Sa mga panahong ganito, ikaw ang naiisip ko.
(Hahaha, meron pa akong nalalamang palinyang “sa mga panahong ganito”, lagi namang ikaw ang naiisip ko…)
Sa kalikutan ng pamangkin ko, ayun, naapakan nya ang daliri ko sa paa. ‘Di ko alam kung may bali ba o naipitan lang ng ugat, basta ang alam ko: sobrang masakit. Nakakahiya mang sabihin, iniyakan ko ng matindi ang sakit. Napakababa ata ng pain tolerance ko, o sadya lang talagang tagos sa kaloob-looban ang sakit.
Akala ko manhid na ako sa bagay-bagay. Pero tao pa rin pala akong nakakadama ng sakit. Akala ko si Superman na ako. Sabagay kahit naman si Superman, manghihina sa Kryptonite.
Sadyang walang invincible na nilalang sa mundo. Pinipilit magpaka-invincible siguro meron. Pinipilit magpaka-manhid. O sadyang mataas lang ang fighting spirit. Ako? Sadyang iniisip ko lang na meron pa akong natitirang lifeline kaya meron akong mga panahong iniisip kong si Superman ako.
Iniisip ko nga kung ilan pa ang natitira kong lifeline at ilan na ba ang nagamit ko.
Buhay pa naman ako pagkatapos kong gumulong-gulong kasama ng tricycle na nawalan ng balanse dahil sa pasaway na driver na napakabilis magpaandar sa gitna ng napakalakas na ulan. Nagalusan lang ako nun kahit na ilang kanto ang narating ng paggulong namin ng tricycle.
Buhay pa din ako kahit nilaklak ko na ang baygon bago ang graduation nung highschool. Swerte lang daw talagang buhay pa ako sabi ng doktor. Sabi ng mama ko iniisip nyang mamamatay na ako, kinakausap ko daw k’se si Lolo, na 10 years nang patay that time. Ewan ko nga kung epekto lang ng baygon o yun yung tinanawag na near-death experience. Wala nang gustong makipag-inuman sa akin after nun.
Buhay pa din ako matapos ang ilang episodes ng malaria at malaria-thypoid combo. Kumpleto ako sa enumeration ng lahat ng klase ng malaria. At madalas pa napapalaban habang may sakit ako. Yung tipong doble ang paningin ko dahil high pa ako sa gamot pero kailangan ng bumangon at maglakad. May panahon pang naghihina ang tuhod ko na takure lang ang kinaya kong bitbitin. Pero merong mga tagpong sobrang nagpapasalamat kami na may malaria ako, dahil ang bagal naming maglakad, kung hindi, sapul na sapol kami ng nagbabagsakang bala ng howitzer.
Buhay pa din ako matapos kong ma-holdup sa Bagong Silang. May 38 na nakatutok sa harap, may icepick na nakatusok sa leeg.
Buhay pa din ako matapos kong maholdup sa Nitang. Nabukulan ako nun. Matapos ang isang linggo ska ko lang nakitang may butas ang sumbrero kong suot nung naholdup ako. Maitim yung paligid nung butas, parang gunpowder burn, siguro binaril ako sa ulo nung hinoldup ako, sadyang matigas lang ulo ko, nabukulan lang ako.
Buhay pa din naman ako after ng byahe sa Cebu Pacific mula Dubai pa-Manila. Haha.
Buhay pa din ako. Kahit wala ka.
I once considered my endless life a reward but in the end, it’s a punishment.
But if I have you, you’ll be by my side – I wouldn’t mind living forever.
Linya ni Gong Yoo sa Goblin.
________________________________________________________________________________
Okay naman ako sa buhay ko kahit wala ka sa tabi ko…
nasa puso naman kita.
(Top 1 talaga ako sa kacornikan)
________________________________________________________________________________
‘Di ko pinangarap na maging invincible o maging si Superman. Okay lang na masaktan at umiyak paminsan-minsan. Okay lang kahit nagamit ko na agad yung mga lifelines ko sa early stages pa lang. Meeting you was the reward of my life. I’ll live my life loving you.
__________________________________________________________________________________
Nang dahil lang sa masakit na daliri, mukhang maisusulat ko na ang final words ko sa mundong ibabaw.