Pinilahan ‘to dito sa Pinas at nagtrending ang Two Less Lonely People ni KZ Tandingan pero ‘di ko alam kung magiging sapat na yun para maging interesado ka sa pelikulang ‘to.
Natuwa talaga ako dito, unang kita ko palang sa trailer dati. Hahahaha, para lang kseng fairy tale ng isang panget na tulad ko. Dagdag pang crush ko si Alessandra.
Wag ka nang magtakang bentang-benta ang mga romcom sa akin. Kahit sabihin man nilang paulit-ulit lang ang kwento, malaking bagay nang nakakarelate yung pelikula sa nararamdaman ko. Hahahaha talagang yung pelikula ang nakakarelate sa akin. Kahit paano alam kong may nakakadama din ng mga nararamdaman ko. Kahit pa imaginary lang sila.
Kung iisipin malayo ang love story natin sa love story nila Tonyo at Lea. Story lang ang meron tayo, ako lang ang may love sa’yo. Pero naiintindihan ko ang pinaghuhugutan ni Tonyo, kung paanong sa simpleng pagtanaw ng utang na loob ay nagsimula ang pag-ibig. Katulad ka ni Lea, ‘di mo alam na napakalaking bagay ng nagawa ng mga repolyong binigay mo sa akin dati. Siguro para sa’yo, maliit na bagay. Pero sana ngayon malaman mong nagpasaya ang mga repolyong ‘yun.
Nakakatuwang nagkaroon ng pagkakataon si Tonyo na magawa ang mga bagay na yun para kay Lea. Pero siguro mas tamang sabihing, nakakatuwang gumawa sya ng mga pagkakataon para magawa ang mga bagay na yun para kay Lea. Ikaw na Tonyo ang pinagpala ng lakas ng loob at tibay ng dibdib. Literal, at hindi, malaki talaga ang puso mo.
Maraming linya si Tonyo na gusto kong sabihin sa’yo. Pero hahayaan ko na lang na si Tonyo na ang magsabi sa’yo.
Madami silang ginawa na pinataas ang inggit factor sa katawan ko, na pinangarap kong kahit isa man lang magawa natin. Pero yun nga, iisipin ko na lang na may mga bagay na sa pelikula lang talaga nangyayari. Huwag ko na ipilit.
Two Less Lonely People. Bakit ganyan si KZ? Pagalitan mo nga. Ansakit eh, ansakit-sakit.
Okay na ako kahit one less lonely person lang.
Lagi ko naman linya sa’yo… Ang gusto ko lang maging masaya ka.