287 of 365

Paano ba kita mamahalin?

Sa pang-ilang beses sa pang-ilang araw kong pagtatype at pagbabackspace, ‘yan ang gusto kong itanong sa’yo.

Paano ba kita mamahalin?

Paano ba kita tamang mamahalin?

Sapat na ba ang good morning, good night at ingat sa araw-araw sa Whatsapp? Sapat na ba ang mga sulat? Sapat na bang mag-intay lang ako? Sapat na bang alam mong mahal kita? Sapat na bang… mahal kita?

_______________________________________________

Panglimang araw ko na ng training sa bago kong trabaho. Ayos naman ang mga ka-wave ko. Siguro number 2 ako sa listahan ng noisy. Oo, ang ingay ko, naninibago nga ako na sobrang kulit ko.  ‘Di ko alam kung nasabik ang natatago-kong-kakulitan na makalabas ng lungga o sadyang paraan ko lang ‘yun para gisingin ang sarili ko at ‘di sumunod sa liwanag.

Panglimang araw pa lang namin pero ilan na din ang nakapag-open up about sa mga buhay buhay nila, kung paano nagsimula ang mga relasyon at kung paano din nagtapos.

Sa pakikinig sa mga kwento nila, naisip kong ang hirap palang magmahal ng sapat… ‘yung ‘di kulang, hindi rin sobra. ‘Di ko alam kung ang problema ba ay d’un sa nagmamahal o sa tumatanggap ng pagmamahal. Kung paano nasusukat ang pagmamahal… ‘di ko din alam. Ewan ko, narealize ko na  lang, sobra palang kumplikado, kung paanong ang pagmamahal na alam mo ay hindi  pala pagmamahal para sa taong tumatanggap nito. 

Sabi ni Ecka, pag mahal mo, ipaglaban mo. Sabi naman ni Jaymie, pag mahal mo, palayain mo. Kung iba kaya ang mga naging choices nila, may magbabago kaya? Maiiba kaya ang kwento nila? Hindi na kaya sila iiwan ng mga taong mahal nila?

_______________________________________________

Paano ba kita mamahalin?

Ilang beses ko nang gustong itanong sa’yo. Pero alam ko namang ‘di mo sasagutin. Siguro iniisip mo, bakit kailangan ko pang tanungin? Bakit ‘di ko na lang gawin?

Siguro dahil natatakot akong magkulang o sumobra.

Natatakot akong baka ang alam kong pagmamahal ay pagmamahal na ‘di mo pala ramdam.

Natatakot akong baka ang alam kong pagmamahal ay ‘di pala pagmamahal para sa’yo.

______________________________________________

Paano ba kita mamahalin?

Ang meron lang ako ay pagmamahal sa’yo na walang deadline, walang expiration date at walang expectation.

Okay na ba ‘yun?

Advertisements

274 of 365

Ilang araw ko nang gustong sumulat sa’yo ng love letter. ‘Yung love letter talaga, ‘yung sulat na pagmamahal ko ang mararamdaman mo, ‘yung ‘di ka malulungkot, ‘yung ‘di ka mapepressure, ‘yung ‘di ka mauumay.

‘Di ko na maalala kung kelan nagsimulang naging malungkot ang dapat sanang sulat ng nag-uumapaw na pag-ibig ko sa’yo.

Ang naaalala ko, minsan sumulat ako na masama ang loob ko sa’yo. Sinulat ko lahat ng masakit na ginawa mo.

Pero minsan lang ‘yun at ‘di na nasundan.

Alam ko naman k’se na kasalanan ko naman. Alam ko naman na ako lang talaga ang numero unong assumero. ‘Di mo naman kasalanan kung ‘di mo ako mahal o ‘di mo ako kayang mahalin. ‘Di mo naman talaga ako sinaktan. Wala ka namang ginawang masakit.

Sadyang sinasaktan ko lang ang sarili ko.

O sadyang pinaparusahan ko lang ang sarili ko sa mga bagay na pinili ko dati.

 

Bakit ba hindi ko na lang agad sinabi sa’yo?

O bakit ba hindi ko nagawang umiwas na lang sa’yo?

Bakit ba sinubukan ko pang maging masaya kahit alam ko namang magiging malungkot din ang kwento?

Bakit ba hinawakan ko pa ng mahigpit ang kamay mo kung bibitawan ko din naman sa dulo?

At bakit ba pinapunta pa kita kung ‘di ko naman pala kayang magpakita?

 

Nakilala mo ako sa pinakamadilim na tagpo ng buhay ko. Nung mga panahon na ‘yun, handa na akong iwanan lahat. Handa na akong mag-sign off kay Life. Alam kong hindi ako kasing galing ni Juan Pujol Garcia kaya hinanda ko na ang sarili ko. Either mamatay ako o mamatay ako.

Then you held my hand and filled those empty spaces between my fingers. 

Oo, ang babaw. Siguro nga ang babaw. 

Never mo siguro maiintindihan.

______________________________

Siguro dadating din ‘yung oras na kaya ko nang isulat sa’yo ang istorya ng pinakamadilim na tagpo na ‘yun. Siguro ‘pag naisulat ko na, maiintindihan mo na kung ano ang pinaghuhugutan ko. Siguro ‘pag naisulat ko na, maiintindihan mo na kung bakit mahal pa din kita. 

263 of 365

Sabi ng mga napadpad sa blog na ‘to, ang lungkot daw ng mga sulat ko. Kaya naisip ko baka kaya ‘di mo pa binabasa lahat ng mga sulat ko sa’yo dito k’se nga puro pag-eemo ko lang ang mababasa mo. Kaya naisipan kong maiba naman ngayon.

(Pipilitin.)

‘Yun… Kumusta?

Kahit nung nagkita tayo kumusta lang ang naisip kong sabihin. At happy birthday.  At nung kinamusta mo na ‘ko, wala akong maisip sabihin. Sa mga sandaling ‘yun k’se parang ang gusto ko lang marinig ‘yung boses mo, ‘yung mga kwento mo. Medyo ‘di nga lang ako makatingin ng matagal sa’yo, natutunaw k’se ako. Hahahahahaha, buti na lang gabi ‘di mo napansing isang oras akong namumula, nakakahiya, ang init ng pisngi ko, pakiramdam ko nakainom ako isang case na beer. Parang pakiramdam lang nung unang nanligaw nung highschool. 😂😂😂

At ininterview pa talaga kita about sa family tree n’yo. Si Papa mo naman ang unang topic  natin kaya ‘di na din maiiwasan ‘yung family tree. Pagbigyan mo na ang pasimpleng pagbabackground-check ko. Background check talaga hahahahaha, inaalam ko lang kung ilang beses akong manliligaw. At ‘yun nga, medyo may kalakihan ang angkan kaya mukhang lalaki ang katawan ko sa pagsisibak ng kahoy at pag-iigib ng tubig. Sinisimulan ko na ang pagprapractice ng pagsisibak ng kahoy. Sanay naman na akong mag-igib ng tubig. Pero pwede bang daanin sa foods? Magbibitbit ako ng mga kakanin, madami dito sa Bulacan, bibingka, suman, puto, kutsinta, meron ding pritong itik(?), butcheron, chicharon, at crispy mushroom. At madami pang iba.

At ‘yun, ‘wag kang mag-alala sa angkan ko. They will definitely love you. Seryoso. Pinamimigay na ako ng mga magulang ko kaya kunin mo na daw ako. Hahahahaha. ‘Yung mga kapatid kong sobrang liliit nung college tayo, naka-graduate na. CPA na ‘yung kasunod ko, ‘yung sumunod magte-take na ng Licensure Exam for Teachers sa Sunday, at ‘yung bunso masyadong busy sa heaven, ‘di man lang ako dinadalaw.

angakingimaginarygirlfriend

Si Ate ko, pauwi na galing sa Saudi baka sa November or December. Ewan ko ba dun bakit naisipang mag-Saudi. Sabi n’ya gusto n’ya muna umalis, mukhang dahil daw sa postpartum blues, something about hormones daw after childbirth. Ayaw namin na umalis s’ya pero mapilit, inintindi na lang namin. Bale ‘yung brother-in-law ko at ‘yung panganay nila ang nasa bahay nila. Andito sa amin ‘yung bunso. One year na dito sa bahay, pero paminsan-minsan naman inuuwi din sa kanila. Ayun, ako na ang nag-aalaga sa kanya dahil home-based naman ang trabaho ko. Kaso ‘yun hanggang ngayon andami pa ding words na ‘di kayang sabihin. ‘Yung name n’ya Sean, tanungin mo kung ano name n’ya, ang isasagot n’ya: Na. Kaming dalawa lang ang nagkakaintindihan, kakaiba ang vocabulary n’ya, hahahaha ewan ko kung paano ko naiintindihan. Bonding time namin ang mambulahaw ng kapitbahay, proud s’ya kumanta kahit walang letra, favorite n’ya ‘yung Akap ng Imago dahil sa commercial ng Nido, tumutugtog kami ng harmonica, flute at ukulele, at mahilig s’yang mag-zumba. Hahahaha. Pastime namin ang magdrawing at magkulay ng mga Coloring Book. Last week, nakadrawing na s’ya ng face ng tao na mukhang alien ang katawan. Sabi ng Ate ko at mga kapitbahay namin, expected na ‘yun ang matutunan ng pamangkin ko sa akin dahil ‘yun naman ang lagi kong ginagawa at ‘di din naman daw ako nagsasalita. Ewan ko kung magandang bagay ba ‘yung sinabi nila, ano sa palagay mo?

Si Sean
ang aking protege… si Na.

At sa work, ‘yun, ganun pa din naman. Batukan mo na nga ako for settling at laging pagpoprocastinate. ‘Yung Youtube channel, plano pa din, kelan pa natin napag-usapan ‘yun, ‘di ko pa din masimulan. ‘Yung mga plano kong sites, plano pa din. Bigyan mo na ako ng deadline, para naman ma-pressure na ako. 😂😂😂

Panoodin na lang natin si Empoy…’Di ko k’se alam kung paano ko tatapusin ang sulat na ‘to…

Kapag lumingon ako,

at nandun ka pa

ibig sabihin,

may pag-asa,

may chance na mahalin mo rin ako…

na kasya pa ako sa buhay mo…

 

260 of 365

Sinukuan ko na ang pag-ibig ko sa’yo…

Sinukuan ko na ang pag-ibig ko sa’yo pagkatapos matapos ang isa sa dalawang araw na meron lang ako.

Sinukuan ko na ang pag-ibig ko sa’yo sa magdamag na hindi ka nagreply.

Sinukuan ko na ang pag-ibig ko sa’yo. Umalis ako ng bahay na ang rason lamang ay makita ka at makapagpaalam sa’yo at sa lahat-lahat ng nararamdaman ko sa’yo. Kahit ‘di ko alam kung magpapakita ka.

Nasa Philcoa na ako… Sobrang late na ba para magkita tayo?

Sorry hindi na abot.

Pasensya na sa susunod na lang na uwi ko.

Expected ko na ‘yung reply mo. Siguro dapat nga magpasalamat pa akong nagreply ka at ‘di mo ako tiniis mag-intay sa arawan.

Sinukuan ko na ang pag-ibig ko sa’yo, sabi ko huli na ‘to.

Pumunta ako ng airport kahit ‘di ko alam kung anong flight mo. Bahala na si Batman. Kung makikita kita, makikita kita. 

Nasa terminal 3 ako, nasa tamang terminal ba ako?

Hayaan mo na akong makita kita, kahit makita lang kita…

Hindi na ako nag-iintay ng reply. Desido na akong mag-intay kahit walang reply, kahit walang kasiguraduhan. Sinukuan ko na ang pag-ibig ko sa’yo at sa gan’tong paraan ko gusto tapusin lahat-lahat. Gusto ko nang mapagod. Papagurin ko ang sarili ko hanggang ako na ‘yung sumuko, hanggang ako na ‘yung umayaw.

Pal ako.

‘Di ko alam kung ano ang naramdaman ko pagkatapos kong basahin ang dalawang salitang reply mo. Nagcheck agad ako ng flight details ng PAL.

Terminal 2 | 2230. 

Nasa maling terminal ako.

Automatic nang lumakad ako palabas ng Terminal 3 at sumakay ng bus pa-Terminal 2.

Ilang beses akong lumakad, umupo, tumayo, lumakad uli. Ilang oras ang lumipas bago ko na-realize na nawawala ang paper bag na dala ko. Andun lahat ng naipon kong ibibigay ko sa’yo ‘pag nagkita tayo. Kasama ang print out ng mga sulat ko sa’yo, para ‘di ka na mahirapan magback-read sa mga ‘di mo pa nabasang sulat ko. Kasama ‘yung malambot na asong 8 years nang naaalikabukan na may pangalang Buddha. Kasama ‘yung rose na ‘di naman ‘ata talaga rose na dapat ay advanced na regalo ko sa’yo para sa Valentines day this year na ‘di ko nabigay dahil ‘di naman tayo nagkita bago ka umalis nung January. At kasama din ‘yung kung anu-anong keychain na binili ko para sa’yo sa kung saan-saang lugar na pinuntahan ko.

Binalikan ko lahat ng pinuntahan ko, maliban sa Terminal 3. Sinukuan ko na. Siguro kailangan ko na ding pakawalan lahat ng bagay na connected sa’yo. Sabagay magpapaalam na lang din naman ako, hayaan ko na. 

Sinukuan ko na ang pag-ibig ko sa’yo. ‘Yun na ang buong magdamag at buong maghapon kong iniisip. Gusto lang kita makita para mafinalize na ang lahat sa akin. Lulubusin ko na ang pag-iintay ko para wala na akong what-ifs sa buhay ko. Sabi ko sa sarili ko pag nagkita na tayo, sasabihin ko lang na ingat at aalis na ako, no more looking back. Mula 8:30 ng umaga hanggang 7 p.m., ito na ang nasa isip ko, sinukuan ko na ang pag-ibig ko, no more looking back.

Low battery na ang phone ko. Low battery na din pati mata ko. Madilim na kaya iniisip kong baka ‘di kita makita. Malabo ang mata ko, lalo na pag madaming tao, nahihirapan akong ifocus ang tingin ko, blurred lang lahat kahit may salamin pa ako. Kaya ‘di ko alam kung dumating ka na ba. O baka nakapasok ka na. 

Napabuntong hininga na lang ako.

At katulad ng nakagawian ko, binababa ko ang ulo ko at tumitingin sa baba ‘pag stressed na ang mga mata ko. Ipapahinga ko lang ng konti. Inhale, exhale, itataas na uli ang ulo.

At parang pelikula na pagtaas ng ulo ko, kasabay ng pagbukas ng mata ko, ikaw ang nakita ko. 

Blurred ang paligid. 

Slow motion. 

Tahimik. 

At ikaw.

At napabuntung hininga na lang ako. 

At nakalimutan ko na ang lahat ng iniisip ko sa buong araw na pag-iintay sa’yo.

Natutunaw pa din ako ng tingin at ngiti mo. Wala pa ding nagbago. Parang kahapon lang yung unang araw na na-inlove ako sa’yo. 

At nang marinig ko uli ang boses mo, narealize kong ‘eto yung boses na inintay ko ng mahabang panahon, ‘eto ‘yung boses na inaasahan kong marinig sa bawat paggising ko, everyday in the last 17 years. Wala pa ding nagbago.Parang kahapon lang yung unang araw na napakalma mo ang kaloob-looban ko.
It is you.

And it’ll always be you.
‘Di ko pala kayang sukuan ang pag-ibig ko sa’yo. 

Happy Birthday, Elsie

10:38 na, 1 hour and 22 minutes na lang birthday mo na. ‘Eto nanaman ako, mas excited pa sa’yong may birthday.

Parang nung nakaraang taon lang.

Dalawang edition pa ng countdown ang ginawa ko. Binati kita ng 12 midnight dito sa Pinas at binati kita uli 4 hours later. Pinas at Dubai countdown k’se. Sabi mo pa, wag akong mag-countdown k’se wala lang naman. Pero sagot ko sa’yo: Akala mo lang na wala, pero meron, meron, meron… (kung maka-emote, hahahahaha) Konti lang pinagsamahan natin, 1 year tayong magkaklase pero ilang buwan lang na close tayo, ilang weeks lang yung pinasok ko, ilang araw lang yung maalala kita. At alam mo namang nung birthday mo 17 years ago ang unang araw ng realization ko.

At mula n’un nakatatak na ‘yung birthday mo sa body calendar ko. Pagpasok pa lang ng August, iniisip ko na ang padating na September.

Nung mga panahong wala akong number mo, t’wing birthday mo lang ako nakakalusot ng kumusta para sa’yo sa Ate mo. Kung ibang araw kita kukumustahin sa kanya baka matagal na akong inunfriend ni Ate mo dahil sa kakulitan ko.

Last year, record breaking ang birthday mo dahil almost 4 hours tayong magka-chat. Tumagal yun dahil ang topic natin ay ang birthday mo. S’yempre karugtong na din dun ang malabo nating istorya. Sa kwentuhan natin para tayong nagfifill in the blanks. Pilit nating inaalala saan ba nagmumula ang pinaghuhugutan ko. Pero hanggang ngayon madami pa ding blangko.

Masisisi mo pa ba ako kung big deal sa akin ang birthday mo?

Wala ka pang reply mula nung sinend ko sa’yo kanina ang mahaba kong message na sinulat ko kagabi.

Hindi mo pa nababasa ang huling message ko.

Hindi ko alam kung pagbibigyan mo ba akong makita at makausap ka bukas bago ka umalis.

Tinakot ka ba ng napakahaba kong message?

Mali nanaman ba ang timing?

O sadyang ayaw mo lang talaga sa akin?

Sobrang insensitive ko sa situation mo ngayon para tanungin ang mga bagay na ‘to. Baka lalong ‘di ka na magpakita. Pasensya ka na sobrang insensitive ko. Sobrang insensitive kong nagtatanong pa ako. Sobrang insensitive kong ‘di ko pa din alam ang sagot mo.

________________________________

 

Maligayang masayang happy birthday…

Alam mo naman ang hinihiling ko lagi kay Bathala… Okay na ako basta okay ka.

 

________________________________

 

At for the nth time hihiramin ko uli ang mga linya ni Jollibee:

Mahal na mahal kita.

Gusto ko ikaw ang pinakamaligaya sa lahat.

Kahit hindi naging tayo. 

 

________________________________

 

Pero sana magkita muna tayo bago ang pag-alis mo.

21, 16, 2

21 days. 21  days akong ‘di nagmessage sa’yo sa Whatsapp dahil ayokong maging makulit. Sabi k’se sa mga nabasa ko nakakaturn off daw ang makulit. Kaya ‘pag wala kang reply, iwasan na daw ang pagmessage uli, ‘wag makulit. Period.

Kaya nga meron nito, dito na lang ako nagsusulat sa’yo. Para ‘di ka makulitan, kahit na makulit ako, kahit na paulit-ulit na lang. Para ‘di naman sumabog ang inbox mo sa mga kwento ko sa’yo sa araw-araw.  Para ‘di ka maumay. Ang importante, ‘pag naisip mo ako, alam mo kung saan mo ako pupuntahan, alam mong iniisip kita, kahit ‘di mo dama.

16 days. 16 days ka na palang nandito sa Pinas. Gusto ko talagang batukan ang sarili ko. Pwede naman akong magmessage sa’yo after 3 days ng ‘di mo pagreply. Eh ‘di sana  nalaman ko ng maaga na nandito ka sa Pinas. Gusto kong batukan ang sarili ko sa ‘di pag message sa’yo ng kahit man lang kumusta nung nagforward ka ng promo ng Singapore Airlines. Ano ba pumasok sa isip ko para isiping nothing special naman dahil paniguradong sent to many lang yun? Bakit ba pinatagal ko ng 21 days ang ‘di pagmessage sa’yo?

Pero sabi mo nga, kahit naman nalaman ko ng mas maaga, busy ka din naman.

Nahiya na lang ako after kong marealize na ang insensitive ko. Na iniisip ko ‘yung pagkikita natin samantalang ‘di naman bakasyon ang reason ng pag-uwi mo. ‘Di ko man lang inisip na 2 weeks ka nang puyat sa pagbabantay kay Papa mo sa hospital. ‘Di ko man lang inisip na ilang araw ka nang stressed.

At sa ilang araw na ‘yun, wala naman ako. Sa ilang araw na ‘yun, ‘di ko man lang napadama sa’yo ang presensya ko. Sa ilang araw na ‘yun, busy akong magsulat ng kung anu-ano sa’yo samantalang ‘di ko man lang nasabi ang mga salitang kailangan mong marinig sa mga sandaling ‘yun. ‘Di ko man lang nasabing magiging okay din ang lahat. ‘Di ko man lang nasabing nandito lang ako.

Ano pa ba ang silbi nitong mga sulat ko kung wala din naman ako sa sandaling dapat nasa tabi mo ako? Minsan naiisip ko, ikaw ba ang imaginary o ako? Ako ang laging wala. Ako ang laging nawawala. Ano ba ang silbi ng pag-iisip ko sa’yo kung sa mga gantong panahon ‘di mo naman madama? Para ‘di ka makulitan… enough na bang reason ‘yun ng absence ko?

2 days.

2 days na lang birthday mo na.

2 days na lang 17th anniversary na ng pagmamahal ko sa’yo.

2 days na lang flight mo na.

2 days na lang 4,306 miles nanaman ang pagitan nating dalawa.

 

2 days na lang ang meron ako.

____________________________________________

Pasensya na kung magiging makulit na ako.

Pero pipiliin ko nang maging makulit.

At present sa buhay mo.

256 of 365

Nakakatawang minessage ko ang ex ko para lang itanong kung buhay pa ba ang mga gamit kong naiwan sa kanya. Ilang taon din akong ‘di nagpaparamdam sa kanya, tapos ayun, sobrang kapal ng mukha ko ‘no? ‘Di pa naman nya nababasa. Ewan ko, malamang ‘di n’ya babasahin ‘yun. O kung basahin man n’ya at kung magrereply man s’ya, panigurado sasabihin n’yang wala na, tinapon na n’ya o kaya sinunog na n’ya. What to expect eh sobrang g*go kong karelasyon sa kanya.

Pero dahil may gusto akong makuhang bagay, kinapalan ko ang mukha ko at nagbakasakali.

Para sa asul na Blue Soda na wallet.

Ilang taon ko ding kasama ‘yung wallet na ‘yun. Andami na naming napuntahan. Agimat na nga ang tawag ko sa kanya nung nasa Isabela ako. Makalimutan ko na lahat, ‘wag lang s’ya. Pinagkabalot-balot ko pa sa balot ng Bear Brand, para siguradong ‘di mababasa ‘pag umulan. Kasama ko s’ya sa pabalik-balik na pag-akyat ko ng Baguio at Sagada. Kasama ko din s’yang tumira sa Dumaguete. Kasama ko s’ya sa ilang beses kong pagshishift ng course.

Ewan ko ba bakit ‘di ko na sinama ang wallet na ‘yun pagpunta ng Dubai. Iniwan ko s’ya at ‘di ko na nabalikan. Tapos ngayon, nagbabakasakali akong makukuha ko pa s’ya sa pinag-iwanan ko. Samantalang alam ko naman, kung may susunugin o itatapon ‘yung ex ko, paniguradong unang-una ‘yun sa listahan. Alam n’yang sobrang importante sa akin n’un. Pinag-awayan pa namin minsan. Binigyan n’ya daw k’se ako ng bagong wallet, pero ‘yun pa din ang ginagamit ko. Parang s’ya lang daw, and’yan naman s’ya, pero ikaw pa rin ang gusto ko.

Mukhang ‘di ko na matatagpuan uli ang wallet na ‘yun. Mukhang hanggang isip ko na lang ang presensya n’ya.

Parang ikaw.

Hahahaha. History nanaman. Pasensya ka na, ilalagay ko na dito ang lahat ng kaya kong tandaan bago pa burahin ng pagtanda. Ang dami ko nang ‘di maalala. Kahit anong pilit ko. Hinanap ko ang mga classmate natin sa FB. Pilit kong inaalala yung mga katabi natin sa klase. Nasa dulo tayong row. Lagi kita tinatanaw dahil mga ilang classmate din ang pagitan natin. Ni hindi ko man lang matandaan ang last name nila Lorena at Emerson. Yung kay Mary Jane at Heiress lang ang naaalala ko. Wala akong matandaan sa mga pangalan ng mga lagi mong kasama. Si Jesepe lang. Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung sino si Chuckie, yun yung laging tawag sa akin ng mga kasama mo lagi dati plus yung barkada n’yong Psych ata ang course. Iniiisip ko kung sa klase natin sa Algebra kay Sir Aganan una kitang tinitigan. Habang nagsasagot ka sa board. O sa klase natin sa Filipino kay Mam Lachica. O sa klase natin sa PolSci kay Sir Monares. O sa English class habang nagyoyosi si Mam Uy. O baka dahil lagi tayong may vacant ng matagal dahil laging wala ang prof natin sa History. O natamaan mo ng dart ang puso ko sa PE class natin. Epic fail kse talaga ako lagi pag PE.

Tatlong beses tayong nag-sine pero ‘di ko maalala ‘yung isa. Tatlo nga lang ba? Coyote Ugly, Kailangan Ko’y Ikaw (kasama ang barkada), ‘yung isa ‘di ko maalala, kahit ano’ng pilit ko. Ikaw lang ang naaalala ko sa araw na ‘yun at ang bagong orange t-shirt ko at ang Bench 8 kong pabango. Mukhang hindi ko ‘ata inintindi ‘yung pelikula na ‘yun. Yung pagpapacute ko lang sa’yo ang naaalala ko.

History talaga…

At makakalimutan ko ba ang wallet na hiningi ko sa’yo?

Ang asul na Blue Soda na wallet.

Nakita ko lang, dahil kulay asul, hiningi ko na sa’yo.

12 years din kaming nagkasama n’un.

Magtataka ka pa ba kung paanong all those years naiisip pa din kita?

Kaso mukhang ‘di ko na matatagpuan uli ang wallet na ‘yun. Mukhang hanggang isip ko na lang ang presensya n’ya.

Parang ikaw.