155 of 365

Ano pa daw ba ang magagawa nya e sumakay na ako.

Pwede naman nyang sabihin na: Bumaba ka na lang, sa Sta. Mesa na tayo magkita. Mag-iintay naman ako kahit gaano pa katagal. Alam naman nyang matyaga akong mag-intay.

Pero sa mga oras na yun, ‘di na din naman naging big deal pa na nag-around the world ako. Paminsan-minsan sa pag-uusap namin bigla kong maaalala ang epic fail na journey pero tinatawanan na lang namin. Okay na din yun. Nakapagkwentuhan naman kami habang nasa byahe sa PNR.

Kung anu-ano lang naman ang topic namin. Kung paanong sobrang ignorante ko sa mga lugar sa South. Napunta sa mga experiences namin sa pagsakay ng PNR. Nasa kalagitnaan na ng byahe yung kumustahan ng buhay-buhay. At sa isang oras naming magkausap saka nya lang napansing mahaba na ang buhok ko. Bakit daw ako nagpapahaba ng buhok. Sabi ko, trip ko lang. Ngayong iniiisip ko kung bakit nga ba pinapahaba ko ang tuktok na bahagi ng buhok ko, ‘di ko alam ang dahilan. Siguro nga trip ko lang.

At dahil nasa PNR kami, di naiwasang maging topic ang Train to Busan. At yun napunta kay Gong Yoo. Syempre karugtong na nun ang Goblin. At ang napakahabang istorya ng mga Kdrama.

‘Di daw nya expected na addict ako sa Kdrama. Akala nya simpleng nanonoood lang ako. Kaso mas madami pa pala akong natapos na Kdrama at updated pa ako kaysa sa kanya. Isa rin daw pala ako sa mga nilamon ng sistema. Hahahaha.

At matapos ang mahigit isang oras na byahe sa tren bumaba na kami ng Sta.Mesa Station.

Sa pagdaan namin sa tapat ng PUP, ayun flashback na.

Tagal ko na ding ‘di nakapunta dun. Dekada na ang lumipas. Naramdaman naman nyang gusto ko pang sulitin ang simoy ng hangin sa kanto ng Teresa kaya yun, nagyaya mag-shake. Ilang taon na daw ang lumipas ganun pa din ang lasa ng mango shake sa Teresa. At ganun pa rin ang presyo.

Umupo kami sa tapat ng tindahan ng shake. Just like the old days, gabi na pero tatambay pa ng Teresa. Nakakatawa pero kahit gaano na katagal yung panahong lumipas parehas pa rin yung pakiramdam ng pag-upo sa tapat ng tindahan. Iinom ng shake. Magkwekwentuhan. Habang nagdadaanan ang mga tao, wala kayong pakialam.

Gantong-ganto pa din ang kalsadang ‘to…

Parehas na parehas pa din sa Miss You Like Crazy…

‘Di s’ya nakarelate sa sinabi ko. Nagsalubong ang kilay nya at nilakihan nya ako ng mata sabay sabing: Ha?

Napailing na lang ako sa kanya. Dismayadong ‘di s’ya nakarelate sa sinabi ko.  Miss you Like Crazy, John Lloyd at Bea! ‘Di mo ba napanood yun? After ng scene sa ferry, dito sila naglugaw… 

Sa lahat naman daw ng pwedeng maalala, yung pelikula pa talaga ni John Lloyd ang naalala ko sa lugar na ‘yun.

Ano pa ba ang dapat kong alalahanin sa kantong yun?

Ilang segundong blangko. Change topic. Balik sa Kdrama. Hanggang maubos na namin pareho ang large na mango shake na hindi nga talaga nagbago ang lasa lumipas man ang mahabang panahon.

Naghiwalay kami sa tapat ng 711. Ilang hakbang na lang ang layo nya sa bahay nya. Ako nakakailang hakbang pa lang sa 38 kilometers na bubunuin ko para makarating sa bahay namin.

Approximately 145 kilometers ang nabyahe ko sa araw na yun. 145 kilometers para lang may makausap ako. Para lang may makwento naman akong iba sa’yo. Epic fail man ang byahe, worth it na rin siguro ang kwento. Na sana lang ginawa ko nung andito ka. Na kahit wala ka pang reply babyahe na ko. Na mag-iintay ako kahit wala namang kasiguraduhan. Na pupuntahan ko yung kahit ‘di ko alam puntahan. Magbabakasakali ako makita ka lang.

Mag-iintay naman ako kahit gaano pa katagal. Alam ko namang matyaga akong mag-intay. 

Kaso ‘di ko naman ginawa.

‘Di kita nakausap. ‘Di man lang kita nakita.

Parang ngayon, ni magsend ng kumusta ‘di ko magawa.

Wala akong ginagawa kundi mag-intay.

154 of 365

Ilang araw ko na ring binubuno na makatapos ng isusulat dito. Kadalasan natetengga sa title. Swerte na maka-isang sentence. Mas madami pa atang backspace ang na-hit ko kaysa sa letters at space na natype ko. ‘Di ko naman kase alam ang sasabihin ko. Wala rin namang bago.

Hanggang naisipan kong umalis ng bahay for the sake na may maiba naman at maikwento ako sa’yo.

Naisipan kong kunin yung naiwan kong sahod sa dati kong work. Medyo may katagalan na mula nung huli kong punta sa kabihasnan kaya sabi ko sa sarili ko dapat may imeet akong tao sa araw na yun. Kailangan kong kumausap ng ibang tao maliban sa mga tao sa loob ng bahay namin. Para maiba naman. Bawal ang virtual meeting. Dapat tunay na kwentuhan.

Kaya yun, tinext ko yung barkada ko sabi ko kita kami. Almost 2 hours bago nagreply. Muntik ko nang sukuan ang pag-iintay sa reply nya. Buti na lang naipit ako sa traffic at nagutom ako. Kung hindi siguro ako kumain ng 3 shawarma sa Buendia, malamang nasa bus na ko pauwi sa amin nung nagreply sya.

Nasa Alabang daw s’ya. Kahit ‘di ko alam kung saang parte ng Pilipinas yung Alabang, sige reply ako ng: Sige, pupuntahan kita dyan.

Inisip ko na malapit lang yung Alabang at ‘di ako maliligaw. Sumakay ako sa unang bus na nakita ko. Tinanong ko naman si kuyang kunduktor, sabi nya sakay lang daw at makakarating din ako dun.

At yun.

Ilang pasahero din ang napagtanungan ko kung mga ilang minutes pa ba ang byahe, kung malapit na ba ako. Mga isa’t kalahating oras akong nag-aabang na makakita ng senyales na nasa lupain na ako ng Alabang. At matapos ang dalawang oras na pagbabasa ng bawat signages sa kalsada na makita ko, ibinaba ako ng kuyang kunduktor sa Las Piñas, sumakay daw ako ng jeep, makakarating na ako ng Alabang.

Epic fail.

Sabi ng barkada ko nung sinabi kong nakasakay na ako ng bus baka naman daw matagalan ako, kailangan nya pa habulin ang tren ng 7:30. Sabi ko sa kanya, makakaabot naman siguro ako (dahil nga iniisip ko malapit lang). Paglipas ng 30 minutes, at wala pa akong nakikitang liwanag, sabi ko sa kanya: Mag-isip ka na ng kakainan natin, ska kung ano ang kakainin natin, para mabilis na tayo, para di ka maiwan ng tren.

Paglipas ng another 30 minutes. Sabi ko: Kumain ka na, para okay lang na intayin mo ako. Ireimburse mo na lang sa akin mamaya.

Lumipas uli ang 30 minutes. Ang linya ko: Mukhang take out na lang ata ang mangyayari sa kain na ‘to.

Lumipas uli ang 30 minutes. Nasa jeep pa lang ako pa-Alabang at twing nagtatanong ako sa driver o kaya sa kasakay ko, ang sagot nila sa akin: Wag ka mag-alala, dun naman yun sa dulo, ‘di ka lalagpas.

Dulo? Dulo talaga?

Epic fail.

Pero yun, inabutan ko pa naman ang barkada kong nasa 2/3 na ng kinakain nyang napakalaking burger. Kwentuhan kami about sa epic fail kong journey na bunga ng biglaan kong pagsakay ng bus na ‘di ko man lang kinunsulta sa kanya, as if alam na alam ko ang byahe ko. Ano pa daw ba ang magagawa nya e sumakay na ako.

Nang malapit nang mag-7 sabi nya aalis na sya para makasakay na ng tren. Sabi ko magtetren na rin ako, mas okay na yung tren kaysa sa bus, ‘di na ako maliligaw.

Sa buong panahon nang byahe ko at pag-uusap namin, iniisip kong sa Laguna s’ya uuwi kaya hinahabol n’ya ang tren, nang biglang sabihin nyang: Sa Sta. Mesa ako, ikaw saan ka bababa?

Napalunok na lang ako nung sinabi nyang sa Sta.Mesa s’ya uuwi. Napahawak sa batok. Napapikit, At parang uminit ata ang pakiramdam ko.

Epic fail talaga.

Galing akong Bulacan. Pumunta ako ng Taguig. Nagreply s’ya nung nasa Buendia ako. Bumyahe ako pa-Alabang. Tapos uuwi s’ya ng Sta.Mesa. Bakit ko s’ya pinuntahan sa Alabang? Pwede ko naman s’yang kitain sa Sta.Mesa?

“‘Di ka naman nagtatanong. Sabi mo pupuntahan mo ako sa Alabang.”

Ano pa daw ba ang magagawa nya e sumakay na ako.

Haha. Epic fail talaga. Hahahaha.

At yun. Sumakay kami ng PNR mula Alabang pa-Sta.Mesa.

Sa susunod na yung Part II ng kwento ng byahe ko. Sumasakit pa din ang ulo ko pag naaalala kong bumyahe ako mula Bulacan pa-Taguig, Buendia pa-Alabang, Alabang pa-Sta.Mesa. Sta.Mesa pa-Bulacan sa loob ng twelve hours.

Saka para na din may maisulat pa ako sa susunod. 😊

Kain ka dyan. Pwede ka namang kumain kahit Ramadan. Wag mo na intayin ang Iftar.😉

보고 싶어