Si Bughaw at si Pink Madness

Gusto ko nang matulog pero sadyang gising at buhay na buhay pa ang diwa ko. Inoff ko na ang phone ko para hindi na ako matukso. Pumikit na ako, nagdasal. Pero ‘yun, hyperactive pa din ang braincells ko. Kaya ‘eto, binuksan ko na ang laptop, at pinagbigyan na ang kamay kong kanina pa gustong-gustong magtype.

Sabi ko nga pala nung isang araw ay isusulat ko ang lovestory namin ng isang ‘di imaginary na tao sa buhay ko. Kaya siguro ‘di ako matahimik na hindi magtype.

Binabalaan ko na kayong medyo mahaba ang kwento na ‘to. Pero kung wala naman kayong magawa eh sige, basa lang. Pagpasensyahan n’yo na ang mga kacornyhan na kasama na sa bawat kwento ng pag-ibig ko. At oo, nasa WordPress pa rin kayo at wala sa Wattpad. Sadyang kasama lang sa araw-araw na buhay ko ang humukay ng matatandang kwento. Katulad nito. At nangyari ‘to 20 years ago.

June, 1998. Third year highschool ako nung napagpasyahan kong lumipat ng eskwelahan. Sabi ko kay Mama eh ilipat na n’ya ako, pangako magpapakabait na ako. Sinulat ko lang ‘yun sa isang pilas ng yellow paper. Hindi uso ang usap sa bahay namin kaya pati nanay ko ay sinusulatan ko lang kahit na araw-araw naman kaming magkasama sa bahay. Ewan ko kung ‘di ba talaga uso ang pag-uusap sa amin o ako lang talaga ang may problema. Pinagbigyan naman ako ng nanay ko. Alam din naman n’yang kahit ‘di s’ya pumayag eh ‘yung gusto ko pa rin ang susundin ko. At ‘yun nga, inilipat na n’ya ako ng eskwelahan.

Marami naman kaming transferee nun sa klase. Ang kaibahan ko nga lang sa ibang transferee na kasabayan ko ay hindi naman ako pinatapon ng eskwelahang pinanggalingan ko. Medyo bigatin ang pinanggalingan kong eskwelahan kaya sa unang araw pa lang ay naging talk-of-the-town na ako. And’yang nakataas na ang mga kilay ng mga top students sa section namin na para bang aagawan ko na sila ng pwesto. Ang mga teacher ay feeling close na sa akin dahil Alma Mater nila nung college ang pinanggalingan ko. Ang Principal at Commandant ng CAT ay kapitbahay ko na lalo pang nagpataas ng kilay ng mga tao.

As if namang mahalaga ‘yung mga bagay na ‘yun sa akin. Simple at tahimik na buhay lang ang hangad ko.

Hindi lang sa section namin may tumaas ang kilay sa akin, ewan ko ba, iniisip nilang ang bawat pagtatanong ko ay nangangahulugan ng kayabangan ko. Pero nagtatanong lang naman ako.

“Bakit wala tayong fire exit?”

“Bakit meron tayong flag retreat t’wing Biyernes?”

“Bakit walang dictionary sa library?”

“Bakit laging pansit bihon ang tinda sa canteen?”

At marami ko pang bakit.

Siguro nga, ‘di na ako dapat nagtatanong.

Hanggang dumating ang kampanya para sa Student Council. Syempre nagtatanong pa rin ako.

Paano n’yo masasabing magagampanan n’yo ang mga kailangan n’yong gawin sa Student Council eh Officer din kayo ng CAT, ‘yung academics n’yo pa? Mapagsasabay-sabay n’yo ba lahat ‘yun?

Time management lang naman ‘yan.

‘Yun ang sinagot n’ya sa tanong ko. Nakataas ang kilay n’ya habang sinasabi n’ya ang mga salitang ‘yun pero napangiti n’ya ako. S’ya lang k’se ang bukod tanging sumagot sa mga tanong ko ng hindi “ewan”.

At lumipas ang mga araw na lagi na lang sa twing magkakasalubong kami ay tataasan n’ya pa rin ako ng kilay. Hahaha, ang presko ko ba talaga? Nagtatanong lang naman ako.

Kaya nagulat na lang ako nung kinausap n’ya ako.

Program ‘yun ng Linggo ng Wika. Na-late ako. Wala na akong planong pumasok dahil naaksidente ako nung gabi bago ang araw na ‘yun. Pero no choice, kasali ang section namin sa competition at ‘di ako pwedeng ‘di pumunta. Dahil late ako ay kailangan kong tubusin ang ID ko sa office ng Student Council. At andun s’ya. Si Rhina. Inabot ang ID ko, ska sinabing “Sige wag mo nang bayaran, ‘di ko rin naman nilagay sa logbook. Nabalitaan ko naaksidente ka kagabi.” Ilang minuto akong nablangko. First time ‘yun na tumingin s’ya sa akin na ‘di nakataas ang kilay n’ya. First time ‘yun na nakita ko s’yang ngumiti sa akin. Wala akong nasabi kundi “thank you.”

At mula nung araw na ‘yun ay s’ya na ang pinakamagandang babae sa paningin ko.

Fourth year s’ya at third year ako, ‘di ko alam kung paanong magtatagpo ang landas namin para maging magkaibigan. Kaya naisipan kong sulatan s’ya. At ang pen name ko sa sulat ay: Bughaw. Ngayon alam n’yo na ang pinagmulan ni BughawBlueAsul. Nalaman naman n’ya agad na ako ‘yun. Pinagtanong n’ya ang penmanship. Pero kahit naman daw ‘di na n’ya ipagtanong ang penmanship ay naisip na n’yang ako ‘yun. Masyado daw k’seng mataba ang utak ng nagsulat.

Nagulat akong nakatanggap din ng sulat mula sa kanya. At ang pen name naman n’ya ay: Pink Madness. Hahahahahaha. Hindi pa uso ang text 20 years ago, kaya isipin n’yo na lang kung naka-ilang sulat kami sa bawat isa. Araw-araw ‘yun. Minsan may dalawa, tatlong sulat pa sa isang araw. At ‘di ko alam kung paanong ‘di kami naubusan ng isusulat sa bawat isa.

‘Di naging sikreto ang panliligaw ko sa kanya. Kahit na alam kong andaming naka-aligid sa kanya, sige pa rin ako. Pakiramdam ko nga n’un para lang akong kutong lupa kumpara sa ibang mga nanliligaw sa kanya pero sige lang, bahala na si Batman kung matatagpuan pa akong buhay kinabukasan.

Aabangan ko s’ya t’wing umaga. Ipagdadala ng mga libro. Ibibigay ang sulat ko. Sasabayan ko s’ya hanggang sakayan t’wing uwian. Dadalaw ako sa kanila t’wing Friday night. Magsisimba kami t’wing Linggo.

At isang araw, sinabi na n’yang “I love you too.”

Ewan ko pero kahit kami na, nililigawan ko pa rin s’ya. Nililigawan ko pa rin ang buong pamilya n’ya. One time, nagsetup kami ng kabanda ko sa kalsada sa tapat ng bahay nila. Kinuntsaba ko pa ang buong pamilya n’ya para lang s’ya masurpresa. Sabi ko k’se hindi pwedeng ‘di ko s’ya maharana, old school man, kailangan maharana ko s’ya. S’yempre ano pa nga ba ang kanta eh ‘di Parokya ni Edgar’s Harana. Malaki na ang mata n’ya pero lalo pang lumaki nung gabing ‘yun. Pagkatapos ng kanta ay yumakap s’ya sa akin at sa buong gabi ‘di na natapos ang mga salita n’yang puro mahal kita.

Naalala ko nung may disco sa school ay kinuntsaba ko pa ang DJ ng mobile para lang patugtugin ang mga favorite love song naming dalawa, makabawi man lang dahil hindi ko man lang s’ya naisayaw kahit isang beses sa buong gabi na ‘yun dahil nakaduty akong COCC na bantay sa gate, na alam ko namang sinadya ng Batallion Commander naming may gusto sa kanya. At bago kami umuwi nang gabing ‘yun ay binigay ko sa kanya ang singsing naming dalawa na pinasadya ko pang palagyan ng Pink Madness at Bughaw. At sinabi ko sa kanya na, ” ‘Di ko maipapangakong lagi akong nasa tabi mo, pero sana lagi mong iisiping andito lang ako.

At sabi ko, babawi pa rin ako sa utang na sayaw sa kanya.

Bumawi ako at sinamahan ko s’ya sa buong gabi ng JS Prom, at sa lumipas na 18 songs ay hawak ko ang kamay n’ya, isinayaw ko s’ya ng tumugtog na ang Got to Believe in Magic, King and Queen of Hearts at All My Life.

At ang 18 songs ng JS Prom ay ginawan ko ng mixtape at binigay sa kanya bilang graduation gift ng March.

Hindi ko na matandaan kung paanong natapos na lang ang lovestory namin. ‘Di naman kami nag-away. ‘Di na lang namin namalayan na wala ng sulat, wala ng pagkikita, wala nang pag-uusap… Walang breakup. Pero wala namang naghanap ng closure. Nag-moveon na lang kami ng kusa. Siguro dahil bata pa kami? Siguro dahil busy kami pareho? Siguro dahil mababaw pa ang pag-ibig namin?

‘Wag ko raw kwekwestyunin ang naging pagmamahalan namin. Dahil nung panahon na ‘yun alam naming mahal namin ang bawat isa. Bumuo na kami ng pangarap. Andami na naming plano. Hindi man daw naging kami sa finals, ‘wag ko daw iisipin na ‘di ako kamahal mahal na tao. Hindi man daw naging kami sa finals ay hindi ibig sabihin ay lagi na lang akong maiiwan.

Magmamahal ka pa din, sabi nya.

Di na siguro, durog na durog na ang puso ko, durog na durog na ako, sabi ko.

‘Di mo naman kailangang maging buo

dahil ang bawat piraso ng durog mong puso

nagmamahal pa rin ng buong-buo.

Advertisements

Gising na, October na

October 01, 2018 1:08 AM

Tinapos ko ang September sa panonood ng Exes Baggage. Pero hindi ‘to tungkol sa pelikulang ‘yun, nakwento ko lang naman, wala lang din k’se akong maisip na intro sa isusulat ko na ‘to. Gusto ko lang talagang magsulat, pang-welcome kay October at pagpapaalam kay September. Gusto kong magsulat pero wala naman akong maisulat na matino.

Sa pagtatapos ng September ay may nakaalalang magtanong kung kumusta ang September ko… kung kumusta ba ang September ko ngayong 2018 kumpara sa mga nagdaang taon.

Medyo natagalan din akong mag-isip. ‘Di ko na rin k’se matandaan kung ano ba ang naganap sa September ko. Kaya ang nasagot ko lang eh “okay naman”.

Ano nga ba ang naganap sa September ko?

Sa buong buwan ng September ay araw-araw akong nagsusulat. Andami kong natype dito sa WordPress, andami kong natype sa notepad ko sa phone, andami kong nasulat sa notebook ko. Pero iilan lang ang ipinublish ko. Lahat ng mga scheduled posts ay nireschedule ko at ang iba ay  nilipat ko sa isang bagong blog site. Oo, naisip ko nang magsimula ng bagong blog site na kung matatagpuan n’yo eh, sige, natagpuan n’yo, ano pa nga bang magagawa ko. Pero wag n’yo na akong tanungin, ‘di ko rin naman sasabihin, ‘di ko rin aaminin. (Hahahahaha, sinabi ko pa talaga ‘no?)

Ayun, ang September ng mga nakaraang taon ay laging panahon ng pagdedesisyon kung mag-iintay pa ba ako. Panahon ng pagtatanong sa sarili kung mahal ko pa din ba s’ya. Kung hanggang kailan ko kaya mag-intay. Kung ano nang gagawin ko sa puso ko. At kung ano na ang ituturo ko sa utak ko.

At ngayong taon,

wala nang pag-iintay,

wala ng pagtatanong sa sarili.

Sadyang malinaw na ang mga bagay-bagay…

Pero gaano man pala kalinaw ang mga bagay-bagay, nakakatawang nahirapan pa rin akong magdesisyon. Sinasampal na ako ng katotohanan pero ang hirap pa ring gawin ng sinasabi ng nakakarami na “the best thing”, at “the right thing”. Paano nga ba naging “best” ‘yung bagay na alam mong “worst” ang mararamdaman mo? Paano nga ba naging “right” ‘yung bagay na pakiramdam mo ay “mali” sa puso mo?

Ewan ko kung iba nga ba talaga ang September na ‘to sa mga nagdaang taon. Nakadaming inom pa rin ako. Ilang araw pa rin akong lasing.

Pero ‘yun… nagpapasalamat pa rin ako, na kahit ilan mang dark September ang dumaan, naniniwala pa din akong gigising ako ng October na matiwasay.

Whew! Gising na! October na!

 

 

 

 

Sorry, pero hindi ka special

Sorry pero gusto kong sabihin sa’yong hindi ka special.

Bakit hindi ka special?

Bago ko ‘yan sagutin ay pwede bang bigyan mo muna ako ng rason bakit ka naging special?

Dahil sinabi n’ya sa’yo?
Dahil pinadama n’ya sa’yo?
Paano kung bigla s’yang magbago?
Paano kung iniwan ka na n’ya?
Paano kung sa ilang beses binigo ka n’ya?
Mararamdaman mo pa bang special ka?
Maniniwala ka pa bang special ka?

Kung walang nagsasabi sa’yong special ka maniniwala ka pa bang special ka?
Kung walang nagpapadama sa’yong special ka mararamdaman mo pa bang special ka?
Kung kahapon ay sinabing special ka pero ngayon ay hindi na, special ka pa rin ba?
Paano kung may dumating na special din, ano na ang tawag sa’yo? Special ka pa rin ba? Special pa rin ba kung dalawa kayo? Special ka pa rin ba kahit marami kayo?

Paano ka naging special?

Dahil napapasaya mo s’ya? Paano sa panahong malungkot s’ya, ano ka na?

Dahil gusto ka n’ya? So, kung ‘di ka na n’ya gusto, alam mo na…

spe·cial
ˈspeSHəl/
adjective
1.
better, greater, or otherwise different from what is usual.

Ang gara ‘di ba? Ikukumpara ka muna sa iba bago masabing special ka. Di ka naman pwedeng maging better kung walang good lang, di ka naman pwedeng maging greater kung walang great lang. Pero paano pag dumating ‘yung best? Paano ‘pag dumating ang greatest?

Kung ang pagiging special ay “conditional” ay sasabihin ko sa’yong hindi ka special. You don’t deserve to be special na subjected sa mga conditions and requirements. ‘Di ko kailangan tumingin sa iba to know your value. Ikaw lang sapat na.

(Wag n’yo na pansinin ‘to. Ginagamit ko rin naman ang word na special sa mga taong mahalaga sa akin. ‘Di ko kinukwestyon ang pagiging special n’yo. You are special in many ways. Papampam lang ako.)

Happy Birthday, Elsie

Maligayang masayang happy birthday, Elsie. Mula sa taon na ‘to, iba na ang tema ng pagse-celebrate ko ng birthday mo. Hindi na madramang pag-aabang at mala-pelikulang pag-iintay. Hindi na pagbalik sa nakaraan ng durog na puso at matang luhaan. May mas masasayang bagay sa kwento natin. Na tinabunan ng mga pagdadrama ko dahil sa pag-ibig ko sa’yo. May mas makabuluhang mga bagay na dapat inaalala. May mas makabuluhang mga bagay na dapat binigyan kong halaga.

Pero hindi ko pagsisisihan na nagpursue ako. Hindi ko pagsisihan na nag-intay ako. Sa ilang taong pag-iintay at pag-aabang, andami kong natutunan. At kung masaya ako ngayon ay dahil ‘yun sa mga desisyong pinili ko applying the things na natutunan ko sa kwento nating dalawa.

Sa kwento nating dalawa natutunan kong kailangan kong pahalagan ang pagkakaibigan over sa walang kasiguraduhang feelings. Sa kwento natin natutunan kong dapat sana naging mabuting kaibigan muna ako. Sana naging mabuting magkaibigan muna tayo. Na hindi lang birthday mo ang alam ko. Na hindi lang adobo ang naalala ko sa’yo.

Sa panahon ngayon, o siguro kahit nung panahon natin, napakadaling isugal ng pagkakaibigan. Nabubulagan tayo sa kagustuhan nating magkaroon ng karelasyon. Nabubulagan tayo sa “urge” na makapagtapat tayo ng ating mga damdamin. Sabi k’se nila, para kang naalisan ng tinik ‘pag umamin ka. Masaya. ‘Yun yung nakikita natin sa pag-amin, magiging masaya.

Pero sa kwento nating dalawa, natutunan kong ‘di sapat na rason ‘yung mga bagay na ‘yun para umamin. Ambabaw pala nung rason na “ang importante nasabi ko”. Ambabaw nung rason na “at least nasabi ko”. Ambabaw nung rason na “ang importante alam mo”. Ambabaw nung rason na “ang mahalaga nalinaw ko”.

Narealize ko na ang selfish din pala nun. Ang selfish k’se natapos lang sa pagsabi. Ang selfish k’se ‘yung sarili ko lang ang inisip ko. Ang selfish k’se ‘di kita inisip at kung ano’ng mararamdaman mo. Ang selfish k’se ‘di ko kinonsider ang mangyayari sa friendship. Ang selfish k’se wala naman akong plano. Ang selfish k’se nawala rin naman ako.

At everytime na babalik ka sa buhay ko, sinasabi ko sa’yong “mahal kita”, sinasabi ko sa’yong “iiwanan ko sila”. Walang isip-isip. Walang learning. Paulit-ulit. Walang kinoconsider na ibang tao. Ni hindi ko kinonsider kung anong mararamdaman mo. Lumipas man ang maraming taon, still, sobrang selfish ko.

Isa pang natutunan ko sa kwento nating dalawa: Too soon.

Sobrang aga. Hinog sa pilit.

Sa mahigit lang na isang semester na pagkakaibigan, inisip ko nang mahal kita. Inisip ko nang may foundation na tayo dahil andun ka lagi sa darkest hours ko. Inisip ko nang sapat na ‘yung masaya akong andun ka sa tabi ko nung mga panahon na iniisip kong katapusan na ng mundo ko. Pero alam nating mababaw ‘yun. Sadyang marupok lang tayo sa gan’tong panahon.

Natutunan kong sobrang vulnerable tayo pag malungkot tayo. Madalas sa panahon na ‘to, napagkakamali natin bilang attraction ang simpleng paghahanap lang ng companion. Gagawa tayo ng mga desisyon na clouded ng halu-halong emosyon na sa bandang dulo ay wala namang naitulong. Kundi nagpa-kumplikado lang ng sitwasyon.

Sa kwento nating dalawa natutunan kong “big word” ang sabihing “mahal kita”. “Big word” ang magsabi ng “mahalaga ka”. Hindi lang dapat bugso ng damdamin. We should be responsible enough para sa mga salitang ‘to… I should be responsible enough para sa mga salitang ‘to… Para sa feelings ko.

Hindi lahat ng feelings dapat sabihin. Hindi lahat ng feelings kailangan iparating. Lahat may tamang timing. Kailangang may sapat na batayan. Kailangang handa kang patunayan.

Elsie, salamat. Kung masaya ako ngayon sa mga desisyon ko, ay dahil sa’yo.

Para sa’yong ‘di imaginary sa mundong punong-puno ng make believe

Akala ko nagawa ko na lahat ng effort sa ngalan ng pagmamahal.

Hanggang nakilala kita.

—————————————————-

Sinusulat ko ‘to habang tinititigan kita habang may kasama kang iba.

Hindi lang s’ya basta kasama mo. Hindi lang s’ya basta katabi mo. Alam ko sa ngiti ng mga mata mo. Alam ko sa ngiting nakaguhit sa labi mo.

Alam ko, mahal mo s’ya.

At oo, mahal kita.

Ikaw na may mahal na iba.

At sa pagkakataong ‘yun pinaalala mong ako ay nasa planetang Earth at wala sa Imaginary World.

Hindi ka imaginary lang.

At ang nararamdaman ko ay hindi kathang-isip lamang.

Ito ay hindi kathang-isip lamang.

Tinititigan kita habang nag-iisip ng mga salitang magsasalarawan sa’yo. At sa pag-ibig ko sa’yo. Tinititigan kita habang inaalala ang mga kwento sa pagitan ng pagkilala at pagkahulog ng puso ko.

Tinititigan kita habang sinusulat ang wakas ng kwento.

Pero ‘wag kang mag-alala. Pinipilit kong maging masaya ang dulo. Sa kung paanong gusto kong laging masaya ang puso mo.

Habang tinititigan kita, naisip ko ang mga pangarap mo. Mga pangarap na iniisip mo pa lang ay nagbibigay na ng ngiti sa labi mo. Mga bagay na alam kong ‘di ko maibibigay sa’yo. Pero bakit nga ba sa likod ng mga kakulangan ko naging panatag na ang loob kong alam ko namang and’yan s’yang kayang ibigay sa’yo ang mundo.

Habang tinititigan kita, naisip kong ang ligaya pala ay hindi lang makukuha sa matamis mong oo at pagkamit ng puso mo. Hindi lang sa sandaling mahawakan ko na ang mga kamay mo. Posible palang sa kahit lamang sa kinwadradong sandali ng iyong ngiti magkakasya na akong sumaya. Masaya akong masaya ka.

Habang tinititigan kita, naisip kong ‘eto ang real world, kung saan ang mahal kita ay ‘di sapat para makasama ka. At ang pagsabi ng paalam ay ang tunay na pagsinta.