Ang mga Aral sa Pag-Akyat ng Bundok

Ano nga ba ang mabuting dulot ng pag-akyat ng bundok?

Ang mga sumusunod ang mga natutunan ko sa pag-akyat ng Mt. Daguldol nung Sabado.

ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 1
Sa kung ilang beses akong binigo ng bawat bar ng signal ng phone ko…
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 2
Alam mong ang 15 minutes ay hindi 15 minutes, pero minutes lang at oras ang usapan sa akyatan, hindi taon tulad ng pag-iintay mo sa kanya…
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 3
Ganito naman talaga tayo eh, gusto natin ‘yung nahihirapan tayo…
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 4
Parang elevator at hagdan lang ‘yan, wala nga lang ng mga ‘yun sa bundok kaya pagtyagaan mo na ‘yung nasa likuran mo…
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 5
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 6
‘eto yun eh… ‘eto ‘yung moment na iniintay nating lahat…
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 8
…kaya magmahal ka ng umaakyat ng bundok.
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 9
…magsusulat ako ng ibang entry para dito. Mahabang paliwanagan.
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 10
…para rin yang pag-iintay ng clearing
ang aking imaginary girlfriend tfiob climb 7
Physically, emotionally, spiritually uplifting activity. Bow.
Advertisements

Kwento ng Pag-ibig, Pagkabigo at Pag-Akyat ng Bundok

(Not yet the Mt. Daguldol Story)

Kinwento ko na sa’yo kung paanong natulak ako ng nabasa kong maikling kwento na maging mountaineer noon. Gusto ko naman sana ikwento sa’yo kung bakit ako huminto at bakit after 13 years umakyat ako uli.

Ewan ko kung handa na ako ikwento.

Ewan ko din kung handa ka nang malaman.

Siguro nga mababaw ang unang naging dahilan ng pag-akyat ko ng bundok. Simpleng dahil nadala lang ako sa nabasa ko.

Pero habang pahirap na ng pahirap ang mga inaakyat ko, natutunan kong ang pag-akyat ay hindi lang simpleng pag-akyat. Hindi lang matatapos sa pag-abot ng summit. Hindi lang pagbaba ng buhay.

Laging may kwento sa pagitan ng pag-akyat, pagitan ng pagbaba at pagitan ng muling pag-akyat.

At oo, nagmahal ako.

At ‘yun na ‘ata ang pinakamahirap. Yung magmahal ka.

Napamahal ako sa sarap ng simoy ng hangin. Napamahal ako sa bukang liwayway. Napamahal ako sa takip-silim. Napamahal ako sa bawat taong nakilala ko. Sa bawat batang naturuan kong magsulat. Sa bawat lokal na naturuan kong mag-add at mag-subtract. Napamahal ako sa bawat taong nakasama ko sa hirap ng maputik na trail, nakasama ko sa mabagyong panahon, nakasama ko sa tag-gutom days.

Pero siguro ‘di naman talaga ‘yung magmahal ka ang pinakamahirap.

Siguro ang pinakamahirap ay ‘yung maiwanan ka.

‘Yung maiwanan ka na ‘di mo alam kung saan ka pupunta. Kung saan ka pupulutin. Kung saan ka magsisimula.

Sumama ako sa isang one month trek sa Isabela nung 2002. Masyado daw “dreamy” yung akyat namin na ‘yun. Mahirap daw ‘yung one month. ‘Yung five days nga daw eh gutuman na, ano pa ‘yung one month. From 15 unti-unti kaming nabawasan. May bumaba after three days dahil hinahanap na ng magulang at ipapasundo na s’ya sa pulis kung ‘di s’ya bababa. May bumaba after five days dahil ‘di na kinaya ang mga kagat ng lamok at niknik. May bumaba after ten days dahil paunti na ng paunti ang kinakain namin. May namatay on the fifteenth day. Okay pa s’ya ngayon, mga ilang minuto lang nanghina na s’ya, nagstart na s’ya magchill, the next minute naglock na ang ang jaw n’ya. ‘Di na namin namalayan, iniwan na n’ya kami. Hindi na s’ya nagsasalita. Hindi na s’ya dumidilat. wala na kaming maramdamang tibok ng puso. Wala na kaming mahanap na pulso. Unti-unting lumalamig ang katawan n’ya. Hawak ko pa din s’ya. Kung ilang Bathala na ang tinawag ko. Kung ilang santo na ang dinasalan ko.

Isipin mo na lang kung paano kami kokontak sa lugar na walang signal sa panahon ng 5110 sa panahong hindi uso ang unlicall at unlitext.

‘Di namin alam kung paano namin s’ya iuuwi ng Manila.

‘Di namin alam kung paano kami haharap sa magulang n’ya.

‘Di namin alam kung kami ba ay aabutan pa ng isa pang umaga.

After that, ‘di pa din ako huminto sa pag-akyat. Mas lalo pa ngang dumalas. Lahat ‘ata ng malaman kong medical mission ay sinamahan ko. Basta tungkol sa paglaban sa malaria, dahil ‘yun ang dahilan ng pagkawala ng kaibigan ko, sige pupuntahan ko. Kahit ang kapal na ng kalyo ko sa paa ko sa kakalakad. Kahit lumaki na ‘yung mga braso ko kakabuhat. Siguro nung mga panahon na ‘yun ‘yun na lang ang nakakapagpatahimik ng kalooban ko. Kung wala man ako nagawa kay Mithi nun, marami namang maliligtas na buhay ang ginagawa naming medical mission. Hanggang nagkamalaria na din ako pero sige tuloy pa din. Hanggang nabaril ang isa sa mga kasama ko sa kabilang baranggay dahil sa isang lasing na Cafgu. Nung una ang sabi nila ay napagkamalan ng mga army na npa ang mga nagmedical mission na mga kasama ko. Pero nung nagkaroon ng fact-finding mission ay nalaman nilang ang pamamaril ay dahil sa isang walang kwentang lasing na Cafgu.

Sa pangalawang beses sa buhay ko ‘di ko alam kung paano kami uuwi sa Manila.

‘Di namin alam kung paano kami haharap sa magulang n’ya.

At ‘di namin alam kung aabutan pa ba kami ng umaga.

Mula nun hanggang Sagada na lang ang kaya kong puntahan. ‘Di na ako umakyat uli ng bundok. At sa mga ulap ng Kiltepan ko na lang lagi tinatanong, kung okay lang ba sila, kung ‘di ba sila galit sa akin, sorry k’se ‘di ko na kayang umakyat uli, sorry k’se ang hina ko na, sorry k’se ‘di ko na kaya. Alam kong gusto nilang maging matatag ako, katulad ng kung paano nila pinatatag ang loob ko ng ilang taon, pero ‘di ko na kaya.

At nagbago ang takbo ng mundo ko sa paghinto ko ng pag-akyat ng bundok.

Na ‘di ko naisip na babalikan ko uli.

Hanggang nagsimula nanaman akong magbasa ng tungkol sa mga pag-akyat. At naisipan kong siguro oras na para harapin ko ‘yung mga kinakatakutan ko. Binasa ko pa ng ilang beses ang blog mo about sa Maculot at kung anu-ano pang bundok. ‘Di ko alam kung kaya ko pa pero sige bahala na. Na akala ko ‘di pa matutuloy dahil kay bagyong Salome. ‘Di ko alam kung may galit sa akin ang panahon. O siguro dahil nararamdaman ng bundok na nagtatalo ang kalooban ko sa pag-akyat ko. Binabaha ng emosyon ang bawat kalamnan ko, kasabay ng malakas na buhos na ulan sa maputik at matarik na daan. Pitong oras akong nakababad sa ulan. Pero ewan ko kahit naka-shorts ako nun ‘di ko naramdaman na gininaw ako. Siguro sa dami ng iniisip ko. Sa dami ng naalala ko. Sa dami ng kinakausap ko sa isip ko. At pagdating ko sa summit ang nasabi ko na lang “Bathala, Ikaw na po ang bahala…”.

—————————————————

Akala ko nga ‘di ko na susundan pa.

Hanggang natagpuan ko na lang ang sarili kong umaakyat ng Mt. Daguldol.

This time, maaliwalas na ang panahon. Katulad din siguro ng lagay ng puso ko.

—————————————————

Sa paglabas ko sa Imaginary World, kasabay ng pagharap ko sa takot ko sa pag-akyat ng bundok ay ang pagharap ko sa takot sa mga taong alam kong temporary lang.

Malaki ang takot kong maiwanan.

Pero siguro wala na akong magagawa kundi magtiwalang they’re worth the risk.

Oo, you are worth the risk.

February, Balentayms, Kwentong Jollibee, Page 5 atbp.

Binalak kong maghibernate kahapon. Masyado ‘atang malakas ang higop ng Super Blue Blood Moon na ang mga fats sa utak ko ay napalitan n’ya ng mga Dark Forces… Nasa point na ako ng pagbalik sa Imaginary World nang kung anong pwersa ang pumigil sa akin.

Sa ‘di ko mapaliwanag na dahilan ay may clear, salty solution ang inilabas ng lacrimal glands.

Para madali mong maunawaan ay, oo, umiyak ako.

(Pero alam kong gifted child ka, alam kong na-gets mo na ‘to sa una.)

Sa kung anong dahilan ay ‘di ko alam.

Basta automatic na lang.

Automatic na lang s’yang nagpagulong-gulong.

Nagagalit ako sa lacrimal glands sa madaming luhang inilabas n’ya.

Pero mabilis n’yang tinuro na si Puso ang may sala.

At ‘etong si Puso, si Brain naman daw.

Walanghiyang Fatty Brain.

Pinagsisisihan ko na bang hindi ko pinindot ang hibernate button?

Sa pagsalubong ng unang araw ng February ay pagsalubong na din sa Valentine’s Day na sa ‘di ko malamang dahilan ay isang malaking pagsubok sa mga taong single at mga taong sawi. Dadagdagan pa ito ng sakit ng paglabas ng mga Kwentong Jollibee na magpapakilig pero sa bandang huli ay magpapahapdi lang ng mga sugat sa puso mo. At magtatanong ka nanaman kung ang happy ending ay hanggang kwento na lang ba?

Sabi mo nga, love stories are just stories. Nothing more.

Pero sige na, panoorin mo na ‘to at ska na natin balikan ang linyang love stories are just stories. Nothing more.

Minsan mawawalan ka na ng tiwala kay Tadhana.

Minsan mawawalan ka na ng tiwala kay Pag-ibig.

Minsan mawawalan ka ng tiwala sa lahat ng bagay.

Pero sabi nga, ‘di mo alam kung kelan ka susurpresahin ng Higher Forces…

Parang pagsurpresa lang sa akin ng envelope na ‘to…

27591341_2032635607017307_854697482_n
Unang araw pa lang ng February may card na ako para sa Balentayms!

Nawalan na ako ng tiwala kay Tadhana.

Nawalan na ako ng tiwala kay Pag-ibig.

Nawalan na ako ng tiwala sa lahat ng bagay.

Pero ‘eto ako sinusulat ko pa din ‘tong Page 5.

Sadyang may mga surpresa lang ang kalawakan na magpapakapit sa’yo.

Pinagsisisihan ko na bang hindi ko pinindot ang hibernate button?

Pagsisisihan ko siguro kung pinindot ko ang hibernate button,

dahil kung pinindot ko,

hindi ko nabasa ang reply mo…

Tapusin Ko Na Kaya sa Page 4?

Nobody said it was easy…

————————————————————

(‘Wag mo masyado dibdibin kung anuman ang masusulat ko dito. Ito ay bunga lang ng pagod, anim na latang San Mig, tirang empi mula pa nung Sabado, mga kanta ni Moira at Mark Carpio, pagkabadtrip sa mabagal na internet at kawalan ng tulog… Pero okay lang ako, kaya ko ‘to. Walang dapat ikabahala.)

Sabi ko, ‘di ako makikinig nang malungkot na kanta. Dapat iwasan ko si Moira, TJ Monterde, at Mark Carpio. Dapat nag-stick na lang ako sa mga kantang pang-zumba para ‘di na lang kita naalala.

Ikaw ba talaga ang naalala ko?

O s’ya?

O kayo?

O lahat na?

Wala ka namang kasalanan.

Sadyang baliw lang talaga ako.

‘Wag ka magagalit.

Epekto lang siguro ‘to ng Super Blue Blood Moon.

Dumadating lang talaga ‘yung mga realizations sa panahong ‘di mo inaasahan.

Tulad ngayon.

Narealize kong kahit gaano ko man kagustong palitan ang mga ending ng mga istoryang sinulat mo, tragedy lang din ang kalalabasan. Tulad nang kung paanong gusto kong gawing happy ever after ang istorya ng buhay ko pero sadyang sa akin lang may galit ang madayang tadhana (kasalanan ni Mark Carpio ‘to).

Narealize kong love will never be enough. Never naman talaga.

At narealize kong ‘di ako makakasulat ng love letter para sa’yo. Kahit gaano mang nag-uumapaw na pag-ibig ang ilagay ko, never na magiging love letter. Letter lang ‘yun para sa’yo… walang love. Wala.

————————————————————

Nasa unang buwan pa lang ako ng taon pero ilang case na ng beer ang naubos ko, ilang bote ng tanduay ice at ilang litrong kung anu-anong alak. Kasabay nang paglabas ko ay kasabay kong nilunod ang sarili ko sa thought na magiging okay ako. Magiging okay ako. Record breaking ang alcohol journey ko sa buwan na ‘to na alam ko namang walang magagawang mabuti. Pero tinutuloy ko pa din. Alam ko ‘di ako okay. ‘Di ako okay.

Wasted na naman ako.

Lagi naman.

Wala ka namang kasalanan.

Sadyang loser lang talaga ako.

Pero umaasa pa din akong magsulat ka ng kwentong happy ending. Sa kung paanong umaasa ako sa happy ending para sa’yo. Happy ending para sa inyo. Sa lahat ng minahal ko, minamahal ko, at pakamamahalin ko.

Mag-hibernate muna ako ng February. Masakit lang sa puso. Wake me up when February ends. Hahahahahahahahahahaha. O tapusin ko na kaya sa page 4?

(Pero tulad nga ng sinabi ko sa itaas, wag mo seryosohin ang mga sinulat ko. Antok lang ‘to.)

‘Di Sapat na Nababasa Mo Lang

17 years ago, inakyat ko ang Pulag dahil lang sa isang maikling kwento na nabasa ko sa libro namin sa Filipino 101. Ito ‘yung pinost ko few hours ago … Kasal ni Eli Rueda Guieb III.

Mahaba pero nanamnamin mo ang bawat salita.

Nakakatawang automatic after ko mabasa, sumali ako sa isa sa mga mountaineering group sa PUP  at ni-request na makasama sa akyat sa Pulag. Naka-ilang akyat at iyak muna ako sa Montalban para mahanda ang sarili ko kay Pulag, pero never naging sapat ang paghahanda. As usual sa mga akyat ko, binagyo kami sa tuktok ni Pulag.

———————————————-

‘Di ko akalain na after 17 years, nakarating nanaman ako sa isang lugar dahil lang sa nabasa ko.

Sa Cebu!

Sa totoo lang, medyo iniiwasan ko ang Cebu dati. Medyo ‘di kse kagandahan ang memories. Kung tutuusin nadaanan ko lang naman ‘to nung pumunta ako ng Dumaguete nung 2005. Wala k’seng barko n’ung araw na ‘yun pa-Dumaguete, pero dahil gusto ko makarating agad-agad, nag-barko ako pa-Cebu ska ako sumakay ng bus na Ceres pa-Dumaguete. Sinundan ko lang naman ang aking ‘di imaginary girlfriend doon. Ang plano ay doon na kami magtatayo ng kaharian. Pero ‘yun, imaginary lang pala ang pangako n’ya at siguro s’ya ay imaginary lang din.

Kaya ‘di ko naisip na magkakaroon ako ng interes na puntahan ang Cebu. Medyo masakit k’se. Parang kalamansi lang, ginigising ang hapdi.

Pero sa galing nila sumulat, mahahatak ka nila papunta sa lugar na ayaw mo puntahan.

‘Di sapat na nababasa mo lang. 

—————————————————————————-

At sobrang maligaya akong nagkaroon ako ng pagkakataon na makilala ang mga lodi at petmalung bloggers ng Cebu.

Chasing Potatoes

Image may contain: one or more people, ocean, sunglasses, sky, outdoor, water and closeup
I’m Chasing Potatoes. I chase time and opportunities because just like round potatoes they roll and get lost. I chase them to store memories to last a lifetime. I make haste, running after them, fearful that they might be gone. That’s why I go places on land or in water.My story tells about the journey of chasing time and saying yes to wonderful opportunities.

LaagSparkles

LaagSparkles loves nature and everything about it. She loves extreme adventure and even wants to explore and try more. She loves making plans for her next trip. She gets cranky when she stays at the same place for more than a week. She wants to be the main character in the movies. She loves book and everything about it. When she’s not travelling, she imagine various situations that can happen to her while travelling. She wants a world map tattoo in her back. Many of her colleagues and friends think she’s crazy. Lastly, she have found herself lost in the wilderness at dusk more times than Homer Simpson has said ‘Doh’.

DakilangLaagan

Image result for dakilanglaagan
DAKILANGLAAGAN is a journal of the twenty-something psychopath who dares to take the road less traveled and lives a life filled with random trips, political rants, social inquiries, and illogical rationales. In short, she is a hundred souls trapped in one body. This page contains some reflections from her trips, experiences and encounters with people from all walks of life. Her journeys focus on the promotion of local and eco-tourism of places in her own country – the Philippines – most specifically in her hometown – “The Queen City of the South” – Cebu. She spends most of her vacant periods plotting her travels and adventures on her planner (which she doesn’t follow most of the time) and falling in love with nature and culture of every place she goes.

IdolWanderer

Why don’t you try to wander? Instead of sitting and wonder.
Try to discover something new.  Explore and satisfy once thirst fulfillment.
Life is full of question for those who do not quest for answer. >>>more

WanderingFeetPH

Image may contain: one or more people, mountain, sky, cloud, outdoor, text and nature
“Wherever. Whenever, Let’s Go!”  Travel- Experience- Share

AsanasadsiJames

LRM_EXPORT_20170929_160422
My life is too short to be boring, so I constantly challenge myself to live in the most outrageous way possible. A dream I have yet to fulfill is to travel the world, and I am starting this journey in our own beautiful backyard, the Philippines.

Sila ‘yung mga dapat kinukuha para sa promotion ng tourism sa ating sinisintang bayang Pilipinas. Check their blogs para malaman n’yo kung bakit ginusto ng broken heart ko na pumunta ng Cebu. Sobrang galing nilang sumulat, sobrang ganda ng mga photos nila and also check their vlogs sa Youtube, ang cool!

Kung pakiramdam mo nawawalan ka na ng pag-asa sa sitwasyon ng Pilipinas ngayon, check their blogs at malalaman mong it’s not too late para sa Pilipinas, sobrang dami pang natatagong yaman ang Pilipinas na ‘di natin alam.

Great minds, great people.

They’ll show you not only the wonders of Cebu, kundi ng iba’t ibang wonders ng Pilipinas. Their blogs will give lessons in life, lessons in love at kung anu-ano under the sun and the moon. They’ll inspire you… na kahit sobrang packed nung sched ko sa Cebu, sinigurado kong mapuntahan ang Olango Island para mag-aral mag-bike.  

———————————————————–

With their writings, kasama ang iba pang mga sinusubaybayan ko ang mga blogs, I decided na lumabas sa Imaginary World.

And yes, sila ang nasa Pages Two and Three.

(And hoping sa mga susunod na mga pages pa…

…syempre kayo ding mga nasa First Page😉)

———————————————————–

Pahabol na Kwento:

Dahil Tagalog ako, may premyo daw ako kay IdolWanderer kung makakapagbigay daw ako ng sampung salitang Bisaya. S’yempe kelan ba ako ‘di naging prepared? Sinagot ko ng: Usa, duha, tulo, upat……. 🤣🤣🤣 kahit 20 words pa! 🤣🤣🤣✌️

 

KASAL- Eli Rueda Guieb III

‘Yung mahalin kita habambuhay, hindi ko yata iyon puwedeng ipangako sa iyo. Pero ‘yung iisipin kita habambuhay, iyon, baka iyon ay puwede ko pang ipangako sa iyo, kahit papaano.

Iyon ang sinabi ko sa kaniya bago kami ikasal. At iyon din ang sinabi niya sa akin pagkatapos naming ikasal.

Hindi naman siguro mahirap intindihin ‘yon. Dahil maraming bagay sa mundo ang hindi pwedeng bigkisin sa mga kontrata ng relasyon. Iisa lang naman ang batas ng relasyon, pagmamahal. Kapag iyon ang nawala, wala na ring silbi ang katotohanan ng mga kontrata. Ang tanging katotohanang naiiwan ay ang pait ng pinawalang-bisang kontrata.

At kahit na anong pagkakait ang gawin, kahit na anong pagkukunwari ang ipantapal, kung talagang wala na ang pagmamahal, anuman ang kahulugan nito, anuman ang anyo nito, anuman ang ekspresyon nito, ay totoong tapos na nga ang kontrata. At kung minsan nga ay tinatapos din ang relasyon kahit wala namang pag-ibig na tinatapos.

Totoong nakakapanghinayang. Dahil sino ba naman ang may gustong magputol ng mga ugnayan? Liban na lang marahil kung talagang sa simula pa lang ay maling-mali na ang binubuong relasyon, anuman ang pakahulugan natin sa mali. Pero ano pa ang magagawa ng mga panghihinayang, ng mga buntong-hininga, kung kathang-isip na lang ang pagmamahal, kung ang inaakalang pagmamahal sa asawa, o sa kaninumang karelasyon, ay dahan-dahang magpapaunawa sa iyo ng dahan-dahan ding pagpigtal sa mga emosyong nagkukurdon sa isa’t isa.

Iyon ang sinabi ko sa kaniya nu’ng pag-usapan namin ang aming posibleng paghihiwalay. Iyon din ang sinabi niya sa akin nu’ng nagdesisyon kaming kami’y maghiwalay na.

Hindi pa rin naman talaga mahirap intindihin iyon, iyong paghihiwalay. Sino ba ang may sabing iisa lang ang dapat na puntahan ng relasyon? Sino ang may sabing mali ang maghiwalay? Sino ang may sabing lahat ng tinatapos na relasyon ay dapat na malungkot? Puwede rin naman sigurong maging masaya sa pagpilas ng mga dokumento ng ugnayan.Maaring naroroon ang pait, hindi mo maiaalis iyon. Pero hindi ibig sabihin no’n ay dapat na malungkot ang lahat ng pagtatapos.

 ———————————————–

Kanina pa namin hinihintay ang pagtaas ng araw. Kami, kaming dalawa lang, ang naghihintay sa tuktok na ‘yon.

Kagabi ay nagsawa kami sa panonood ng mga bituin, mga bituing kumikinang, umaandap-andap, pero alam mong patay, mga bituing kasisimula mo pa lamang kilalanin ang kagandahan ay matagal na palang patay.

Banayad ang malamig na simoy ng hangin ng madaling-araw na iyon, di tulad kagabi na may bulong ng unos. Akala nga namin ay masisira ang aming tent sa lakas ng hangin kagabi. Pero ngayong umaga ay payapang-payapa ang paligid. Ang mga ulap sa ibaba ay parang ragasa ng ilog sa kanilang pagtulog, parang naka-freeze ang kanilang motion, parang pelikulang pinahinto ang galaw ng frame. Maging ang ulap pala ay napapagod din sa paglipad. Nagpapahinga rin pala ito sa ibaba ng bundok.

Nagsisimula nang mamula ang dulo ng mundo. Inakbayan niya ako, maingat. Tiningnan ko siya at sandaling ngumiti, tipid na ngiti. Muli kong ibinaling ang aking mga mata sa dulo ng mundo. Inakbayan ko rin siya, tahimik na akbay. Parang tuyong dahon ang kaluskos ng aming mga jacket at windbreaker.

Gusto kong bumalik sa tent para kunin ang kamera. Ito ‘yung mga pagkakataong hindi pinalalampas ng mga photographer. Tamang-tama ang color temperature. Nakaka-challenge sa f-stop ng kamera ang speed ng liwanag.

Pero nagdesisyon akong huwag nang kunin ang kamera. May mga bagay na ayaw kong ipaubaya sa mata ng kamera. May mga bagay na ayaw mong ikulong sa kuwadro ng realidad ng lente. May mga bagay na para lang sa mata ng tao. May mga bagay na gusto mo lang ikulong sa realidad ng gunita.

Isa ito sa mga pagkakataong iyon.

Dahan-dahan ng umakyat ang araw. Naninilaw na ang dulo ng mundo habang namumula naman ang aming kinaroroonan. Nagbabago-bago ang temperatura ng liwanag, kung paanong nagbabago-bago rin ang kislot ng emosyon ng aking kaluluwa. Alam kong ganoon din ang kaniyang nararamdaman. Ilang beses na naming nakita ang pagtaas at paglubog ng araw, ang muli nitong pagtaas at muli nitong paglubog. Subalit sa bawat pagtaas at sa bawat paglubog ng araw ay iba’t-iba, at ibang-iba, ang mga katotohanang ibinubulong nito sa aming mga katauhan.

Di pa nagtagal ay bilog na bilog na ang araw. Nawawala na ang mga pula, nawawala na din ang mga dilaw. Tumitingkad na ang mga berde. Gumagalaw na rin ang mga ulap,paitaas,pabalik sa kanilang langit.

Matagal pa kaming nanatiling nakaupo sa tuktok na iyon. Walang imikan sa isa’t isa, nanonood sa paggising ng mundo, nakikinig sa mga kaluluwang paligid,sa mga kaluluwa ng aming mga sariling buhay.

Sino ang mag-aakalang nang mga sandaling iyon ay pinupunit namin sa aming mga puso ang mga dokumento ng aming relasyon.

 ———————————————–

Kahapon ng hapon ay pinunit ng hangin ang pinalilipad naming saranggola. Sinadya naming agahan ang pag-akyat sa Pulag nang sa gano’n ay marami pa kaming puwedeng gawin, at pag-usapan. At sinadya rin naming umakyat ng Enero, at weekday. Kinuha namin sa Maynila ang last trip pa-Baguio. Nagkape kami sandali sa terminal ng bus, nagpahinga ng isang oras sa isang bukas na restaurant sa Baguio na may na may mangilan-ngilang nag-iinuman o nagpapalipas din lang ng oras, pagkatapos ay naghanap ng dyip na aming masasakyan papunta sa isa sa mga jump off point papuntang Pulag.

Mas maganda itong mga off season climbs,mas nasasarili ang hangin ng paligid,ang huni,bulong,halakhak,at pighati ng lahat ng uri ng buhay sa mahanging bundok na ito. Higit sa lahat,para mapakinggan namin,kami lang, ang mga impit na sigaw ng aming mga kaluluwa.

Mabilis na namayagpag ang saranggola nang bitawan ko ito. Nakita kong medyo nahirapang maniobrahin ni Joanne ang saranggola nang itulak ito ng hangin paitaas.

Simpleng-simple ang tabas ng saranggola,isang malapad na triyanggulong papel,kulay dilaw,berde,at pula. Hindi tulad ng mga guryong na pinalilipad ko noong ako’y bata pa,na ako rin ang gumawa,na lakas-loob kong ipinanlalaban sa iba pang saranggola,minsan natatalo,minsan ay nananalo.

Tumawa na lang kami nang pilasin ng hangin ang saranggola,tutal mura lang naman ang bili namin dit. Pero siguro kung kami ang gumawa ng saranggola,hindi ganoon kadaling pakawalan iyon.

Kung paanong hindi ganoon kadaling pakawalan ang isang buhay na alam mong sa iyo nanggaling. Namatay ang aming panganay dalawang taon na ang nakararaan. Tatlong taon na si Toni noon,binaha ng tubig ang kaniyang utak, at walang nagawa ang mga doktor. Walang nagawa ang Diyos kahit na anong dasal ang gawin ko,kahit na anong pagsusumamo ang gawin ko sa lahat ng espiritu ng mundo’t kalawakan.

Isang tanong ang magpahanggang ngayon ay hindi namin alam ang sagot. Bakit kailangang mamatay ni Toni? Hindi dapat namamatay ang mga bata. Hindi tamang mamatay ang mga bata.

Gano’n yata talaga iyon. May mga bagay na agad-agad na nawawala, may mga bagay na madaling mawala. Parang pagpapalipad ng saranggola. Kahit na anong maniobra ang gawin mo sa pisi, kahit na anong pag-ayon at paglaban ang gawin mo sa hangin,malakas man ito,banayad o mahina, kahit na anong tibay ng iyong pisi, ng papel o ng kahit na anong materyal ng saranggla,at ng nagpapalipad,mapupunit ang saranggola, o mapipigtas ang pisi,o mapapagod ang nagpapalipad,o simpleng mawawalan ng hininga ang hangin.

Malalim ang magkakambal na buntong-hiningang pinakawalan ko nang huli kong dalawin ang puntod ni Toni.

 ———————————————–

Malalim din ang magkakambal na buntong-hiningang pinakawalan namin ni Joanne nang maghiwalay ang aming mga labi. Maingat, tahimik, mabagal, ang sandaling paglalaro ng aming mga dila. Mataas na ang araw, bagama’t nasa gilid pa rin ito ng mundo.

Bumalik kami sa may tent. Kinuha ko ang stove sa tabi ng tent na natatakpan pa rin ng flysheet. Habang binobomba ko ang stove ay nilagyan ni Joanne ng tubig ang cookset. Pagkasindi ng stove ay ipinatong dito ni Joanne ang cookset. Habang hinihintay na kumulo ang tubig ay pinunasan namin ng tissue paper ang aming mga tasa at kutsarita na mamasa-masa pa sa hamog.

Kanina habang hinihintay namin ang pagsikat ng araw ay tinanong naming muli ang aming mga sarili kung sino ang dapat sisihin sa patutunguhan ng aming relasyon, o sa kawalan ng patutunguhan nito. Pero wala kaming makitang kasalanan o pagkakamali, kung kasalanan nga o kamaliang matatawag ang aming pagpapakasal gayong alam naming posibleng may hinihintay pa kaming ibang pag-ibig, o may ibang naghihintay sa aming mga iniimbak na pag-ibig.

At lalo kaming nagulat nang matanto naming hindi naminkailangang maghanap ng kasalanan para tapusin lang ang amingrelasyon. Puwede namang wakasan ito nang walag galit sa isa’t-isa, nang walang hintuturong nanduduro ng paninisi, nang walang pagkataong mawawasak, nang walang pusong masasaktan, nang walang kaluluwang mapupunit.

Noong isang taon ay muling bumalikbuhat sa Canada si Michael,dating boyfriend ni Joanne bago kami magpakasal. Alam ni Joanne na mahal pa rin siya ni Michael. Alam ko rin iyon. Pero tiyak si Joanne na hindi na babalik si Michael sa buhay niya dahil wala naman nang plano si Michael na umuwi ng Pilipinas. At wala rin namng plano si Joanne na sumunod sa Canada. Pero biglang nagbago ang mga pangyayari.

Muli ngang bumalik si MIchael, at sa Pilipinas na uli maninirahan. Akala ni Joanne ay hindi na niya mamahalin pa si Michael. Pitong taon na rin naman silang cut off sa isa’t isa.

Pero hindi pala sa haba ng panahon sinusukat ang paghihiwalay. Hindi pala sa kawalan tinitimbang ang bigat ng pagkataong kinikipkip sa puso.

Buhat ng bumalik si Michael ay lagi silang nag-uusap. Alam ko iyon. At alam ko rin ang laman ng kanilang pag-uusap, lahat ng kanilang pag-uusap. Mula nang matiyak ni Michael na gusto pa rin niyang maging karelasyon si Joanne kahit kami’y kasal na, mula nang matiyak nilang dalawa na magsasama na sila, mula nang matiyak kong hindi seguridad ang kasal para mapanatili ang relasyon, mula nang tanggapin ko sa sarili ko na dapat ko nang pakawalan si Joanne, mula nang matanggap kong dapat ko na ring kumawala sa buhay niya, mula nang maging tiyak ang maraming bagay kahit alam naming ang katiyakang iyon ay puwedeng hindi talaga tiyak, mula noon ay sinabi ko na sa aking sariling tapos na ang aming relasyon kahit hindi totoong doon nagtatapos ang pag-ibig namin ni Joanne sa isa’t isa.

Noong umpisa ay totoong mabigat iyon. Isang malaking kahangalan ang pawalan ang isang mahal sa buhay, lalo’t may basbas ng legalidad ang aming pagsasama. Subalit higit na malaking kahangalan ang ikulong ang kapwa sa legalidad ng pagsasama.

Iniangat ko ang takip ng maliit na kaldero. Hindi pa rin kumukulo ang tubig. Naihanda na ni Joanne ang kaning kaniyang isasangag.

“Sino ang maniniwalang maghihiwalay na nga tayo?” sabi ko kay Joanne habangibinabalik ko ang takip ng kaldero.

Ngumiti si Joanne, lumapit sa tabi ko at kinusot-kusot ang buhok ko. “Hindi naman kailangang may pag-awayan para maghiwalay,” sabi niya.

Hindi ako ngumiti. Tiningnan ko lang siya. Walang masamang ibig sabihin ang tinging iyon. Mugto ang kaniyang mga mata.

Kagabi ay umiyak siya. Nagsimula sa impit na paghikbi,hanggang sa siya’y mapaluha,at ang pag-iyak ay naging paghagulhol. Sorry siya ng sorry habang humahagulhol. Ang usapan kasi namin bago kami umakyat ng Pulag ay walang iyakan.

Kuwentuhan lang,konting halikan, konting dantay ng katawan at pag-aaral sa emosyon ng bawat isa; sa madaling salita, pamamaalam sa isa’t isa, iyon ang dahilan ng climb na ito.

“Hindi ka dapat mag-sorry. Walang dapat mag-sorry,” sabi ko sa kaniya habang mahigpit ko siyang yakap-yakap. “At walang iyakan, usapan natin yan.”

Kamuntik na ngang hindi matuloy ang pag-akyat na ito. Hindi namin alam kung matatawa kami noong namimili kami ng mga pagkaing dadalhin namin para sa climb na ito. Para kaming naglalaro. At para ring corny na ang huling araw ng pagsasama namin ay sa ganitong paraan namin gagawin, kung paanong sa ganitong sitwasyon din namin sinimulan ni Joanne ang aming relasyon.

Kapwa kami noon aplikante ni Joanne sa isang mountaineering group. Boyfriend na niya noon si Michael. Ako naman ay may live-in partner noon, si Lizette.

Pareho namingmahal ni Lizete ang isa’t isa, at pareho kaming hindi naniniwala sa kasal.

Pero ewan ko kung bakit isang araw ay nagising akong ang pakiramdam ko ay pagod na ako sa mga transient na relasyon. Gusto ko na ng permanence. Niyaya ko ng kasal si Lizette. Nang una kong sabihin iyon sa kaniya ay tinitigan lang niya ako nang matagal, parang hindi makapaniwalang ako nga ang nagsabi niyon sa kaniya.

Ilang beses naming pinag-usapan ni Lizette ang bagay na iyon. Iisa lagi ang kaniyang sagot, isang tiyak na iling.

 ———————————————–

Kumukulo na ang tubig. Inalis ko ang kaldero sa stove. Ipinatong ni Joanne ang maliit na kawali, isinunod ang bawang,nilagay ang kaning lamig.

Habang nagsasangag ay naghanda ako ng kape para sa aming dalawa. Iniabot ko ang tasa ni Joanne sa kaniya, humigop siya ng kaunti. Nilagyan ko ng creamer ang aking kape,humigop ng kaunti,nagsindi ng yosi.

Nahiwa na rin ni Joanne ang pagtatas na aming itotorta para sa agahan.

May isang makulay na ibong dumapo sa isa sa mga batong kumukubli sa stove laban sa ihip ng banayad na hangin.

Naalala ko ang isang lawing namataan namin ni Joanne nung minsang nag-long distance biking kami mula Maynila hanggang Bustos, Bulacan. Nasa Norzagaray kami noon,nasa tuktok namin ang araw nang matanaw ko ang lawing iyon na payapang lumilipad sa gilid ng bangin.

Nasa gilid ng bangin ang kalsada. Mayabang subalit tahimik na tahimik ang matayog na lipad ng lawin. Sandali kaming huminto ni Joanne sa pagba-bike. Iginilid namin sa may bangin ang aming mga mountain bike. Pingmasdan namin sa may bangin ang ibon sa paikot-ikot nitong paglipad sa burol. Tumingin ako sa ibaba. Nakalulula, nakatatakot mabuhay sa matayog na gilid ng mundo.

Sa ibaba ay naroon ang isang makitid na ilog. May ilang babaeng naglalaba,mga dalaga’t matanda. Mayamaya’y lumayo sa kinaroroonan namin ang lawin, tinaasan pa ang paglipad, dumako sa loob ng bundok na nauubusan na ng puno..

Hinanap namin ang daan pababa sa may ilog. Inakay namin ang aming mga bike sa bato-batong footpath hanggang marating namin ang mas mabatong patag patungo sa ilog. Tinanggal ko ang aking helmet at shades,hinubad ko ang aking medyas,sapatos, at tishirt. Tumalon ako sa ilog at lumangoy patungo sa kabilang pampang kung saan naroon ang mga bata’t mga babaeng naglalaba. Maligamgam ang tubig.

Sinenyasan ko si Joanne na sumunod sa akin. Umiling lang siya. Hihintayin na lang kita dito, sigaw niya. Nang marating ko ang pampang ay tumingin lang sa akin ang mga bata.  Nagtawanan ang mga kababaihan.  Umupo ako. Kinilig ako ng kaunti nang dampian ng tuyot na hangin ang aking katawan. Mapapasma ako sa ginagawa kong ito,pero hindi bale,sabi ko,minsan ko lang namang gawin ang ganito.

Pagkatapos ay bumalik ako kaagad sa pampang na kinaroroonan ni Joanne. Umiinom si Joanne ng tubig sa cannister, sa lilim ng isang punong mangga. Nagyaya siyang ipagpatuloy na ang aming pagba-bike. Muli kong isinuot ang pawisan kong damit. Naramdaman ko ang pawis at tubig na sumusuot sa aking katawan.

Sa gawing Bustos ay nadaanan namin ni Joanne ang isang dampa, at sa bintana ay nakatanghod ang dalawang matanda,malamang ay mag-asawa,na tahimik sa kanilang pagkakaupo, nakatingin lang sa labas. Sinundan ng kanilang mga tingin ang mabilis na pagdaan namin ni Joanne.

At bago pa namin marating ang bayan ng Bustos ay marami kaming nadaanang mga lumang bahay, paisa-isa,payapa,tahimik na nakatayo sa gilid ng kalsada, subalit tila ipinagyayabang ang kanilang katatagan, ang kanilang kasaysayan.

Nalungkot ako,napagod ako sa pakikipagtitigan sa mga lumang bahay.

Napaka-introspective ng pagba-bike. Parang mountain climbing. Nakiipag-usap ka sa iyong sarili. Nakikipag-usap ka sa paligid na iyong nadaraanan. Kadalasan, habang nagba-bike o naglalakad sa mga dalisdis ng bundok, ay naiisp kong napakaraming sandali ang basta-basta ko na lamang pinalilipas.

Napakaraming mga paslit na pagkakataong hinahayaan ko na lamang dumaan sa harap ng aking gunita. Dumarating na lang basta ang mga saloobin, mabilis na magdaraan sa aking harapan na parang aninong tinatangay ng kumpas ng liwanag,  at sa ilang saglit ay wala na, hindi mo na maalala kung ano ang bagay na iyon,daig pa ang panaginip na kahit papaano ay may iniiwang tanda. 

Sana ay ganito kapayapa ang lahat ng pagkakataon. Nakakapagod mabuhay sa pagitan ng mga saknong. Nakapanlulumong ikulong sa loob ng mga panaklong, na para bang kilala na ng iba ang iyong pagkatao batay sa mga kategorya kung saan ka nila ibinubulsa. Nakabubusal ang mga pagkakahong iyon.

At sa bawat pag-iwas sa itinatakda ng iba na depinisyon ng sarili ay ang kanilang walang-katapusang paghalughog ng iba pang mga kategorya upang ikaw ay kanilang maibuslo roon. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi nila maintindihan na sarili lang ang makakapagpaliwanag ng sarili,na ang sarili,higit sa lahat, ay hindi rin naman kailangang ipaliwanag ang sarili. Bakit hindi hayaang malayang dumaloy ang malay?

Siguro, yung paghahanap ng kategorya, paghahanap din siguro iyon ng permanence. Kung gayon, parang may mali sa permanence. Mas okey pa rin yata ang transience.

Tulad ng transience ng lawing dahan-dahang nawala. Tulad ng transience ng sandaling iyon ng paglangoy sa ilog. O ng pamumundok, o ng pagpapalipad ng saranggola, ng araw na namumula sa dulo ng mundo. O ng pagba-bike, ng tanghod sa bintana ng matandang mag-asawa. O ng pakikipag-live in kay Lizette. Ng pag-alis at pagbalik ni Michael sa buhay ni Joanne, ng kasal namin ni Joanne, at ng paghihiwalay namin ni Joanne. O ng mga halik sa tuktok ng mundo, ng mga solitaryong buntong-hininga. Hindi na maibabalik ang mga iyon, hanggang doon lang iyon. At iyon lang iyon. At iyon ‘yon. Nasa kanilang transcience ang kanilang permanence.

Bigla ko tuloy naisip na ang paghahanap ng permanence ay parang paghahanap sa inunan.

Minsan ay sinubukan kong mag-bike mag-isa, sa ruta pa ring madalas naming daanan ni Joanne. Pero no’n ay pinasok ko ang maliliit na rough road na hindi namin pinapansin. Mababato ang mga daang iyon. Tumatalsik ang mga batong tinitisod ng gulong ng bike, tumatalon sa mga damo sa gilid ng kalsada, ang iba ay gumugulong sa putik ng palayan, ang tunog ng bagsak sa putik ay parang sinasaksak na laman ng tao.

Nang muli kong titigan ang kalsada sa ilalim ng gulong ng aking bike ay nagmistulang kawan ng mga tuldok ang daan. Ibinaling ko ang aking ulo sa harap, nasisilaw ako sa liwanag kahit naka-shades ako, tumutulo rin ang pawis mula sa aking noo. Puro tuldok pa rin ang aking nakikita, libo-libong tuldok sa sa isang mahaba’t nag-iisang kalsada sa gitna ng berdeng parang na iyon.

Tuldok, naghahanap ako ng tuldok sa buhay. Marami akong mga tinapos na relasyon na hindi naman talaga nagtapos sa tuldok. At gusto ko nang tuldukan ang mga bahaging iyon ng buhay ko.Maraming tuldok na puwedeng daanan. Pero hindi pala ganon kadaling mamulot ng mga tuldok.

 ———————————————–

Nahugot ko na ang pinakahuling peg ng tent. Naitiklop na namin ni Joanne ang tent, flysheet, at groundsheet. Nakapag-pack na kami at nililinis na lang namin ang campsite na ginamit namin.

Bago kami tuluyang bumaba ay sandali kaming tumayo sa may gilid ng tuktok. Inilibot namin ang aming paningin sa lahat ng kayang abutin ng aming mga mata, ang langit, ang ulap, ang mga bundok sa dulo ng mundo, ang mga damo sa maliliit at alon-along bundok sa ibaba. Isa pang buntong-hininga, magkakambal na buntong-hiningang pinakawalan din naman namin.

Huling sulyap iyon sa kabuuan ng lahat ng aming pinagsamahan ni Joanne, lahat ng aming minahal sa isa’t isa, ng lahat ng aming itatapon, o kukupkupin, o kikimkimin.

Napakaliit ng pakiramdam ko nang mga sandaling iyon. Napakalawak ng mundo, napakatayog ng mga realidad, parang napakalayo ng mga katotohanan. Nagpakalayo-layo ang katahimikan at narito kaming sinasamantala ang natitira pang kapayapaang maaari naming saglit na isabuhay sa mga huling sandali ng aming pagsasama bilang mag-asawa.

Pumasok sa aking isip ang imahe ng mga mummy na nakita namin ni Joanne habang paakyat kami ng Pulag. Natahimik ako nang isa-isa kong makita ang mga bakas na iyon ng kamatayan. Hindi nga lang pala buhay ang nag-iiwan ng mga gunita, higit na maraming iniiwang alaala ang kamatayan.

Nasabi ko tuloy sa aking sarili na gusto kong mamatay nang maaga, di tulad ng matandang mag-asawang nakatanghod s bintana, di tulad ng mga lumang bahay sa gilid ng kalsada. Ano pa ba ang gagawin ko sa buhay kung wala na ang mga ka-batch ko sa mundo? Paano ba ako makikihalubilo sa isang henerasyong hindi ko naman kinabibilangan, sa isang mundong hinihintay na lang akong mawala, sa isang panahong nakikisama na lang sa akin?

Pero paano kong ihahanda ang aking sarili sa kamatayan? Gusto ko, kung kakayanin ko, at sana’y kayanin ko nga, ay ibalik ang aking kamalayan sa kalagayan nito noong ako’y nasa sinapupunan  pa ng aking ina. Ganoon naman sguro dapat isabuhay ang buhay. Mag-a-unload ako ng mag-a-unload ng mga bagahe ko sa buhay, mga bagaheng kusa kong pinulot, mga bagaheng ipinasan sa akin ng iba sa aking paglalayag,hanggang makabalik ako sa pinagmulan ng aking kamalayan.

Siguro kapag nagawa ko iyon, handang-handa na akong mamatay. Kahit hindi ko pa siguro naising mamatay, kusang-loob na yayakapin ako ng kamatayan, bukas-palad akong sasalubungin nito, parang isang kaibigang matagal nang di nakikita.

Noong mga sandaling iyon, ‘yung kaming dalawa lang ni Joanne sa tuktok ng Pulag, ‘yung aming-amin ang aming mundo, ‘yung mga yugtong iyon ng pamamaalam sa isa’t isa, noong mga sandaling iyon, ang pakiramdam ko ay kinikilabutan ang mundo sa aming kapaslitan.

Bumaba na kami ni Joanne.

Habang kami’y bumababa ni Joanne ay naalala ko ang isang bagay na pumasok sa isip ko noong ako’y bumababa sa tuktok ng Halcon. Sa bawat pag-akyat at pagbaba ng bundok ay lagi’t laging may kaluluwang iniiwan, may kaakuhang nagbabago, may bagong identitad na binubuo.

Si Joanne, tiyak siya sa sarili kung saan siya pupunta pagkababa namin sa Pulag. Ako, saan kaya ako pupunta? Naalala ko ang sinabi sa akin ni Lizette nu’ng minsang kami’y mag-usap. Isang taon na kaming hiwalay noon, pero wala pa rin siyang karelasyon o kasama sa apartment na inuupahan. Sabi niya, hindi raw ganoon kadaling maghanap o bumuo ng relasyon,permanente man o transient.

Ano ang naghihintay sa akin sa ibaba? Bahala na, kung ano ang ibibigay sa akin ng pagkakataon, o kung anong pagkakataon ang puwede kong likhain para may mapuntahan ako.

Pero bago kami bumaba, corny mang sabihin, nangako ako kay Joanne, parang noong kami’y ikasal. Sabi ko sa kanya, ‘yung iisipin kita habambuhay, iyon,tiyak ako, puwede kong ipangako iyon sa iyo. At ‘yung mamahalin kita habambuhay, puwede ko na rin sigurong ipangako iyon sa iyo. Kahit hindi na tayo magkasama.

Ngumiti si Joanne. Pero hindi niya sinagot ang sinabi kong iyon.

 

__________________________________________________________________

(“Kasal” by Eli Rueda Guieb III, Short Story, Second Prize, Palanca Awards 1996)

———————————————–

(Dr. Eulalio Guieb III completed his BA in Broadcast Communication and MA in Philippine Literature at the University of the Philippines-Diliman. He recently obtained his PhD in anthropology from McGill University in Montreal. He currently teaches media criticism, broadcast research and creative writing in the U.P. Department of Broadcast Communication. His research interests include political ecology, local indigenous knowledge, development and legal anthropology, the politics of representation and oral literature. Guieb is a filmmaker and a published fictionist. He is a seven-time Palanca awardee for his short stories, creative non-fiction and teleplays. He has also won awards from, among others, the New York Festivals, the Catholic Mass Media Awards and the Cultural Center of the Philippines for his creative work, experimental films, video documentaries and broadcast work. He is a member of the Film Desk of the Young Critics’ Circle and KATHA (a group of fictionists writing in Filipino). ) -lifted from http://cmc.upd.edu.ph/index.php?option=com_content&view=article&id=417%3Acampos&catid=3%3Anewsflash&Itemid=245

Where Do Broken Hearts Go? Hindi sa Sagada. Sa Cebu.

Wala akong sama ng loob kay Sagada. In fairness naman sa kanya, ilang panahon naman n’yang pinagtyagaang pakinggan ang mga kadramahan ko sa buhay.

Pero siguro darating lang talaga ‘yung panahon na ‘yung dating nagpapagaan ng loob mo, s’ya na ‘yung magpapaalala ng mga sakit sa’yo.

Darating ‘yung panahon na marerealize mong hindi dahil tahimik, peaceful.

At hindi dahil maingay, magulo.

At hindi silence ang kailangan ng puso ko sa mga panahon na ‘to.

————————————

Where Do Broken Hearts Go?

Sa Cebu.

Oo nga, sa Cebu!

Same old me, madaming pagkakataong nagdalawa-tatlong isip ako sa pagpunta ng Cebu.

Unang tanong: may budget ba ako? ‘Di ‘yun kayang lakarin lang para mapuntahan. Pwede akong mag-abang ng Seat Sale pero sadyang gusto na talaga ng puso ko na makasilay ng ibang environment. Pwede akong magbarko para makatipid ng slight pero iniisip kong magiging struggle ang 22 hours na byahe, baka maisipan ko na lang bigla tumalon sa karagatan at mag-goodbye sa planetang Earth.

Pero ano ba namang gastusan ko ang luho ng puso ko? ‘Di ako nagyoyosi, libreng kape lang ang iniinom ko at ballpen at lapis lang ang pinagkakagastusan ko. Ano ba namang pagbigyan ko naman ngayon ang puso ko. Magbabakasyon muna kami.

Pangalawang tanong: Ano nga ba ang pupuntahan ko sa Cebu?

Wag n’yo ako husgahan pero magsisimba talaga ako.

Hindi ako relihiyosong tao. ‘Di ako complete attendance sa mga misa t’wing Linggo. Pero sadyang ‘pag gusto ko S’ya kausapin, gusto ko na lang maniwala na kailangan kong lumapit sa Kanya. ‘Yung literal na paglapit. Tulad ng pag-akyat ng bundok na ang rason ko ay para mas lumapit sa Kanya sa paniniwalang mas malakas ang signal pag literal nang malapit sa langit, ganun din ang mga simbahan para sa akin, dinadayo ko ang mga simbahang malakas ang signal sa Kanya. Though alam ko namang wala naman talagang frequency ang mga simbahan, hayaan mo na lang akong maniwala. Sadyang iyon na lang ang pinanghahawakan ko ngayon… ‘yung paniniwalang this time pakikinggan na N’ya ang puso ko.

Andaming nagsabing andami namang simbahan dito sa Luzon, bakit sa Cebu pa? Sa totoo lang, wala akong maisagot. Ano nga ba ang kaibahan ng simbahan dito sa Bulacan sa simbahan sa Cebu. O ano nga ba ang kaibahan na magdasal na lang ako sa bahay sa pagdadasal sa loob ng simbahan?

simala church
Simala Shrine / Monastery of the Holy Eucharist, Marian Hills, Lindogon Simala, Sibonga, Cebu
Basilica Minore del Santo Niño de Cebu
Basilica Minore del Santo Niño de Cebu

 

‘Di ko talaga alam ang sagot. Pero sabi nga ng Rivermaya, “Himala, kasalanan bang humingi ako sa langit ng isang himala?”

______________________________

May iba namang rason bakit sa Cebu naisipan ng puso kong pumunta:

  • Madaming tindahan ng gitara sa Cebu.  Nakakataba ng puso. (Pero sa bandang dulo, umiiyak nanaman ang puso ko dahil ‘di ko sila maiuwi lahat.)
  • Danggit at Dried Pusit
  • May bundok, may dagat, madaming historical sites (wag mo ako i-judge kung pang-elementary field trip ang trip ko, maligaya akong makita si Lapu-Lapu at Rajah Humabon)

Dagdag na rason para ma-finalize ang decision sa pagpunta sa Cebu:

  • Meet-up ng Ukulele Club Philippines (Nasa 70 kaming nagkita-kita, ‘yung iba galing pang Davao, Bohol at kung saan-saan pa… manghaharana sana kami, ‘di nga lang natuloy, wala ‘yung haharanahin.)
  • At ang pagkakataon na makilala ang mga petmalu at loding bloggers ng Cebu!

‘Di ko alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para sa Meet-up. Kung sa meet-up sa Cubao ay kabado ako, ano pa ang i-expect mo sa akin sa meet-up sa Cebu?

Maaga ako ng 30 minutes sa call-time. Akala ko k’se malayo, ‘di ako naniwala kay Google Map na 6 minutes lang kung lalakarin yung venue ng meet-up. Syempre ayokong ma-late, dahil gusto kong makapili ng pinaka-paborableng pwesto sa upuan. Tumambay lang muna ako sa labas.

Hindi tulad ng meet-up sa Cubao na nakapag-research na ako sa mga kakatagpuin ko, sa pagkakataon na ‘to, 3 out of 6.

Ni hindi ko nga alam na all those time ng pag-iintay ko, nag-iintay lang din sa tabi ko ‘yung isa sa kakatagpuin ko. (IdolWanderer)

Eh alam mo ‘yung pakiramdam na nakita mo na dahil nakikita mo naman ang mukha nya sa blog n’ya pero ‘di mo malapitan dahil alam mong ‘di ka n’ya kilala. (LaagSparkles)

At ‘yung tinawagan ko pa si Aysa mula sa Maldives para magpasaklolo, bago ako lumapit at magpakilala sa takot na maupakan at maibaon ng buhay sa lupa. (DakilangLaagan)

Eh ‘yung bigla luminaw ang mata ko, na kahit malayo ay nakita ko (Chasing Potatoes)

At sa dalawang sobrang cool na nilalang na on the spot hinanap ko ang mga blog (AsanasadsiJames, WanderingFeetPH)

Pero tulad din ng meet-up sa Cubao, ‘di ko pinagsisihang lumabas ako sa Imaginary World para makilala ang mga taong ito.

tfiob cebu ang aking imaginary girlfriend
TFIOB-Cebu IdolWanderer, LaagSparkles, Chasing Potatoes, AsanasadsiJames, WanderingFeetPH, DakilangLaagan, Ako!

Masarap ang barbeque sa Yakski- Capitol!

Pero may mas sasarap pa ba sa kwentuhan ng isang Alien at anim na Tao?

Sa susunod na ‘yung detalye dito sa meet-up na ‘to… Masyado nang mahaba. At para naman mabitin kayo.

_______________________________________________

Where Do Broken Hearts Go?

Sa Cebu. ❤️❤️❤️

Bakit?

>>>to be continued po. 😉