‘yung sulat na pagmamahal ko ang mararamdaman mo, ‘yung ‘di ka malulungkot, ‘yung ‘di ka mapepressure, ‘yung ‘di ka mauumay.

‘Di ko na maalala kung kelan nagsimulang naging malungkot ang dapat sanang sulat ng nag-uumapaw na pag-ibig ko sa’yo.

Ang naaalala ko, minsan sumulat ako na masama ang loob ko sa’yo. Sinulat ko lahat ng masakit na ginawa mo.

Pero minsan lang ‘yun at ‘di na nasundan.

Alam ko naman k’se na kasalanan ko naman. Alam ko naman na ako lang talaga ang numero unong assumero. ‘Di mo naman kasalanan kung ‘di mo ako mahal o ‘di mo ako kayang mahalin. ‘Di mo naman talaga ako sinaktan. Wala ka namang ginawang masakit.

Sadyang sinasaktan ko lang ang sarili ko.

O sadyang pinaparusahan ko lang ang sarili ko sa mga bagay na pinili ko dati.

 

Bakit ba hindi ko na lang agad sinabi sa’yo?

O bakit ba hindi ko nagawang umiwas na lang sa’yo?

Bakit ba sinubukan ko pang maging masaya kahit alam ko namang magiging malungkot din ang kwento?

Bakit ba hinawakan ko pa ng mahigpit ang kamay mo kung bibitawan ko din naman sa dulo?

At bakit ba pinapunta pa kita kung ‘di ko naman pala kayang magpakita?

 

Nakilala mo ako sa pinakamadilim na tagpo ng buhay ko. Nung mga panahon na ‘yun, handa na akong iwanan lahat. Handa na akong mag-sign off kay Life. Alam kong hindi ako kasing galing ni Juan Pujol Garcia kaya hinanda ko na ang sarili ko. Either mamatay ako o mamatay ako.

Then you held my hand and filled those empty spaces between my fingers. 

Oo, ang babaw. Siguro nga ang babaw. 

Never mo siguro maiintindihan.

______________________________

Siguro dadating din ‘yung oras na kaya ko nang isulat sa’yo ang istorya ng pinakamadilim na tagpo na ‘yun. Siguro ‘pag naisulat ko na, maiintindihan mo na kung ano ang pinaghuhugutan ko. Siguro ‘pag naisulat ko na, maiintindihan mo na kung bakit mahal pa din kita.