January 04, 2019
Salamat sa pagsama mo sa akin sa byahe na ‘to. ‘Di ko alam kung napasubo ka na lang ba dahil umoo ka na long time ago sa yaya ko na akala mo siguro ay ‘di ako seryoso. Alam mo namang matagal ko nang gustong bumalik ng Sagada, sabi ko nga sa’yo gusto ko nang palitan ang mga memories ko d’un, aakyat ako uli ‘pag kasama na kita. Saka pinangako ko sa’yo na dadalhin kita d’un ‘di ba?
Kaya ‘eto tayo ngayon. Binabasa mo ang sulat na ‘to.
Alam mo na, ‘eto ako nagsusulat habang nasa byahe ako mula Pangasinan. Kabisado mo naman ako. Lagi akong may sulat na pang-intro. ‘Di ko rin k’se talaga alam kung anong mangyayari sa byahe na ‘to. Alam mong antagal ko na ‘tong pinlano, alam mo namang antagal ko nang nacontact ang guide, nareserve ang tutuluyan, sinigurado ang 4×4 pa-Marlboro, antagal na nating naibook ng byahe sa bus. Alam mong gusto ko lang na maging smooth ‘yung mga bagay na kaya naman nating kontrolin.
K’se pagdating d’un, hindi ko na alam.
Sa pag-uwi natin, ‘di ko na din alam.
Alam mong ang byaheng ‘to ay send off ko sa’yo.
Iniisip ko nga k’seng magkakaboyfriend ka na this year.
Iniisip kong madaming magbabago this year.
Iniisip kong may mga bagay na ginagawa natin dati na ‘di na natin magagawa sa mga susunod na araw, linggo o buwan.
Sana maenjoy mo ang byaheng ‘to.
Kung magtatapos man ang pagkakaibigan natin sa tagpong ‘to, tapusin man lang natin ng maganda ‘di ba? Pero ‘di ko talaga alam kung posible ba talaga ang magandang pagtatapos ng mga relasyon. (Akala mo jowa lang na makikipagbreak ‘no? Hahaha).
You’re my dearest friend, you’re my person. Alam mong ‘di magiging madali ang send off. Alam mong ‘di magiging madali tanggapin ang mga changes. Alam nating posible pero magiging mahirap ang coexistence. Coexistence ko at kung sino man siya.
Sisimulan ko ang byahe natin sa sulat na ‘to.
Mag-uusap pa kaya tayo?
=====================================================================
January 05, 2019
Sulat uli.
‘Di ko alam kung makakapag-usap ba tayo sa byaheng ‘to o ano. Sabi ko naman sa’yo ‘di ba send off? Magbibilin lang ako ng magbibilin. Pero kung ‘di ko masabi ang mga gusto kong ibilin ay at least may to-the-rescue na sulat.
Sa dami ng mga sulat ko sa’yo, ano pa bang ‘di ko nabibilin? Ano pa nga ba ang ‘di ko pa nasasabi? Ano pa bang gusto kong sabihin na kailangan pa kita kidnapin papunta dito sa Sagada?
Sa mga dark moments ko, madalas pinipili kong pumunta dito. Pag kailangan ko nang ipress ang F5 sa buhay ko, ‘to ‘yung lugar ng starting point ko. Dito ako kumakalma. Dito napapanatag ang puso ko.
Nakakapagtakang ‘di ako umapak dito ng buong 2018 samantalang alam naman nating bagsak na bagsak ako ng 2018. Pinakamadilim sa lahat ng darkest. Pinakamahirap sa lahat ng hardest.
‘Di ko kinailangan ang Sagada k’se and’yan ka.
Kung kailangan kong huminga, ichachat kita, itetext kita. Kung kailangan kong kumalma, tatawagan kita. Kung mainit ang ulo ko, sasabihin ko lang sa’yo, alam mo na ang kailangan ko. Kung gusto kong pumayapa, pupuntahan lang kita. Kapag ‘di ko na alam ang gagawin, titingnan na lang kita.
Then I’ll be okay.
Ikaw ang safe haven ko.
Sinasabi mong naging sobrang dependent mo sa akin sa maraming bagay pero sa totoo naman ako ‘yung naging dependent sa’yo.
Andaming times na kailangan ko pang marinig ang boses mo para makatulog ako. Andaming times na kailangan ko pang makasabay ka para lang umayos uli ang kain ko. Andaming times na kailangan ko pa ng sermon mo bago ko gawin ang mga bagay-bagay. At madami pang iba.
Magtataka ka pa bang kailangan ko ng Sagada para sa send off na ‘to?
Mukhang kakailanganin ko na uli ang Sagada.
Maraming byahe pa-Sagada.
Kapag wala ka na.
=====================================================================
January 06, 2019
Ang plano sa sulat na ‘to ay babasahin mo kapag nakita mo na ang sea of clouds. Ang drama ko talaga ‘di ba? Writer talaga.
‘Di ko na papahabain pa ‘to dahil gusto kong ilaan mo ang oras mo witnessing ‘yung ganda ng lugar na ‘to.
Ang gusto ko lang naman sabihin ay salamat sa pagsama sa byahe na ‘to. Salamat sa pagsama sa byahe ng buhay ko. ‘Di naging madali ang byahe natin. Isang taon. Actually, 11 months pa lang talaga ‘yung as in close tayo. 11 months nga ba? Andami nang nangyari. Andami na nating tampuhan. Andami na nating silent moments. Pero mas madami ang happy moments. At gusto kong maalala tayo na ganun. Na masaya.
Gusto kong maging masaya ka.
Alam mo naman ‘yun. Lagi ko naman sinasabi.
Alagaan ang puso. Pero ‘wag matakot maging masaya.
Mahirap ang send off. Pero gusto kong malaman mong gusto kitang maging masaya.
=====================================================================
January 08, 2019
Patawarin mo na ako kung mala-blairwitch project ang video na ‘to. Alam mo namang ‘di stable ang kamay ko at pipitsuging phone lang ang meron ako. Para sa kasayahan ng mata ko lang naman k’se talaga ‘to. Oriented ka naman na palpak akong photographer at lalong ‘di ako videographer.
Binibigyan lang kita ng chance na ma-visualize kung paanong ang memories mo ay nagpeplay sa utak ko. Kung gaano ka kaganda sa paningin ko.
This is how I’ll remember you.
Imess-up man ng surgery ang memories ko, pipilitin kong maalala ka.
Imess-up man ng surgery ang paningin ko, pipilitin kong ivisualize ka.
And kung hindi man na ako magising, alam mo ang last na nasa isip ko.
Aalagaan kita sa utak ko. Aalagaan ko ang mga memories mo sa utak ko.
*hindi ko nabigay ang mga sulat na ‘to dahil naisip kong panira sa moment. Masyado tayong masaya n’un para sirain lang ng mga pagdadrama ko.
Besh, kung nasaan ka man, ingat ka diyan. Hihintayin ko ang pagbabalik mo. Kakain tayo ng lahat ng gusto mong kainin. (Ikaw lang pala, sasamahan lang kita.)
Medj malakas ang signal. Naka-schedule talaga itong i-publish sa panahong gusto kong magparamdam ka naman sakin?
Miss na kitaaaaaa… 😭😭😭
LikeLiked by 2 people