100 Tula Para Kay Stella

Hindi ito movie review.

__________________________________

Nakita ko ‘yung trailer. Napakinggan ko ‘yung mga kantang kasama sa pelikula. May speech defect ang bida at nagsusulat ng tula. Maganda si Bela.

Enough nang reason para panoodin ko.

Saksi ka naman sa pagiging addict ko sa mga pelikula. Basta na-curious ako, papanoodin ko na. ‘Yun ngang unang movie na niyaya kita, dahil lang sa mga magaganda at sexy na babaeng nakita ko sa trailer kaya gusto ko panoodin. Babaw ‘di ba?

Nakakatuwa lang k’se college days ang setting. So ayun, s’yempre ikaw nanaman ang maiisip ko. Mid 2000s, panahon ng Nokia phones at Friendster, na ikaw pa din ang pinapaalala.

May 100 tula si Fidel para kay Stella.

Ako? Pang-82nd post na ‘tong sinusulat ko. May sulat, tula, kanta, drawing at kung anu-ano pa ang nilagay ko dito. Siguro aabot din ‘to ng 100. Baka lumagpas pa nga.

Umaasa si Fidel na kapag binigay n’ya ang 100 tula sasagutin na s’ya ni Stella.

Ako? Umaasa ba ako?

Sadyang minahal ni Fidel ang Stella na nasa mga tula n’ya.

Kaya napatanong nanaman ako sa sarili ko; mahal ba kita o mahal ko ang Elsie na nasa mga sulat ko? Nag-exist ka ba talaga o sadyang imaginary ka lang? 

Sapat na ba ang 100 tula?

O mas tama sigurong magiging sapat ba ang pagmamahal ko? O magiging sapat ba ako?

Sumusulat ako sa’yo, hindi para mapabilib ka. Paano ka namang bibilib eh lahat-lahat, pati pagiging loser ko, kinukwento ko sa’yo dito. Sumusulat ako sa’yo, hindi para sagutin mo na ako. Paano mo naman ako sasagutin eh hindi pa nga ako nanliligaw. Ska ‘di pa man ako nanliligaw, nabasted mo na ako, ‘di ko na lang binibilang kung ilang beses. 

Sumusulat ako sa’yo para malaman mong iniisip kita. Para malaman mong mahal kita. Kaso kahit gaano pa kadami ang masulat ko sa’yo dito, ‘di pa din nagiging madali na sabihin sa’yo personally o kahit man lang sa whatsapp. Kaya nagkakasya na lang ako na alam mong nag-eexist ang mga sulat na ‘to. Wala mang kasiguraduhang nababasa mo, ang importante nasabi ko. Umaasa na lang ako na minsan maisip mo din ako at maisip mong basahin ang mga sulat ko.

Dati, sabi mo, ‘di sapat ‘yung nararamdaman mo para mahalin mo ako. Ngayon, sabi mo, iba na k’se ang sitwasyon. Nung napanood ko ‘to, naisip ko, mabilis lang talagang maging “hindi na pwede” ang “hindi pa puwede”.

Masarap sumulat sa’yo pero may mga pagkakataong dapat nagsalita na ako.

224 of 365

Iniisip ko kung mahal ba kita or I’m just in love with the idea of you.

17 years. Madami nang nangyari. Madami nang nagbago. Nung 2009 nga lang, sobrang madami nang nagbago sa’yo, ano pa kaya ngayon. Ewan ko ba kung bakit sinasabi kong mahal kita samantalang wala naman na akong alam tungkol sa’yo. Kahit dati pa naman, ano ba ang alam ko?

Sobra ko lang sigurong minahal ‘yung Elsie dati. 

Na hanggang ngayon mahal ko pa rin.

Kahit ‘di naman na s’ya nag-eexist.

‘Di ko man mahanapan ng justification o definition ang nararamdaman ko, sa isang bagay masasabi kong sigurado ako; Lagi akong magpapasalamat sa Bathala na nakilala kita. Lagi akong magpapasalamat sa mga forces ng universe para sa “idea of you”, kung “idea of you” nga lang talaga ‘to.

Ewan ko kung ano ang ginawa nila sa utak ko nun. Bumaba ako na ang daming blangko. Ang daming ‘di ko na makilala. Ang daming ‘di ko maalala. Pero siguro okay na din ‘yun. Na bumaba ako na ikaw ang nasa isip ko. At lagi nang ganun ang cycle ng buhay ko… Laging sa dulo ng chapter, ikaw ang nasa isip ko. Laging sa dulo ng chapter, ikaw yung gusto kong maging simula. 

Sa mga dark phases ng buhay ko, yung “idea of you” ang kinapitan ko. Na kahit sobrang hirap, ‘di ko dama dahil sa “idea of you”. 

Sa mga panahong iniisip nilang madudurog ang puso ko, nagpakabato ako dahil sa “idea of you”. Kahit iniwan ako, niloko ako, pinagpalit ako sa iba, ‘di naging mahirap dahil sa “idea of you”.

Hinanap ko ang better version ng sarili ko dahil sa “idea of you”.

Siguro nga I romanticized everything and I ended up loving the idea of you. I made your friendly gestures  before a big deal, na ‘yun na lang ang naaalala ko. O siguro pinili ko talagang ‘yun na lang ang maalala. Pinili kong kalimutan ‘yung iba. 

You are a happy memory. You will always be a happy memory. 

You’re a proof that once, even just for that moment you held my hand, everything was perfect.

Tatanungin mo pa ba ako kung bakit mahal pa din kita?

217 of 365

Siguro sasabihin mo nanaman, may bago nanamang sulat, ‘di mo pa nga natatapos basahin yung mga nauna.

Alam ko namang busy ka.

O siguro sobrang manhid ko na lang talaga na ‘di pa ma-gets na ang gusto mo lang naman sabihin eh, tama na, masyado nang madami, ‘di na nakakatuwa. Bakit ba ‘di ko makuha na ‘di naman talaga kabasa-basa ang mga sinusulat ko sa’yo. Bakit ba ‘di ko na lang tanggapin na ‘di ka naman talaga interesado na malaman kung ano ang sinusulat ko sa’yo.

Sabagay wala namang kwenta ang mga sinusulat ko. Puro tungkol sa pagiging loser ko. Paulit-ulit lang. Nakaka-stress din sigurong magbasa ng puro kadramahan lang sa buhay. Kung anu-ano lang naman k’se ang sinusulat ko sa’yo. Kulang na lang idetalye ko pati pagligo at pagkain ko sa araw-araw.

Wrong move talaga na ibinigay ko sa’yo ang link ng mga sulat na ‘to. Sana ‘di ko na lang sinabing nag-eexist pala ‘to. Siguro masyado pang premature na nalaman mo. Mas okay sigurong nalaman mo after 20 years… o kaya yung panahong wala ka nang pinagkakaabalahan.

At sobrang wrong move na minemessage ko pa sa’yo na may bago kang sulat.

Imaginary ka nga eh. Dapat pinangatawan ko na yun. Dapat naging imaginary ka na lang lagi. Dapat ‘di ko na pinipilit pang maging totoo ang existence mo sa buhay ko.

K’se wala ka naman talaga. Wala ka sa mundo ko. Dahil iba ang mundo mo. At kahit kailan naman ‘ata, ‘di na ako makakapasok sa mundo mo. Hindi lang libong milya ang distansya nating dalawa… We are light years away.

Gago ko na lang na pinagpipilitan ko pang paglapitin ang mundo nating light years ang pagitan. Pinagpipilitan ko pang maintindihan mo ako… bakit ba ‘di ko magets na ‘di mo ako maiintindihan dahil alien ako sa mundo mo.

206 of 365

Dahil sa isang bagong site na idedevelop namin napilitan akong manood ng radyo. Oo, manood. Pinanood ko, hindi lang pinakinggan. Love Radio. Live video sa Love Radio app. Sina Lloyd Cadena at Kara Karinyosa ang mga DJ. Si Mon ang caller. Sabi nya pakitawagan daw si Ex nya, si Sam. Ininterview sya kung bakit sila naghiwalay. Sabi nya third party. May nakarating na picture sa kanya, may ibang guy na nakahalik sa ex nya. Dineny naman ni ex. Hanggang nagdecide na lang sila na siguro kailangan nila ng space. 

To the rescue ang dalawang DJ at tinawagan si ex. Bungad pa lang, galit na si ex. At sinabing pwede bang kausapin na lang nya si Mon. Kinausap nya at nasa tono nyang sobrang galit s’ya. Nag-usap na tayo di ba?  Ibblock na talaga kita. Di naman daw makakatulong ang ginagawa ng mga kaibigan nya. They’re annoying.

Sabay baba ng phone.

Dahil sa ‘annoying’ word, tumawag uli ang mga DJ. Annoying pala ha. 

Mabait naman si ex, sinagot pa uli. Sinabi nyang ayaw nya lang kseng may nakikielam na ibang tao. Di nga man lang nya alam kung sino ang kausap nya. May nagtatawanan pa, sino ba naman ang matutuwa. 

Bumaha ng comments. Bakit daw si ex pa ang galit, eh sya naman ang may kasalanan. Sabi naman ni Mon, baka nakukulitan na k’se. Sabi naman ng dalawang DJ baka naman merong ‘di kinwento ‘tong si Mon kaya wala silang kamalay-malay kung ano ang pinaghuhugutan ng galit ni ex. Baka nakukulitan na. Yun lang ang laging linya ni Mon.

Sobra yung tawa ko dun sa conversation. Nakakatawa kse sobrang galit nya na may tumatawag sa kanya at nakikisawsaw sa anumang problema meron sila, ‘di nya alam, nasa radyo sya, ilang libong tao ang nakikinig sa kanya at ilan na yung humuhusga sa kanya sa moment na ‘yun. Nakakatawa pang parang basang sisiw ‘tong si Mon na okay lang ang kayang isagot.

Nakakatawa. 

Hanggang bigla na lang, nakakalungkot na.

Nakakalungkot na may mga taong nagagalit dahil makulit ka na. Dahil mahal mo sila. 

‘Di ako magaling sa break-ups. Siguro sa break downs ako magaling. Iniiwasan kong makipagbreak. Nawawala na lang ako, sila na lang ang bahala magtapos. Siguro dahil ayoko nung mag-uusap na magbebreak tapos magbabalikan. Magkakasakitan uli. Magbebreak nanaman. Mawawala na lang ako, at syempre, mahihiya na akong bumalik. Hahahaha. Nung minsan may nakipag-break sa akin, ‘di ko na nilingon pabalik. Parang wala lang nangyari. Same old life. Minus her in the background. 

Nakakatawang andali kong magmove-on sa kanila.

Samantalang sa’yo, wala namang naging tayo. Pero ‘eto pa din ako. 

Naalala ko pa dati nung nagbreak kami nung ex ko na ikaw pa ang sinulatan ko imbes na ex ko. Sa’yo pa ako nagdrama. Yung tungkol pa sa atin ang iniiyakan ko.

Habang pinakikinggan ko yung ex ng caller kanina, naisip ko sobrang pathetic na ba ng kulit nitong si caller para mainis at magalit sa kanya ng sobra si ex nya.

Naisip ko, ganun na din ba ako?

Aabot din ba ako sa point na sasampal na sa akin yung galit o inis mo sa kakulitan ko?

___________________________

Lesson learned: Huwag tatawag sa radyo para makausap ka… Okay na yung sulat. Okay na ung text. Wag lang tatawag. Period.

204 of 365

Siguro iniisip mo, wala lang ako magawa kaya lagi akong nagsusulat sa’yo. Iniisip mo sigurong napakadami kong free time para sa mga bagay na gan’to. 

Siguro sadyang marami lang talaga akong oras para sa’yo. Kahit walang oras, gagawa ako ng oras para sa’yo. Me-time ko na ‘to. Sa mahabang oras ng pagpapadugo ng utak at mata, ‘to na ‘yung pinakapayapang himlayan ko, ang kausapin ka dito.

Creepy na ba?

Hahahaha. Medyo nabawasan na nga ‘di ba? ‘Di na ako yung katulad ng dati na buong magdamag mag-aabang sa tapat ng.. ano na nga bang building yun? Cyber One? Hahahaha. ‘Di na din ako nagpapasabog ng inbox. ‘Di ko na nililibot ang Pag-asa na naghahanap ng titilaok na tandang. 

Ang tandang.. bow. Naalala ko nun binigay mo ang address mo sa akin dati. Pero ewan ko ba bakit yung tandang ang hinahanap ko. Sadyang malaki lang ang epekto ng dating training na kahit nakapikit gusto kong patunayang kaya kong hanapin ang bahay mo. Hahahahaha. Sa panahong ‘di pa uso ang google map at gps, ang tandang ang nagsilbing locator ko… 

Siguro kung ginamit ko ang mga training ko dati, mahahanap ko din ang building nyo dyan. Sa panahon ngayong may satellite images na ang bawat bubong at kanto. Sisiw na lang ang maghanap. 

Pero ‘di ko ginawa. 

Ayoko namang magpakita sa’yo sa panahong ayaw mo naman ako makita. Siguro nga kaya ‘di ko din pinush ang lugaw session nung nagbakasyon ka, kse ayoko namang pilitin kang magpakita sa akin kung wala ka naman talagang planong magpakita.

Madami naman dapat gawin. Sa mga oras na ‘to dapat matulog na ‘ko para makabawi sa mga puyat sa trabaho. Imaginary lang ang sinasabing free time sa schedule ko. Pero sadyang ako lang naman ang magpapasya sa kung paano ko uubusin ang mga natitirang sandali at kung paano ko uumpisahan ang susunod na araw… 

Oo, marami akong oras para sa’yo. Magsulat sa’yo. Kumanta at maggitara para sa’yo. Kahit ‘di mo naririnig. Magnakaw ng ilang moment sa pagtitig sa’yo. Sa blankong image mo sa whatsapp. At ‘di mabilang na mga minuto ng pag-iisip sa’yo. 

Kailan ba ako mapapagod?

203 of 365

‘Di ko nanaman alam kung paano magsisimula.

‘Di ko alam kung paano ibabangon ang sarili ko.

‘Di ko alam kung kaya ko pa.

.

.

.

.

.

‘Di ko nanaman alam kung paano magsisimula ng message sa’yo sa Whatsapp.

‘Di ko alam kung paano ibabangon ang sarili ko sa 5 seen messages na walang reply. (Isisisi ko ba sa dispalinghadong napakacorning joke?)

‘Di ko alam kung kaya ko pang magmessage uli. Epic fail lagi. Lagi ko na lang dinadala sa dead end ang usapan.

Wala namang bago. Bakit ba ‘di pa ako nasanay. Palipasin ko lang muna ang ilang linggo, o buwan… makakapagmessage din ako. Makakahugot din ako ng lakas ng loob at kapal ng mukha na magmessage uli, kahit alam kong ang kulit ko na… Kahit alam kong pwedeng maging pang-anim na seen message ang isesend ko… Kahit alam kong wala lang naman talaga sa’yo.

‘Di ko alam bakit ba ‘di ko na lang tanggapin na umiikot naman ang mundo mo na wala ako. 

Subukan ko namang ‘di ka na isipin. Subukan ko namang ‘di na mag-expect ng reply galing sa’yo…

Subukan ko namang paikutin ang mundo ko na wala ka. 
Subukan ko namang palipasin ang mga araw na hindi nag-iintay sa’yo.

Subukan ko namang mag-intay ng pagmamahal na hindi galing sa’yo… Baka sakaling ‘di na lang dalawang blue na check ang makita ko.

198 of 365

Medyo busy ang araw na ‘to… Kinulit ako ng barkada ko para mag-volunteer para sa isang Art Workshop at pumayag naman ako. Pumayag akong magluto. Oo, magluto. Dati ay nasa mga workshop ako para magturo pero ngayon ay sabi ko mukhang pagluluto lang ang maitutulong ko. Okay na rin kaysa wala akong maitulong.

Sadyang kinakalawang na ako at dekada na ang lumipas mula nung huli kong facilitate ng workshop. Ska madami nang magagaling ngayon na may formal studies sa arts. Di katulad ko na sadyang natuto lang sa sariling sikap, at napilitan lang magfacilitate dahil sa pangangailangan nung aktibista days. Okay na akong makatulong sa kanila sa paraan na masiguradong may ilalaman sa kanilang mga tyan. Kahit dun man lang ay may maiambag ako.

Maaga naman akong natapos sa paghanda ng pagkain kaya naisipan kong makisit-in sa mga nagwoworkshop. Medyo ‘di na rin kse ako humahawak ng lapis at papel. Kaya ayun nakisali sa activity. Kumuha lang daw ng picture sa cellphone na gusto idrawing at lagyan ng grid lines para reference. Sa papel na pagdodrawingan, lagyan din ng grid lines at simulan na ang pagdrawing. Medyo mahirap kse antagal ko nang ‘di nagdodrawing. Ska medyo mabilisan pa dahil ‘di naman pwedeng buong araw ay isang activity lang ang magawa. Isa’t kalahating oras, pasahan na. Hahaha. Ayan ang resulta. Wag ka na magalit. Sadyang feelingerong artist lang talaga ako. Sadyang wala lang talagang picture sa phone ko kundi yang isang picture mo kaya patawarin mo na. Sabi naman ng facilitator ay kailangan talaga ng madaming practice para mag-improve. Wag ka na magalit. Sa susunod gagandahan ko na. 

Nakakapagod ang araw pero enjoy naman. Tinapos namin ang workshop sa tugtugan session at pag-inom ng orange juice. Nakakatuwa lang makipag-jamming uli, mag-ukulele, kumanta, at sumayaw na akala mo lang lasing. 

Minsan, o madalas, iniisip kong sana kasama kita sa mga moment na ganun. Wala lang, chill chill lang. Masasakyan mo kaya ang mga trip ko? Maeenjoy mo kaya yung mga ginagawa ko?

‘Pag sinasabi mong bored ka, madalas gusto kong sabihin: para ‘di ka mabored gawin natin ‘tong bagay na ‘to, yung bagay na ‘yun… Pero ‘di ko naman kailanman nasabi. Alam ko naman na ‘di naman dahil naeenjoy ko eh maeenjoy mo na. ‘Di naman dahil ‘di ako nabobore sa paggawa ng isang bagay, ‘di ka na din mabobored kung gagawin mo ‘yun. 

Siguro nga, kaya ‘di ko din ma-push ang mga bagay sa ating dalawa, natatakot akong ma-bored ka.