(Not yet the Mt. Daguldol Story)
Kinwento ko na sa’yo kung paanong natulak ako ng nabasa kong maikling kwento na maging mountaineer noon. Gusto ko naman sana ikwento sa’yo kung bakit ako huminto at bakit after 13 years umakyat ako uli.
Ewan ko kung handa na ako ikwento.
Ewan ko din kung handa ka nang malaman.
Siguro nga mababaw ang unang naging dahilan ng pag-akyat ko ng bundok. Simpleng dahil nadala lang ako sa nabasa ko.
Pero habang pahirap na ng pahirap ang mga inaakyat ko, natutunan kong ang pag-akyat ay hindi lang simpleng pag-akyat. Hindi lang matatapos sa pag-abot ng summit. Hindi lang pagbaba ng buhay.
Laging may kwento sa pagitan ng pag-akyat, pagitan ng pagbaba at pagitan ng muling pag-akyat.
At oo, nagmahal ako.
At ‘yun na ‘ata ang pinakamahirap. Yung magmahal ka.
Napamahal ako sa sarap ng simoy ng hangin. Napamahal ako sa bukang liwayway. Napamahal ako sa takip-silim. Napamahal ako sa bawat taong nakilala ko. Sa bawat batang naturuan kong magsulat. Sa bawat lokal na naturuan kong mag-add at mag-subtract. Napamahal ako sa bawat taong nakasama ko sa hirap ng maputik na trail, nakasama ko sa mabagyong panahon, nakasama ko sa tag-gutom days.
Pero siguro ‘di naman talaga ‘yung magmahal ka ang pinakamahirap.
Siguro ang pinakamahirap ay ‘yung maiwanan ka.
‘Yung maiwanan ka na ‘di mo alam kung saan ka pupunta. Kung saan ka pupulutin. Kung saan ka magsisimula.
Sumama ako sa isang one month trek sa Isabela nung 2002. Masyado daw “dreamy” yung akyat namin na ‘yun. Mahirap daw ‘yung one month. ‘Yung five days nga daw eh gutuman na, ano pa ‘yung one month. From 15 unti-unti kaming nabawasan. May bumaba after three days dahil hinahanap na ng magulang at ipapasundo na s’ya sa pulis kung ‘di s’ya bababa. May bumaba after five days dahil ‘di na kinaya ang mga kagat ng lamok at niknik. May bumaba after ten days dahil paunti na ng paunti ang kinakain namin. May namatay on the fifteenth day. Okay pa s’ya ngayon, mga ilang minuto lang nanghina na s’ya, nagstart na s’ya magchill, the next minute naglock na ang ang jaw n’ya. ‘Di na namin namalayan, iniwan na n’ya kami. Hindi na s’ya nagsasalita. Hindi na s’ya dumidilat. wala na kaming maramdamang tibok ng puso. Wala na kaming mahanap na pulso. Unti-unting lumalamig ang katawan n’ya. Hawak ko pa din s’ya. Kung ilang Bathala na ang tinawag ko. Kung ilang santo na ang dinasalan ko.
Isipin mo na lang kung paano kami kokontak sa lugar na walang signal sa panahon ng 5110 sa panahong hindi uso ang unlicall at unlitext.
‘Di namin alam kung paano namin s’ya iuuwi ng Manila.
‘Di namin alam kung paano kami haharap sa magulang n’ya.
‘Di namin alam kung kami ba ay aabutan pa ng isa pang umaga.
After that, ‘di pa din ako huminto sa pag-akyat. Mas lalo pa ngang dumalas. Lahat ‘ata ng malaman kong medical mission ay sinamahan ko. Basta tungkol sa paglaban sa malaria, dahil ‘yun ang dahilan ng pagkawala ng kaibigan ko, sige pupuntahan ko. Kahit ang kapal na ng kalyo ko sa paa ko sa kakalakad. Kahit lumaki na ‘yung mga braso ko kakabuhat. Siguro nung mga panahon na ‘yun ‘yun na lang ang nakakapagpatahimik ng kalooban ko. Kung wala man ako nagawa kay Mithi nun, marami namang maliligtas na buhay ang ginagawa naming medical mission. Hanggang nagkamalaria na din ako pero sige tuloy pa din. Hanggang nabaril ang isa sa mga kasama ko sa kabilang baranggay dahil sa isang lasing na Cafgu. Nung una ang sabi nila ay napagkamalan ng mga army na npa ang mga nagmedical mission na mga kasama ko. Pero nung nagkaroon ng fact-finding mission ay nalaman nilang ang pamamaril ay dahil sa isang walang kwentang lasing na Cafgu.
Sa pangalawang beses sa buhay ko ‘di ko alam kung paano kami uuwi sa Manila.
‘Di namin alam kung paano kami haharap sa magulang n’ya.
At ‘di namin alam kung aabutan pa ba kami ng umaga.
Mula nun hanggang Sagada na lang ang kaya kong puntahan. ‘Di na ako umakyat uli ng bundok. At sa mga ulap ng Kiltepan ko na lang lagi tinatanong, kung okay lang ba sila, kung ‘di ba sila galit sa akin, sorry k’se ‘di ko na kayang umakyat uli, sorry k’se ang hina ko na, sorry k’se ‘di ko na kaya. Alam kong gusto nilang maging matatag ako, katulad ng kung paano nila pinatatag ang loob ko ng ilang taon, pero ‘di ko na kaya.
At nagbago ang takbo ng mundo ko sa paghinto ko ng pag-akyat ng bundok.
Na ‘di ko naisip na babalikan ko uli.
Hanggang nagsimula nanaman akong magbasa ng tungkol sa mga pag-akyat. At naisipan kong siguro oras na para harapin ko ‘yung mga kinakatakutan ko. Binasa ko pa ng ilang beses ang blog mo about sa Maculot at kung anu-ano pang bundok. ‘Di ko alam kung kaya ko pa pero sige bahala na. Na akala ko ‘di pa matutuloy dahil kay bagyong Salome. ‘Di ko alam kung may galit sa akin ang panahon. O siguro dahil nararamdaman ng bundok na nagtatalo ang kalooban ko sa pag-akyat ko. Binabaha ng emosyon ang bawat kalamnan ko, kasabay ng malakas na buhos na ulan sa maputik at matarik na daan. Pitong oras akong nakababad sa ulan. Pero ewan ko kahit naka-shorts ako nun ‘di ko naramdaman na gininaw ako. Siguro sa dami ng iniisip ko. Sa dami ng naalala ko. Sa dami ng kinakausap ko sa isip ko. At pagdating ko sa summit ang nasabi ko na lang “Bathala, Ikaw na po ang bahala…”.
—————————————————
Akala ko nga ‘di ko na susundan pa.
Hanggang natagpuan ko na lang ang sarili kong umaakyat ng Mt. Daguldol.
This time, maaliwalas na ang panahon. Katulad din siguro ng lagay ng puso ko.
—————————————————
Sa paglabas ko sa Imaginary World, kasabay ng pagharap ko sa takot ko sa pag-akyat ng bundok ay ang pagharap ko sa takot sa mga taong alam kong temporary lang.
Malaki ang takot kong maiwanan.
Pero siguro wala na akong magagawa kundi magtiwalang they’re worth the risk.
Oo, you are worth the risk.
for real yung mga nawala talaga namatay? nakakaiyak nmn nito.. nakakaiyak at nakaka-inspire yung katatagan mo…
LikeLike
Oo, nang-iwan sila na wala nang balikan… 😞
LikeLike
nkaka.trauma tlga yan… masukal pala tlga at mataas yung inakyat nyo kc abot ng isang buwan.. grabe pala
LikeLike
Sobrang deadly kse ng malaria nung panahon na yun… At deadly din ang mga pasaway na cafgu…
LikeLike
buti rin po naharap mo rin yung trauma mo at nkaakyat uli ng bundok… 👍
LikeLike
After 13 years! Iba lang siguro yung may nagtutulak na lumabas sa comfort zone at harapin ang mga kinakatakutan… At matatag na support group!
LikeLike
Grabe besh. Hindi ko alam na may ganitong mga pangyayari sa buhay mo. Mixed emotions ako. Parang ayoko nang sumama sayo sa susunod. HAHAHAHAHAHH. Kidding aside, bakit temporary??? I demand an explanation. I deserve an acceptable reason. 😂
LikeLiked by 2 people
Wala naman talagang permanent di ba?
LikeLiked by 1 person
K
LikeLiked by 1 person
K lang talaga hahahahahahahha
LikeLike