256 of 365

ang aking imaginary girlfriend sulat para kay elsie

Nakakatawang minessage ko ang ex ko para lang itanong kung buhay pa ba ang mga gamit kong naiwan sa kanya. Ilang taon din akong ‘di nagpaparamdam sa kanya, tapos ayun, sobrang kapal ng mukha ko ‘no? ‘Di pa naman nya nababasa. Ewan ko, malamang ‘di n’ya babasahin ‘yun. O kung basahin man n’ya at kung magrereply man s’ya, panigurado sasabihin n’yang wala na, tinapon na n’ya o kaya sinunog na n’ya. What to expect eh sobrang g*go kong karelasyon sa kanya.

Pero dahil may gusto akong makuhang bagay, kinapalan ko ang mukha ko at nagbakasakali.

Para sa asul na Blue Soda na wallet.

Ilang taon ko ding kasama ‘yung wallet na ‘yun. Andami na naming napuntahan. Agimat na nga ang tawag ko sa kanya nung nasa Isabela ako. Makalimutan ko na lahat, ‘wag lang s’ya. Pinagkabalot-balot ko pa sa balot ng Bear Brand, para siguradong ‘di mababasa ‘pag umulan. Kasama ko s’ya sa pabalik-balik na pag-akyat ko ng Baguio at Sagada. Kasama ko din s’yang tumira sa Dumaguete. Kasama ko s’ya sa ilang beses kong pagshishift ng course.

Ewan ko ba bakit ‘di ko na sinama ang wallet na ‘yun pagpunta ng Dubai. Iniwan ko s’ya at ‘di ko na nabalikan. Tapos ngayon, nagbabakasakali akong makukuha ko pa s’ya sa pinag-iwanan ko. Samantalang alam ko naman, kung may susunugin o itatapon ‘yung ex ko, paniguradong unang-una ‘yun sa listahan. Alam n’yang sobrang importante sa akin n’un. Pinag-awayan pa namin minsan. Binigyan n’ya daw k’se ako ng bagong wallet, pero ‘yun pa din ang ginagamit ko. Parang s’ya lang daw, and’yan naman s’ya, pero ikaw pa rin ang gusto ko.

Mukhang ‘di ko na matatagpuan uli ang wallet na ‘yun. Mukhang hanggang isip ko na lang ang presensya n’ya.

Parang ikaw.

Hahahaha. History nanaman. Pasensya ka na, ilalagay ko na dito ang lahat ng kaya kong tandaan bago pa burahin ng pagtanda. Ang dami ko nang ‘di maalala. Kahit anong pilit ko. Hinanap ko ang mga classmate natin sa FB. Pilit kong inaalala yung mga katabi natin sa klase. Nasa dulo tayong row. Lagi kita tinatanaw dahil mga ilang classmate din ang pagitan natin. Ni hindi ko man lang matandaan ang last name nila Lorena at Emerson. Yung kay Mary Jane at Heiress lang ang naaalala ko. Wala akong matandaan sa mga pangalan ng mga lagi mong kasama. Si Jesepe lang. Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung sino si Chuckie, yun yung laging tawag sa akin ng mga kasama mo lagi dati plus yung barkada n’yong Psych ata ang course. Iniiisip ko kung sa klase natin sa Algebra kay Sir Aganan una kitang tinitigan. Habang nagsasagot ka sa board. O sa klase natin sa Filipino kay Mam Lachica. O sa klase natin sa PolSci kay Sir Monares. O sa English class habang nagyoyosi si Mam Uy. O baka dahil lagi tayong may vacant ng matagal dahil laging wala ang prof natin sa History. O natamaan mo ng dart ang puso ko sa PE class natin. Epic fail kse talaga ako lagi pag PE.

Tatlong beses tayong nag-sine pero ‘di ko maalala ‘yung isa. Tatlo nga lang ba? Coyote Ugly, Kailangan Ko’y Ikaw (kasama ang barkada), ‘yung isa ‘di ko maalala, kahit ano’ng pilit ko. Ikaw lang ang naaalala ko sa araw na ‘yun at ang bagong orange t-shirt ko at ang Bench 8 kong pabango. Mukhang hindi ko ‘ata inintindi ‘yung pelikula na ‘yun. Yung pagpapacute ko lang sa’yo ang naaalala ko.

History talaga…

At makakalimutan ko ba ang wallet na hiningi ko sa’yo?

Ang asul na Blue Soda na wallet.

Nakita ko lang, dahil kulay asul, hiningi ko na sa’yo.

12 years din kaming nagkasama n’un.

Magtataka ka pa ba kung paanong all those years naiisip pa din kita?

Kaso mukhang ‘di ko na matatagpuan uli ang wallet na ‘yun. Mukhang hanggang isip ko na lang ang presensya n’ya.

Parang ikaw.

 

 

Author: bughawblueasul

Inhabitant ng Imaginary World... Sumakay ng Spaceship at kasalukuyang alien sa Planet Earth Inlove sa mga bagay na korni at may hugot...

13 thoughts on “256 of 365”

  1. Kuya, tunog Bob Ong ka 😂 speaking of him, nagmessage din ako dati sa ex ko kasi gusto ko kunin yung Kapitan Sino ko na libro kaso wala hindi ko na nakuha. Magpaalam ka na din sa wallet mo. Hahaha! Kelangan magmove on! 😂

    Liked by 4 people

    1. Tunog Bob Ong ba? Siguro dahil madalas ko basahin dati mga libro nya.. Pero Eli Rueda Guieb III ang favorite ko, pang-Palanca Award lang na kwentuhan 😊… Next week na ako magmomove on, wag muna ngayon o hanggang sa makalawa… 😂

      Liked by 2 people

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: