Kumusta?
Gusto sana kita kausapin pero ‘di ko alam kung paano magsisimula. Gusto ko sanang malaman kung kumusta ka, kumusta ang mga araw mo, kung kumakain ka ba mabuti, kumusta ang trabaho, kumusta ang pamilya mo, pero ‘di ko alam kung saan ako huhugot ng lakas ng loob para mag-send ng message sa’yo. Ewan ko ba kung bakit napakahirap paliparin ng simpleng kumusta. Ewan ko ba kung bakit napakahirap iparamdam sa’yo na andito ako para sa’yo.
Mag-iisang taon na ‘tong mga sulat ko sa’yo. Na ‘di ko alam kung alam mo bang nag-eexist. Na ‘di ko alam kung nabasa mo na ba o napagtyagaan mo na bang basahin. Ewan ko ba kung bakit mas madali na kausapin ka dito. Siguro k’se dito wala namang reaksyon. Walang mahabang pag-iintay ng reply. ‘Di na kailangan ng pasakalye para sa gusto kong ikwento sa’yo. ‘Di ko na kailangan makiramdam sa mood ng araw kung okay ba na magkwento ako o magdrama. Dito pwede kahit anong kwento, luma man, bago o in future tense. Pwede isulat kahit kopya ng conversation ko sa barkada ko sa messenger, pwede pati sulat nila pati comment sa fb. Dito ‘di ko kailangan magpaka-cool, basta kung ano ang pumasok sa utak ko… basta kung ano ang laman ng puso ko.
‘Di ko alam kung matatandaan ko pa ang mga bagay na gusto kong ikwento sa’yo sa panahong magkaroon na ako ng pagkakataon na makasama ka at makwentuhan ka. ‘Di ko alam kung magkakaroon ba ng pagkakataon na ganun. Kaya siguro sulat na lang ako ng sulat sa’yo. Para kahit dito man lang maikwento ko sa’yo. Kung paglipas ng panahon wala ka magawa, pagtyagaan mo na lang na basahin ‘to. Medyo madrama lang at puro emo mode. Pero sa kwentong ‘to ikaw ang bida. Ikaw ang hinihintay. Ikaw ang minamahal.
Wag ka mag-alala. ‘Di naman na ako ‘yung tulad ng dati na sobrang kulit. Na mag-aabang sa’yo ng magdamag makita ka lang. Mabait naman na akong kausap ‘di ba? Tanggap ko naman na ‘di mo ako mahal. Na ‘di mo ako kayang mahalin. Kaya nga siguro ‘di ko kayang magpakita sa’yo, alam ko k’se pag nakita na kita magigising na ako sa katotohanang dine-delay ko lang ang realization sa matagal na panahon. Pag sinabi mo na k’se ng harapan. Pag naramdaman ko na in that very moment. Alam ko automatic mawawala na ‘to. Bigla na lang ‘di na kita mahal.
______________________________________________________________________________
Kaso ayoko pang mawala ‘tong pakiramdam na ‘to. Masakit sa puso… pero gusto pa kita mahalin.