77 of 365

All through my life 

I’ve been looking for someone 

to whom I could share

my happiness and despair.

I looked everywhere

and searched every place

I never stopped

and promised not to quit.

Then I saw you standing

beside me all the way

then I knew the search is over

because it’s you, I finally found.

Old school love letter. Iniisip ko, ilan ba ang nabigyan ko nito?

Nung highschool days, lahat na ata ng kakornikan nagawa ko. Kinaya kong mag-abang, mag-intay, sumundo, maghatid, maulanan for the sake ng ilang minutong makakasama ko yung gusto ko. Gumawa pa ako ng mix tape. Sobrang effort yun nung panahon na yun dahil ang hirap magmanu-manong magrecord ng kanta galing sa radyo o sa tumutugtog na cassette tape. Mahirap magrewind at mag-fast forward. Pag namali ka, pwede mong mapatungan at mabura, at wala ka nang magagawa pa para maretrieve kung anuman ang napatungan mo. Paduguan ng utak kung anong ilalagay sa side A at side B. Walang internet, kailangan mong mag-abang kung kelan patutugtugin sa radyo ang kantang gusto mo.

cassette tape

Uso din dati si Hallmark. Todo pili ng card sa suking tindahan. O pag sinipag pa ay gagawa pa ako ng personalized greeting card kay Wordstar. Tama, kay Wordstar, wala pa si MS Word. Wala pang mouse. Kailangang kabisado ko lahat ng code para majustify, center, bold o italicize ang text. Idodrawing ko muna sa graphing paper ang image na gusto kong ilagay gamit ang asterisk at ampersand, ska ko pa lang iinput sa PC. ASCII art. Pahirapan pa sa dot matrix printer na maingay at kailangan mo pang ikutin ang ribbon pag lumalabo na.

ascii art

At usong-uso ang harana dati. Iniisip ko nga parang inaral ko lang mag-gitara noon para lang makapangharana. Syempre dagdag pogi points ‘yun. Kahit na D-A-G-A lang at walang kamatayang More Than Words ang laging tinutugtog.

Pero paglipas ng panahon, wala nang sulat o tula o greeting card, forward na lang ng message sa phone. Wala nang mixtape o harana, forward na lang ng link from YouTube.

Sobrang dali nang makipag-communicate, ‘di na snail mail, pero ‘di makapag-message. Meron namang jeep, bus, taxi , UV Express pero ‘di pa din makadalaw.

Minsan, o madalas, wala nang panliligaw.

Minsan nga wala na ding relasyon.

________________________________________________________________

Doable naman yung mga bagay to make it impossible for you to say no, mapa-old school man o millenial na ligaw. Madaling makakuha ng A+ for the effort. Madaling magpromise ng magagandang bagay. Who doesn’t enjoy the promises of better tomorrow? I can simply hold your hand and pretend that we have the infinite time and money to conquer the world through the power of our love. Madaling sabihin I can give you everything you want, kahit higit pa dun.

Pero siguro sobrang mahal kita at natuto na ako na it’s not enough na mahal kita. Sobrang daming bagay ang kailangan kong iconsider. Para sa’yo. Dahil hindi magiging madali.

_________________________________________________________________

Ikakahon ko muna ang puso’t damdamin kong naghuhumiyaw ng pag-ibig sa’yo.

Kasama ang mga tula, sulat, greeting card, at haranang nasa casssete tape.

 

 

 

 

 

 

Advertisements

76 of 365

Madaming taong nagsasabing sobrang tamad ko daw. Bakit daw ba umuwi pa ako eh nasa abroad na ako? Kung may raket daw ako e bakit daw ba hindi ko araw-arawin para malaki ang kita? Bakit daw ba nood lang ako ng nood o kaya lagi akong tulog?

May mga bagay na ang hirap ipaliwanag sa ibang tao, lalong mahirap ipaliwanag sa lahat ng tao. Siguro nga yung ibang kapitbahay ay nag-iisip na baka nagtutulak ako ng bawal na gamot, o baka miyembro ako ng isang gun-for-hire syndicate. Kung mas malawak ang imagination nila ay baka naisip na din nilang isa akong alien from outer space.

Siguro nga alien ako. Kakaiba ang takbo ng utak ko. Out of this world ang mga trip ko. At ligayang-ligaya ako pag nasisikatan ako ng araw.

Siguro nga tamad ako. Tulog ako sa umaga. Tanghali ako gumising. Makikita lang akong laging naggigitara ng nakahiga sa terasa. ‘Di ako lumalabas ng bahay.

Kahit ano naman ang gawin ko, may masasabi ang mga tao. Alam mo naman sa Pilipinas, hindi nauubusan ng komento ang mga tao sa paligid. Gumawa ka ng tama, may masasabi. Gumawa ka ng mali, may masasabi. ‘Di nila alam ang ginagawa mo, may masasabi pa din.

Pero siguro nga sanay sila sa normal na pamumuhay ng mga tao at sadyang kakaiba lang ang moda ng pamumuhay ko. Sadyang okay na ako sa mga nagaganap sa buhay ko. ‘Di pa ako nakakadama ng urgency sa pagpapalit ng pangangailangan at priorities sa buhay ko at the moment.

Pero open naman ako sa pagkakaroon ng normal na buhay (kung anumang normal ang nasa standard ng lipunan). Sadyang minahal ko lang ang pagtatrabaho ng tatlong araw na walang tulugan at matulog na for the rest of the month. At mas okay na sa akin yung ‘di lumalabas ng bahay, dahil mas naaapreciate ko ang sinag ng araw.

Okay lang naman sa akin kahit ano ang sabihin o isipin ng ibang tao. Ang iniisip ko lang paano kaya kung ikaw na ang magtanong sa akin. Ano kaya ang isasagot ko sa’yo kung tatanungin mo kung ano ang plano ko sa buhay ko? Kung ano ang pangarap ko?

_________________________________________________________________

You’re all that I want to have. And you’re enough.

 

 

 

 

 

 

 

75 of 365

Medyo naiinip na ako sa pag-iintay na matapos ang mga dinodownload ko para sa movie marathon ko para sa araw na ‘to. Kung hinuhuli nga lang ang mga adik sa kakapanood eh baka na-tokhang na ako. Siguro kaya ko nang mabuhay ng walang labasan ng bahay ng isang taon, as long na may sapat na supply na pagkain, kuryente at internet connection.

‘Di ko alam kung saan nagsimula ang pagiging adik ko sa pelikula. Wala naman kaming Betamax at VHS. Siguro dahil sa Million Dollar Movies na palabas dati sa TV. Pinagpupuyatan ko yun, natatandaan ko. Kung may magandang pelikula, kukulitin ko ang mama ko o kaya ang lola, o pinag-iipunan kong makapanood ng sine, medyo mura lang naman dati, pwede pa ulitin. Hanggang nauso na ang VCD at DVD.

Kung pwede ko nga lang ibenta ang naipon kong VCD at DVD, kung isasama pa sa computation ang mga nagastos ko sa kakanood ng sine, mayaman na ako at madami nang ipon. Hahahaha. Naalala ko pa dati, kailangan everyday may 10 pesos akong itabi, para every week makapanood ako ng sine, 50 pesos lang naman kse ang sine nung college tayo.

Kahit nung nasa bundok ako. We always looked forward sa movie nights. Kahit ‘di maintindihan ng mga kasama ko yung sinasabi sa pelikula, basta nakikita nila yung action, okay na. Kaso sa series na Alias ni Jennifer Garner kailangan na daw nilang maintindihan yung kwento at doon nila ako nasimulang mahalin bilang interpreter. Sobrang cool manood nun, naka-projector kami, may speaker, at lahat seryoso. Bawal maingay. Sa mga oras na ‘yun payapa ang mga utak namin.

‘Di ako binibigo ng mga pelikula para kalmahin ang utak ko. Dati, babyahe ako ng 3 hours mula Bulacan pa-Sta.Mesa, ‘di ako papasok sa klase, manonood lang ako ng sine para kalmahin ang utak ko. Buong araw akong nasa loob ng sinehan. Literal na palamig ng ulo. ‘Di ako magsasawa sa paulit-ulit lang na pelikula. Ano bang movie yung pinanood ko nun na 4 times kong inulit? Boys and Girls! Claire Forlani at Freddie Prinze, Jr.

Hindi ko pampalipas ng oras ang panonood. Madalas pa nga ‘pag sobrang busy ng schedule, saka ako manood ng pelikula. Pampayapa lang ng utak. Ewan ko ba. Parang yosi na siguro para sa akin. Sa mga may kabisado na sa akin, alam nilang exhausted na ako pag naka-play na si Meet Joe Black o kaya The Lake House o City of Angels. Merong panahong irerepeat marathon ko ang Pretty Woman, Runaway Bride, Notting Hill at kung ano pang pelikulang nandun si Julia Roberts for the sake na may makita akong maganda. Haha. Merong moments nang pagiging hopeless romantic at uulitin nanaman ang Serendipity, You’ve got Mail, Sleepless in Seattle, Love Affair at While You Were Sleeping.

Maraming ‘di makakarelate sa pag-uulit ko ng mga pelikula. Ang hirap mag-explain kaya iniiwasan ko na lang na hindi makita ng iba na pinapanood ko uli.

At yun. Natapos na ang mga dinodownload ko at pwede na akong magsimula ng pampakalma marathon ko.

 

 

 

 

 

 

74 of 365

Musta?

Wala akong masabi kundi musta, kumain ka na ska ingat. ‘Di ko alam kung paano ako mag-uumpisa ng usapan… Andaming tumatakbo sa utak ko pero pag sasabihin ko na sa’yo, wala akong maitype. Kung nagrereklamo nga lang si blinking-text-cursor, matagal na niya akong sinukuan sa pag-iintay nya sa akin sa t’wing magtatype ako ng message para sa’yo sa Whatsapp.

Ewan ko ba.

Minsan, o madalas, sa kakaisip ko ng kung ano ang magiging reaksyon mo sa message ko, wala akong masabi ang resulta. Lagi ko k’se iniisip baka makulitan ka na, baka corny na, baka ‘di ka na natutuwa. Sabi ko sinukuan ko na ang pagbabasa sa naiisip mo pero minsan, o madalas, ‘di ko pa rin mapigilan.

Sobrang loser ko talaga pagdating sa’yo. Sobrang kornik. Bakit ba ‘di ko kayang magpaka-cool sa’yo? Bakit ba big deal lahat ng bagay basta tungkol sa’yo? Bakit ba ako gan’to?

Ewan ko.

Sadyang wala akong makitang tama sa akin pagdating sa’yo.

 

 

 

71 of 365

Josh: Uy, March 10 flight namin. Kaya pa ba nating magkita bago yung date na un?

Ako: Mag-jajapan ka na?

Josh: Yup.

Ako: Mukhang ‘di talaga tayo pinagtatagpo, sige dadalawin na lang kita dun hahaha..

Josh: ay naku, ayan ka nanaman, tour lang yun, ‘di naman kami magtatagal.

Ako: Wag ka ngang basag trip, dadalawin kita dun, magtotour din ako.

Josh: Hahaha.

Ako: Sulitin mo ang honeymoon, tsutsyal ah, Japan pa!

________________________________________________________________

Naalala mo ba si Josh? Yung tutubing taga-Dulaang Katig nun? Siya ang taga-abot ko ng sulat sa’yo nung naglibot ako sa Sierra Madre. Kaso, may naiabot ba? Haha. Wala naman ako aasahan sa moda ng komunikasyon ng panahon na ‘yun. Swerte nang dumating ang sulat sa loob ng tatlong buwan.

Iilan lang yung taong nakakaintindi sa likaw ng bituka ko. Isa si Josh dun. Dumating na kami sa point na sobrang galit ako sa kanya, pero yun, lumipas din naman at kinausap ko din s’ya. Ilang beses kaming nagkagalit pero lilipas ang mga araw mag-uusap din kami. Kabisado nya nga kse ang likaw ng bituka ko at alam nya kung saan ako kakalma.

Vocal ako pag galit ako sa kanya. Alam yun ng mga kasama namin nun. Nasaksihan nila yung lahat. Sobrang natakot sila sa akin k’se nun lang nila ako nakitang nagalit. Na nadagdagan pa ng pagkagulat nila dahil kay Josh ako pinaka-close. Nakarinig s’ya ng maraming ‘di magandang words sa akin. At dahil alam naman n’ya ang pinaghuhugutan ng galit ko, hahayaan nya akong magalit at iiyak na lang s’ya sa tabi. Alam naman naming may pagkukulang kami pareho kaya nagkaayos din kami. Magagalit nanaman ako pero magkakaayos din uli.

Kaya nagtataka yung mga kasama namin dati k’se hanggang ngayon close pa din kami, samantalang kung nasaksihan mo yung away namin dati, iisipin mong ‘di na kami magkakabati kailanman.

Pinagkatandaan na lang namin ang magulo at malabo naming sitwasyon dati. Tinatawanan na lang namin ang istorya ni Miss-Aminadong-Paasa at Mister-Pavictim. At sa aming dalawa, ako lang daw ang walang natutunan. Siguro nga daw ay pavictim lang talaga ako, hindi naman daw talaga ako naging biktima, dahil kung naging biktima daw ako ay ‘di na  ako uulit maging feelingero at ‘di ko na uli hahayaang maulit ang mga nangyari sa amin. O sadyang ‘di naman talaga nasaktan ang puso ko nung panahon na ‘yun, pride ko lang daw yung nagagalit.

Kabisado n’ya ang likaw ng bituka ko, kaya marami akong sermong natatanggap mula sa kanya. Lagi akong sosoplakin sa mga feelingero lines ko. Alam na n’ya ang pupuntahan nasa unang linya pa lang ako ng pagdadrama.

Bakit daw ba ‘di ko magawang magalit sa’yo? Sa palagay n’ya daw kse ay yun ang pinaka-effective na paraan para magising ako. Yung one-time-big-time na galit tulad ng ginagawa ko sa kanya dati. Kausapin daw kita, sabihin ko lahat ng sama ng loob ko, sabihin ko lahat-lahat ng gusto kong sabihin.

Bakit daw ‘di ko magawang magalit sa’yo?

Dahil magkaiba kayo.

Dahil wala ka namang kasalanan.

Dahil mahal kita.

(Alam naman ang sagot, tinatanong pa ako.)

_________________________________________________________________

Nung minsang may madrama akong post panahong tralala:

Josh: Ano nanaman ang mga linyang ito?!

Ako: wag ka mag-alala, tapos na ko sa feelingero-kay-josh stage ko… haha.peace.
Josh: HAHAHA! buti naman, saka sa kanya ka naman talaga hibang eh. hehehe.
Ako: sinong “kanya”? hahaha…
Josh: ay, oo nga, ang dami pala nila.. hahaha!
Josh: ang nasa isip ko yung inabangan mo sa trabaho nya tapos tinakasan ka nya. tama ba?
Ako: hahahahahahahahahaha….
Josh: tama? [im happy tumatawa ka…]
Ako: …haaay.
Josh: pero tama nga ako?

Pag may nabasa s’ya dati sa post ko na pagdadrama, bibirahan na ko n’yan ng: haay… here we go again… pede mo naman sya hanapin.. for the only reason na gusto mo syang makita. pero mas better na wag na nga lang… mas madaling mag move on.. di ako naniniwalang di ka makakamove on… ilang beses na bang nangyari sayo ang ganyan di ba?!  Wag ko daw magamit-gamit sa kanya ang linyang “pag naaalala kita Josh, alam ko makaka-move-on din ako”. Alam n’yang malayong-malayo ang pinaghuhugutan ko. ‘Di naman daw ako nagdrama ng tungkol sa aming dalawa. Nagagalit daw ako agad.

Pero makaka-move on din daw ako. Di ko na lang mamamalayan, ‘di na kita mahal.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

65 of 365

195 days na lang birthday mo na. 300 days na lang matatapos nanaman ang 2017. 2,938 days na kitang ‘di nakikita.

‘Di ko alam kung ano ang meron sa pagbibilang ko ng mga araw. Pero lagi ko silang binibilang.


Iniisip kong nagtagpo na kayo ng mga sulat ko. Expected na ang reaksyong-walang-reaksyon. Pero okay na rin yung reaksyong-walang-reaksyon, kaysa makatanggap ako ng linyang “hindi mo naman kailangan gawin yun” galing sa’yo. Okay na ‘ko na malaman mo yung mga gusto kong sabihin sa’yo, ‘yung mga gusto kong ikwento sa’yo.

Nagplano ako ng regalo na special. Kakaiba. Kung kelan ko ibibigay, di ko alam.

At ‘eto ang binagsakan.

Kay Google, search for: sulat kay elsie. Magtatagpo na kayo ng mga sulat ko.

Ilang buwan din bago naging #1  sa search result para sa keyword na: sulat kay elsie ang mga sulat ko. Kaya ilang buwan ding tengga ang plano. At ‘di na tinuloy na maging regalo.

Kaya ‘yun… kung wala kang magawa, kung gusto mong maiba ang mundo mo, kung gusto mong maramdaman kung gaano ka kamahal sa mundo ko, search mo lang: sulat kay elsie.

‘Di ako makapag-umpisa ng usapan sa whatsapp. Hanggang puro “kain ka na”. ‘Di ko kse alam kung kelan yung tamang timing, kung nasa mood ka bang makipag-usap, busy ka ba. Kahit paano dito, kung kelan mo lang feel makinig sa mga kwento ko. ‘Di ako mahiyain dito. At ‘di din ako nauubusan ng sasabihin sa’yo.

Dito man lang maparamdam kong mahal kita. ‘Di ko man masabi sa’yo.

62 of 365

Akel: Tol musta? Saan ka ba nag-lulungga? Buti nahanap na kita sa FB. May reunion, sama ka! 😂

Ako: Di naman ako lumilipat ng lungga. Sa lumang lungga pa din. Di mo lang talaga ako hinahanap. Hahahaha. Reunion? ‘Tol ‘di naman ako kasali dun!

Akel: Adik! Ako bahala sa’yo 😉 Basta pumunta ka! Adopted member ka ng batch natin!

Ako: Ayoko ‘tol. Ayoko sila makita.

Akel: Adik ka talaga! Pakiramdam mo naman gusto ka nila makita?! 😂Joke!!!!! Madami nagpapahanap sa’yo, ano ka ba?! Pumunta ka!

Ako: Pag-iisipan ko…

Akel: Pagiisipan pa talaga?! Isasama kita sa group chat ng section natin ha!

Ako: Anong section? Adik ka din, di mo naman ako kaklase ng fourth year.

Akel: Adopted member nga di ba? Tsaka automatic na yun, halos lahat naman ng andun naging kaklase mo.

Ako: Wag mo na ko isali sa group chat. Okay na ‘tong magkausap tayo dito. Kung gusto naman nila ako imessage, pwede naman nila ako imessage.

Akel: Emotero ka talaga! May pinagtataguan ka ba?

Ako: Wala

Akel: Teka lang, may dyowa ka ba nun sa section natin?

Ako: Wala!

Akel: Niligawan? Aha. Niligawan. Madami!

Ako: Adik wala!

Akel: Yung magbabarkada nun, si Jenix, Araceli at Hope. Haha. Akala mo makakalimutan ko a!

Ako: Adik, di ko sila niligawan! Sinusulatan ko lang si Araceli. Si Hope close lang talaga kami. At si Jenix, sinulatan ko nung nalaman nyang sinusulatan ko si Araceli.

Akel: Sige paliwanag pa

Ako: Oo nga yun yun…

Akel: Di yun ganun, iba ang story!

Ako: Adik! Parang alam mo ang istorya a…

Akel: Bigla bigla ka kase nawawala. Di ka man lang nagpapaalam. Isang araw hahanapin ka ng nanay mo sa amin. Di ka daw umuuwi. Tapos bigla na lang nagtransfer ka na. Ay naku!

Ako: Alam mo naman ang utak ko. Magulo…

Akel: Wanted ka kaya nun. Ang daming nagtatanong sa amin, kung nasaan ka nung nagpasukan. Ano naman isasagot namin. Wala naman kaming alam. Alam mo namang nasayo ang agimat ng kagwapuhan nun!

Ako: Adik! Agimat ng kagwapuhan talaga! Asan ang kagwapuhan?

Akel: Haha. Dami mo kaya nauuto nun! Aha. Kaya siguro nagtatago ka!

Ako: Nauuto talaga? Adik ka talaga…

Akel: Ano ba kase nangyari? Nag-away-away ba ang mga gf mo nun kaya ka bigla nagtago?! May communication ka pa ba sa mga yun? Andami mo kaseng babae!

Ako: Adik!

Akel: Wag ka nga dyan! Lokohin mo na lahat wag ako! Saksi ako sa pagiging babaero mo!

Ako: Babaero talaga? Wala bang lighter term?

Akel: Ano pa itatawag sa’yo? Babaero ka naman talaga!

Ako: Masyado ka namang harsh…

Akel: Haha. Sino-sino ba yun? Teka lang ha. Madami kang kasulatan nun. May first year hanggang fourth year. At may mga side dishes pa!

Ako: Sinusulatan ko lang…

Akel: Anong sinusulatan mo lang? Kinantahan mo pa tol! Tanda mo yung camping? Magdedicate ka ba naman ng kanta mo sa lahat ng naka-pink! At naka-pink ang mga babae mo! Akala mo safe move kase lahat sila naka-pink. Tapos dun ka nabistong madami sila. 😂Haha! Kulang ang gabi para magpaliwanag ka sa kanilang lahat!

Ako: Ikaw na ang historian ng lovestory ko…

Akel: Adik ka kase!

Akel: Ano? Nakakausap mo pa sila?!

Ako: Hindi ‘tol. Tahimik na siguro ang buhay nila…

Akel: Bakit manggugulo ka ba? ‘Di mo man lang kinamusta?

Ako: Si Rose Ann, nakita ko sa fb, OB na s’ya, parang nasa Leyte na ata naka-base. Si Carmina, zero. Walang bakas. Si Shirley, minsan naka-chat ko, may asawa na k’so wala pa daw sila anak. Si Maritess, zero din. Di ko maalala yung last name kaya di ko mahanap sa fb…

Akel: Grabe! Di mo matandaan yung last name? Sobrang dami na ba ng nasa listahan na ‘di mo na maalala!

Ako: ‘Di naman, tumatanda lang tayo kaya ganun…

Akel: Pumunta ka sa reunion! Naku ibebenta kita! Haha!

Ako: Adik!

Akel: Ano ka ba? Pati ibang batch andun, malay mo makita mo sila lahat!

Ako: Adik!

Akel: Tol, pumunta ka na! Di ko muna sasabihin sa kanila para surprise! Haha. Ibebenta talaga kita! Haha! Sino kaya magbabayad ng malaki para lang mabalatan ka ng buhay?!

Ako: Adik ka talaga!

Akel: Oo tol, panigurado may magbabayad para mabalatan ka ng buhay! Ichecheck ko nga, friend ko dito yun sa fb e!

Ako: Sino?

Akel: Excited lang?

Ako: Di ba pwede magtanong? adik!

Akel: Imemessage ko muna na natagpuan na kita!

Ako: Adik! Di talaga ako pupunta dyan sa reunion na  yan. Pagtitripan mo lang ako…

Akel: Basta pupunta ka, ako bahala sa’yo 😉 hanapin mo yung agimat mo! baka kailanganin mo! 😂

Ako: Adik!

______________________________________________

At napilitan nga akong pumunta sa reunion.

At ibinenta nga ako ni Akel.

At binalatan na nga ako ng buhay.

_______________________________________________

Thess: Talagang di mo natatandaan ang last name ko?

Ako: ✌

Thess: Di mo talaga ako natatandaan?

Ako: Sensya na, hindi talaga… ang tagal na rin kse… 20 years… sensya na talaga…

Thess: Ano ba ang nangyari? Bakit bigla ka na lang nawala? Lahat walang alam kung nasaan ka

Ako: Nasa tabi-tabi lang naman ako…

Thess: Ano ba nangyari? Sabi nila di ka makita ng nanay mo, di ka daw umuuwi

Ako: Matagal na yun… lagi naman ako eskapo sa bahay… di ka pa nasanay…

Thess: Ilang taon iniisip kong may kasalanan ako bakit nangyari yun. Iniiisip ko sana naging responsable ako sa’yo. Naguiguilty ako lagi na okay ako pero ikaw hindi

Ako: Ano ka ba? Matagal na yun… ska ang babata pa natin nun, di mo kailangang maging responsable sa mga nangyari sa buhay ko…

Thess: Hindi tayo ganun, we helped each other hanggang maka-graduate ako di ba, andun ka lagi from inquiring, pagkuha ng entrance exam, pagdecide ng course, ng school

Ako: Ano ka ba? Kahit sino naman gagawin yun para sa’yo…

Thess: Ano ba nangyari?

Ako: What always happens. Life.

______________________________________________

Ilang beses ko na palang nakasabay sa elevator si Thess. Ilang beses ko na s’yang nakita. Ilang beses nakatabi sa BGC bus.

And she was my boss.