Si Bughaw at si Pink Madness

Gusto ko nang matulog pero sadyang gising at buhay na buhay pa ang diwa ko. Inoff ko na ang phone ko para hindi na ako matukso. Pumikit na ako, nagdasal. Pero ‘yun, hyperactive pa din ang braincells ko. Kaya ‘eto, binuksan ko na ang laptop, at pinagbigyan na ang kamay kong kanina pa gustong-gustong magtype.

Sabi ko nga pala nung isang araw ay isusulat ko ang lovestory namin ng isang ‘di imaginary na tao sa buhay ko. Kaya siguro ‘di ako matahimik na hindi magtype.

Binabalaan ko na kayong medyo mahaba ang kwento na ‘to. Pero kung wala naman kayong magawa eh sige, basa lang. Pagpasensyahan n’yo na ang mga kacornyhan na kasama na sa bawat kwento ng pag-ibig ko. At oo, nasa WordPress pa rin kayo at wala sa Wattpad. Sadyang kasama lang sa araw-araw na buhay ko ang humukay ng matatandang kwento. Katulad nito. At nangyari ‘to 20 years ago.

June, 1998. Third year highschool ako nung napagpasyahan kong lumipat ng eskwelahan. Sabi ko kay Mama eh ilipat na n’ya ako, pangako magpapakabait na ako. Sinulat ko lang ‘yun sa isang pilas ng yellow paper. Hindi uso ang usap sa bahay namin kaya pati nanay ko ay sinusulatan ko lang kahit na araw-araw naman kaming magkasama sa bahay. Ewan ko kung ‘di ba talaga uso ang pag-uusap sa amin o ako lang talaga ang may problema. Pinagbigyan naman ako ng nanay ko. Alam din naman n’yang kahit ‘di s’ya pumayag eh ‘yung gusto ko pa rin ang susundin ko. At ‘yun nga, inilipat na n’ya ako ng eskwelahan.

Marami naman kaming transferee nun sa klase. Ang kaibahan ko nga lang sa ibang transferee na kasabayan ko ay hindi naman ako pinatapon ng eskwelahang pinanggalingan ko. Medyo bigatin ang pinanggalingan kong eskwelahan kaya sa unang araw pa lang ay naging talk-of-the-town na ako. And’yang nakataas na ang mga kilay ng mga top students sa section namin na para bang aagawan ko na sila ng pwesto. Ang mga teacher ay feeling close na sa akin dahil Alma Mater nila nung college ang pinanggalingan ko. Ang Principal at Commandant ng CAT ay kapitbahay ko na lalo pang nagpataas ng kilay ng mga tao.

As if namang mahalaga ‘yung mga bagay na ‘yun sa akin. Simple at tahimik na buhay lang ang hangad ko.

Hindi lang sa section namin may tumaas ang kilay sa akin, ewan ko ba, iniisip nilang ang bawat pagtatanong ko ay nangangahulugan ng kayabangan ko. Pero nagtatanong lang naman ako.

“Bakit wala tayong fire exit?”

“Bakit meron tayong flag retreat t’wing Biyernes?”

“Bakit walang dictionary sa library?”

“Bakit laging pansit bihon ang tinda sa canteen?”

At marami ko pang bakit.

Siguro nga, ‘di na ako dapat nagtatanong.

Hanggang dumating ang kampanya para sa Student Council. Syempre nagtatanong pa rin ako.

Paano n’yo masasabing magagampanan n’yo ang mga kailangan n’yong gawin sa Student Council eh Officer din kayo ng CAT, ‘yung academics n’yo pa? Mapagsasabay-sabay n’yo ba lahat ‘yun?

Time management lang naman ‘yan.

‘Yun ang sinagot n’ya sa tanong ko. Nakataas ang kilay n’ya habang sinasabi n’ya ang mga salitang ‘yun pero napangiti n’ya ako. S’ya lang k’se ang bukod tanging sumagot sa mga tanong ko ng hindi “ewan”.

At lumipas ang mga araw na lagi na lang sa twing magkakasalubong kami ay tataasan n’ya pa rin ako ng kilay. Hahaha, ang presko ko ba talaga? Nagtatanong lang naman ako.

Kaya nagulat na lang ako nung kinausap n’ya ako.

Program ‘yun ng Linggo ng Wika. Na-late ako. Wala na akong planong pumasok dahil naaksidente ako nung gabi bago ang araw na ‘yun. Pero no choice, kasali ang section namin sa competition at ‘di ako pwedeng ‘di pumunta. Dahil late ako ay kailangan kong tubusin ang ID ko sa office ng Student Council. At andun s’ya. Si Rhina. Inabot ang ID ko, ska sinabing “Sige wag mo nang bayaran, ‘di ko rin naman nilagay sa logbook. Nabalitaan ko naaksidente ka kagabi.” Ilang minuto akong nablangko. First time ‘yun na tumingin s’ya sa akin na ‘di nakataas ang kilay n’ya. First time ‘yun na nakita ko s’yang ngumiti sa akin. Wala akong nasabi kundi “thank you.”

At mula nung araw na ‘yun ay s’ya na ang pinakamagandang babae sa paningin ko.

Fourth year s’ya at third year ako, ‘di ko alam kung paanong magtatagpo ang landas namin para maging magkaibigan. Kaya naisipan kong sulatan s’ya. At ang pen name ko sa sulat ay: Bughaw. Ngayon alam n’yo na ang pinagmulan ni BughawBlueAsul. Nalaman naman n’ya agad na ako ‘yun. Pinagtanong n’ya ang penmanship. Pero kahit naman daw ‘di na n’ya ipagtanong ang penmanship ay naisip na n’yang ako ‘yun. Masyado daw k’seng mataba ang utak ng nagsulat.

Nagulat akong nakatanggap din ng sulat mula sa kanya. At ang pen name naman n’ya ay: Pink Madness. Hahahahahaha. Hindi pa uso ang text 20 years ago, kaya isipin n’yo na lang kung naka-ilang sulat kami sa bawat isa. Araw-araw ‘yun. Minsan may dalawa, tatlong sulat pa sa isang araw. At ‘di ko alam kung paanong ‘di kami naubusan ng isusulat sa bawat isa.

‘Di naging sikreto ang panliligaw ko sa kanya. Kahit na alam kong andaming naka-aligid sa kanya, sige pa rin ako. Pakiramdam ko nga n’un para lang akong kutong lupa kumpara sa ibang mga nanliligaw sa kanya pero sige lang, bahala na si Batman kung matatagpuan pa akong buhay kinabukasan.

Aabangan ko s’ya t’wing umaga. Ipagdadala ng mga libro. Ibibigay ang sulat ko. Sasabayan ko s’ya hanggang sakayan t’wing uwian. Dadalaw ako sa kanila t’wing Friday night. Magsisimba kami t’wing Linggo.

At isang araw, sinabi na n’yang “I love you too.”

Ewan ko pero kahit kami na, nililigawan ko pa rin s’ya. Nililigawan ko pa rin ang buong pamilya n’ya. One time, nagsetup kami ng kabanda ko sa kalsada sa tapat ng bahay nila. Kinuntsaba ko pa ang buong pamilya n’ya para lang s’ya masurpresa. Sabi ko k’se hindi pwedeng ‘di ko s’ya maharana, old school man, kailangan maharana ko s’ya. S’yempre ano pa nga ba ang kanta eh ‘di Parokya ni Edgar’s Harana. Malaki na ang mata n’ya pero lalo pang lumaki nung gabing ‘yun. Pagkatapos ng kanta ay yumakap s’ya sa akin at sa buong gabi ‘di na natapos ang mga salita n’yang puro mahal kita.

Naalala ko nung may disco sa school ay kinuntsaba ko pa ang DJ ng mobile para lang patugtugin ang mga favorite love song naming dalawa, makabawi man lang dahil hindi ko man lang s’ya naisayaw kahit isang beses sa buong gabi na ‘yun dahil nakaduty akong COCC na bantay sa gate, na alam ko namang sinadya ng Batallion Commander naming may gusto sa kanya. At bago kami umuwi nang gabing ‘yun ay binigay ko sa kanya ang singsing naming dalawa na pinasadya ko pang palagyan ng Pink Madness at Bughaw. At sinabi ko sa kanya na, ” ‘Di ko maipapangakong lagi akong nasa tabi mo, pero sana lagi mong iisiping andito lang ako.

At sabi ko, babawi pa rin ako sa utang na sayaw sa kanya.

Bumawi ako at sinamahan ko s’ya sa buong gabi ng JS Prom, at sa lumipas na 18 songs ay hawak ko ang kamay n’ya, isinayaw ko s’ya ng tumugtog na ang Got to Believe in Magic, King and Queen of Hearts at All My Life.

At ang 18 songs ng JS Prom ay ginawan ko ng mixtape at binigay sa kanya bilang graduation gift ng March.

Hindi ko na matandaan kung paanong natapos na lang ang lovestory namin. ‘Di naman kami nag-away. ‘Di na lang namin namalayan na wala ng sulat, wala ng pagkikita, wala nang pag-uusap… Walang breakup. Pero wala namang naghanap ng closure. Nag-moveon na lang kami ng kusa. Siguro dahil bata pa kami? Siguro dahil busy kami pareho? Siguro dahil mababaw pa ang pag-ibig namin?

‘Wag ko raw kwekwestyunin ang naging pagmamahalan namin. Dahil nung panahon na ‘yun alam naming mahal namin ang bawat isa. Bumuo na kami ng pangarap. Andami na naming plano. Hindi man daw naging kami sa finals, ‘wag ko daw iisipin na ‘di ako kamahal mahal na tao. Hindi man daw naging kami sa finals ay hindi ibig sabihin ay lagi na lang akong maiiwan.

Magmamahal ka pa din, sabi nya.

Di na siguro, durog na durog na ang puso ko, durog na durog na ako, sabi ko.

‘Di mo naman kailangang maging buo

dahil ang bawat piraso ng durog mong puso

nagmamahal pa rin ng buong-buo.

Author: bughawblueasul

Inhabitant ng Imaginary World... Sumakay ng Spaceship at kasalukuyang alien sa Planet Earth Inlove sa mga bagay na korni at may hugot...

13 thoughts on “Si Bughaw at si Pink Madness”

  1. Besh, yung Pink Madness eh pwede kong gawing character sa Voltes V. hahahahaha. Saka Besh, Disco pa ang ginamit mo, napaghalataan ang edad. hahahaha. natatawa ako habang binabasa ko pero Love wins! Babaero ka kasi. *true friend here* hahahaha

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: