120 of 365

Iniisip kita.

Laging iniisip kita.

Kung pwede lang sabihing sa’yong laging iniisip kita…

may magbabago ba?

 

Sadyang ‘di sapat na iniisip at minamahal kita.

Sadyang meron lang ata talagang iba.

Sadyang ‘di mo lang talaga ako mahal.

Sadyang ‘di mo lang talaga ako kayang mahalin.

Nag-iintay man ako sa’yo,

iba naman ang iniintay mo.

 

Iniisip kita.

Laging iniisip kita.

Iba man ang iniisip mo.

Iniisip kita.

_________________________________________________________________________________

16th year ng pag-iintay ko sa’yo sa Circle.

‘Di kita naintay noon.

Ngayon ‘di na ko maiinip, basta maghihintay lang ako.

Advertisements

113 of 365

Malapit na ang birthday ni Ate mo. Ibati mo naman ako ng Maligayang Masayang Happy Birthday sa kanya. Seryoso yun a. Para maiba naman, lagi na lang na s’ya ang taga-relay ng Happy  Birthday greetings ko sa’yo. Marami na akong utang kay Ate mo. Kung ‘di dahil kay Ate mo, sobrang pahirapan pa din ang paghagilap sa’yo.

Alam ko naman nagtataka ka paano ko nakilala si Ate mo, ‘di mo naman s’ya pinakilala sa akin dati. Nakita ko s’yang una sa Friendster nung mga panahon na hinahanap kita. 2006. Pareho kayo ng Middle Name at Last Name kaya inisip ko nang ate mo s’ya, s’ka medyo may similarities naman sa face. Tapos naalala ko nakwento mo yung Ate mo na Psych ang course, e nakalagay na nagtake s’ya ng Psychology sa PLM kaya yun. Sobrang bait lang ng Ate mo na inaccept nya nung inadd ko sya at nagrereply naman s’ya ‘pag kinakamusta kita. Ang ancient history na Friendster. Bow.

At nung nauso ang Facebook, I made it sure na friend ko pa rin s’ya. Maraming salamat sa Bathala na biniyaan ka ng napakabait at napakamaunawain na Ate at inaccept n’ya pa din ang friend request ko sa Fb. Ilang beses ba na sa Ate mo dumadaan ang kumusta at birthday bati ko para sa’yo. Pati number ko kay Ate mo pa dumaan para lang kontakin mo ko. ‘Di ba sobrang dami ko nang utang kay Ate mo?

Kaya wag ka nang magtaka kung paano ko s’ya nakilala nung nakita ko s’ya sa Dubai Mall nung June 12, 2013. Haha. Epic yung tagpo e. Naglagpasan na kami, alam ko s’ya yun kaya lumingon ako uli, at lumingon din s’ya nun. Rosemarie? Ely? Haha. Pang-pelikula di ba? Pero yun, hanggang dun na lang yun.  Iniisip ko nga what if kinausap ko pa ng matagal si Ate mo nun? What if ‘di lang twing April, September at Pasko ko s’ya kinakamusta? Malalaman ko kayang dadating ka sa Dubai at mapaghahandaan ko na bang magpakita sa’yo? Haha, walang katapusan pa ring what ifs ni Ely.

____________________________________________________________________________

Ginawa nang imposible ni Tadhana at ng takot ko sa’yo na matikman ko pa ang sinigang ni Ate mo na naging topic natin at nagpahaba kahit paano ng conversation nating puro kumusta. 🙁

 

 

 

109 of 365

It is raining tonight

and my heart is falling down

like a raindrop

longing for the ground.

 

It is raining tonight

and I never realized

that this naive heart

will long for you.

_____________________________________________________________________

Umuulan. Naalala kita. Naalala ko din ‘tong tulang ‘to. Sinulat ko ‘to years ago… k’so ‘di naman nakarating sa dapat puntahan. Sana ngayon makarating na.

Mahal kita.

 

108 of 365

10:59am Jun 15 2011

Maglilimang taon na kaming magkarelasyon ni Ehms.

Pero wala nga siguro sa tagal ng pinagsamahan nyo ung assurance na kayo na forever.

Masakit nanaman ang puso ko at sa’yo ko nanaman sinasabi.

Bakit ba di mo ko kayang mahalin? Baka kse yun din ang dahilan bakit ako laging iniiwan. Baka masyado lang akong nagbubulagbulagan, pero nasa akin naman talaga ang problema.

Sensya na sa istorbo. Naisip ko lang baka alam mo yung sagot.

Lahat kse walang sagot.

Ayoko nang manghula.

__________________________________________________________________

12:21pm Jun 15

Sensya na. para lang kseng sasabog na ko. di ko alam kung saan nanaman ako pupulutin…ewan ko.bahala na.

__________________________________________________________________

4:24am Jun 17

Ano ba nangyari?

Ganun talaga may mga bagay na hindi maiiwasan mangyari. Hindi kita kayang mahalin kase kaibigan lang talaga ang turing ko sayo at meron na kase akong mahal. Hindi man kita kayang mahalin handa pa den akong makinig kung meron kang mga problema.

Sabi nga nang isa sa aking kaibigan na wag mong hanapin ang kaligayahan mo sa ibang tao. Rather find your happines within yourself. Know your strength at ang mga bagay kung saan ka nageeexcel at pagbutihin mo eto at di mo namamalayan na nageenjoy ka na at hindi mo kailangan pang hanapin sa iba.

Always pray and everything will be okay.

__________________________________________________________________

8:42am Jun 18

parang di ko na ata kaya…

__________________________________________________________________

06/19/11 at 10:58 AM

kaya mo yan..

__________________________________________________________________

Umabot pa kami ng almost 7 years ni Ehms. Pero ‘di na din talaga nag-work.  Siguro dahil magkaibigan naman kami kaya ‘di namin nagawang tapusin ang relasyon namin nung una pa lang na nagkaproblema. Wala na lang sya siguro magawa k’se  kahit naman maloko akong karelasyon, mabuting kaibigan naman ako, ipagtatanggol ko s’ya kahit kanino. Naalala ko pa nung siya pa yung nagprepare ng isusuot ko nung first time tayong magkikita after ng sobrang habang panahon. Alam nya yung istorya ng pag-ibig ko sa’yo. Alam n’ya din ang mga dark moments ko  after ng pagkikita nating yun. Siguro naging kampante na lang din akong lagi s’yang nandyan para sa akin at ako lang din naman ang nand’yan para sa kanya. Pero nung dumating na ‘yung mga panahon na meron nang ibang mga taong andyan para sa kanya, at ako naman ang wala sa tabi n’ya, narealize naming malabo na. Pilit man naming ginagawang okay, ‘di na talaga okay. Andun yung mga expectations pero wala nang effort.

Kami pa nung nag-Dubai ako. Nung una okay pa, gigising pa ako ng maaga para maka-chat s’ya. Sabi ko pa, magpakabit na s’ya ng internet. Wag na daw. Sabi ko mag-skype kami. Sabi nya wag na daw, mamimiss nya lang ako. Bago ako mag-isang buwan, naospital na yung kapatid ko, sabi ko sa kanya, dalawin nya, pero yun, hanggang namatay yung kapatid ko, ‘di sila nagkita. Masama ang loob ko nun. Pamilya na rin kase ang turing sa kanya sa amin. Tapos ganun. ‘Di ko na s’ya madalas minemessage hanggang totally ‘di ko na sya minessage. Binlock ko na s’ya sa FB. Naghanap na ako ng ibang karelasyon. At kinalimutan ko na s’ya. Wala nang pagdadramang tulad nang mga sinulat ko sa’yo noon.

Pinuntahan ko naman s’ya nung nagbakasyon ako ng 2015. Para ngang nakakita ng multo yung mga kasama nya sa trabaho nung nakita ako. Sabi pa ng tita nya wag ko daw aawayin pag nakita ko.

Meron na syang karelasyon nung pinuntahan ko s’ya. Alam din n’yang may iba na din akong karelasyon at kinamusta n’ya pa nga. ‘Di kami nag-usap ng tungkol sa aming dalawa. Alam na siguro namin sa isa’t isa na wala nang dapat pag-usapan pa. Matagal naman na talagang tapos, pinipilit lang namin i-extend pero wala na talaga.

Natatawa na lang ako sa sarili ko nung makita ko uli ‘tong message ko na ‘to sa’yo. Kinonnect ko pa talaga sa’yo . Adik ko talaga. Bakit nga ba pinipilit kong iconnect lahat ng failed relationships ko sa’yo. Hahaha. Bakit ba ‘di ko na lang tanggapin sa sarili ko na ‘di lang talaga nag-work out. Period. Wala nang baka kse ikaw yung mahal ko kaya di nagwowork out sa iba. At kung sa sarili ko alam kong ikaw lang talaga ang mahal ko, wag na akong mag-aral na magmahal ng iba na kaya ko namang iwanan pag dumating ka.

‘Di ko alam kung bakit mas nasasaktan ako samantalang wala namang naging tayo.

 

 

 

105 of 365

Kumusta? Kumusta ang pag-aaral ng russian? Ako, napagdesisyunan kong korean na lang ang pag-aralan para ‘di na kailangan ng subtitle pag nanonood ng Kdrama. Ska medyo familiar na ako sa mga words pati yung way ng pagdeliver dahil nga adik ako sa koreanovela. Kumusta naman ang pagbabasa? Ako, dalawang taon na yung mga libro ko dito sa laptop, dalawa pa lang ang natapos ko, yung Me Before You at After You. Umaasa pa din akong makapagbasa ng tunay na libro sa library mo. 🇵🇭🛫🛬🇦🇪

Wala pa din progress sa Youtube channel. Sadyang madami talaga akong excuses sa bagay na ‘to… 😅 Drained na ng mga projects ang utak. Kaya nga one time I tried na magdrawing uli gamit ang ballpen para maiba naman at malayo kay laptop.

angakingimaginarygirlfriend sulat para kay elsie goblin gong yoo grim reaper lee dong wook titus ballpen

May bakas pa din ng Kdrama ang drawing. So far, eto ang pinaka-paborito kong Kdrama, kaya kung wala ka na talagang magawa at wala ka nang mapanood, panoodin mo yung Goblin. Kahit si Anne Curtis na-inlove sa Kdrama na ‘to kaya ‘di naman siguro ako mapapahiya sa pagrecommend sa’yo nito. Kung subtitle ang problema, remember Louisa Clark? Sa una lang yung feeling na nakakatamad magbasa ng subtitle, masasanay ka din.😉

Inumpisahan ko na din aralin ang violin. Wala talaga sa plano ang pag-aaral ng violin. Ayokong pag-aralan dati pa dahil alam kong mahirap. May nag-regalo lang sa kapatid ko kaya napilitan akong aralin  para daw maturo ko sa kanya. Nag-iipon nanaman ako ng bagong kalyo sa kamay.😟 Inaaral ko din ang chibi at kawaii. Kailangan ipanahon ang mga characters at napagiiwanan na ako.😟

Busy-busyhan para di na lang mamalayan ang oras. Para mabawasan yung pag-iisip ko sa’yo. Pero sadyang sa lahat ng gagawin ko, ikaw ang naaalala ko.

 

 

 

101 of 365

Pare ano ‘to? Bakit may ganito?

Lumabas ka nga ng kumbento mo at babatukan kita. Hinahanap ka na ng buong tropa. Tapusin mo na daw ang mga araw mo ng pagdadrama at magbalik loob ka na sa pagiging babaero mo. O babaero. Babaero ka namang talaga. Tama na ang drama, di bagay sayo. Di ka loser. Ano ba yung loser na sinasabi mo? Kung loser ka, ano pa ang tawag sa amin? Nakalimutan mo na ba na nasayo ang agimat? Nasaan na ba ang agimat, pinasa mo na ba sa iba?

Balik torpe days ka ba? Ipapaalala ko lang sayo, early childhood pa yun, dumaan ka na sa torpe days at natapos ka na dun. Bakit binabalikan mo pa? Alam mong di bagay sayo. At alam mong di ka naman talaga torpe. Batukan ka pa naming lahat pag sinabi mong torpe ka. Yung torpe pare walang ginagawa, di makapagsalita, walang the moves pare, alam mo yung the moves, marami ka nun, wag kang ano dyan!

Di mo alam kung ano ang sasabihin? Di mo alam kung anong gagawin? Naubusan na ba? Di ka naman kase nanliligaw. Ancient history na yung mga niligawan mo. Di ka na naniniwala dun. Bakit iniisip mong manligaw ngayon? At nagpapaalam ka pa? Kailan pa nagkaron ng ganun? Di uso sayo yun. Di uso ang usapan sayo. Di uso ang pagdadrama pare di ba? Ikakanta, iiinom, tapos. Ganun lang. Tapos na yung madramang moments. Yung pag-ibig di yan iniiyakan. kung dadating, dadating. Kung aalis, aalis. Lahat may expiration date, ikaw pa nagsabi nyan. Wala tayong panahon sa mga drama. Wala tayong panahon sa mga taong walang panahon sa atin. Di tayo nagmamahal ng mga taong di tayo mahal at di tayo kayang mahalin. Ano ba nangyari sayo? Kelan ka pa nagkaroon ng insecurity issues? Ikaw ang pinakamahangin sa atin. Okay lang sa amin ang hangin dahil alam naman naming kaya mong panindigan ang hangin mo. Ano ba ang di mo kayang ibigay? Rephrase pala natin, ano ba ang di mo kakayaning ibigay? Di ka gwapo? Kelan naging issue ang kagwapuhan? Pare, sa mga tulad natin, di uso ang di gwapo, alam mo yan, gwapo basta magaling mag-gitara! Motto natin yan di ba. Gwapo tayo. Ikaw nga ang pinaka-gwapo sa atin kase karpintero ka pa, tubero, electrician, technician, dagdagan pa na gwapo ang handwriting mo, ano pa. Family issues? Pare nagpabugbog ka sa nanay ng isa mong ex, nag-masswork ka sa pamilya ng isa mo pang ex sa probinsya, alam mong sa una lang ang di pagtanggap sayo ng pamilya dahil alam mong gagawin mo lahat maging okay ka lang sa pamilya ng mahal mo. You’re afraid of losing your bestfriend? Pare batukan kita one-time-big-time, di mo sya bestfriend, di ka nya bestfriend. Wala na nga kayong alam sa bawat isa!

Pare bumalik ka na dun sa panahong di mo na ineexpect na dadating pa sya sa buhay mo. Isipin mo na lang uli na may partner na sya sa buhay at masaya na sya. Pare cool ka nung mga panahon na yun. Okay na sa amin yung babaero ka pare. At okay na din yung mottong “Be with someone who absolutely adores you”. Okay naman tayo sa mga taong gwapo tayo sa paningin nila. Pare wag kang maging hard sa sarili mo. Pag ayaw, ayaw. Wala na tayong magagawa dun.

Alam naming mauunahan pang gumaling ng bali mong daliri yang sugatan mong puso. Pero tandaan mo: gagaling din yan. Aakyat pa tayo ng Apo.

________________________________________________________________________________________

Sulat ng isang barkada kasama ang bagong ukulele nang mabalitaang na-ospital ako at kumalat sa group chat na destructive mode nanaman daw ako. Nilinaw ko nang di ako destructive mode. At dalawang oras lang ang tinagal ko sa ospital. Wag silang OA. Pero dahil may bagong ukulele pinapatawad ko na sila sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

 

 

93 of 365

Sa mga panahong ganito, ikaw ang naiisip ko.

(Hahaha, meron pa akong nalalamang palinyang “sa mga panahong ganito”, lagi namang ikaw ang naiisip ko…)

Sa kalikutan ng pamangkin ko, ayun, naapakan nya ang daliri ko sa paa. ‘Di ko alam kung may bali ba o naipitan lang ng ugat, basta ang alam ko: sobrang masakit. Nakakahiya mang sabihin, iniyakan ko ng matindi ang sakit. Napakababa ata ng pain tolerance ko, o sadya lang talagang tagos sa kaloob-looban ang sakit.

Akala ko manhid na ako sa bagay-bagay. Pero tao pa rin pala akong nakakadama ng sakit. Akala ko si Superman na ako. Sabagay kahit naman si Superman, manghihina sa Kryptonite.

Sadyang walang invincible na nilalang sa mundo. Pinipilit magpaka-invincible siguro meron. Pinipilit magpaka-manhid. O sadyang mataas lang ang fighting spirit. Ako? Sadyang iniisip ko lang na meron pa akong natitirang lifeline kaya meron akong mga panahong iniisip kong si Superman ako.

Iniisip ko nga kung ilan pa ang natitira kong lifeline at ilan na ba ang nagamit ko.

Buhay pa naman ako pagkatapos kong gumulong-gulong kasama ng tricycle na nawalan ng balanse dahil sa pasaway na driver na napakabilis magpaandar sa gitna ng napakalakas na ulan. Nagalusan lang ako nun kahit na ilang kanto ang narating ng paggulong namin ng tricycle.

Buhay pa din ako kahit nilaklak ko na ang baygon bago ang graduation nung highschool. Swerte lang daw talagang buhay pa ako sabi ng doktor. Sabi ng mama ko iniisip nyang mamamatay na ako, kinakausap ko daw k’se si Lolo, na 10 years nang patay that time. Ewan ko nga kung epekto lang ng baygon o yun yung tinanawag na near-death experience. Wala nang gustong makipag-inuman sa akin after nun.

Buhay pa din ako matapos ang ilang episodes ng malaria at malaria-thypoid combo. Kumpleto ako sa enumeration ng lahat ng klase ng malaria. At madalas pa napapalaban habang may sakit ako. Yung tipong doble ang paningin ko dahil high pa ako sa gamot pero kailangan ng bumangon at maglakad. May panahon pang naghihina ang tuhod ko na takure lang ang kinaya kong bitbitin. Pero merong mga tagpong sobrang nagpapasalamat kami na may malaria ako, dahil ang bagal naming maglakad, kung hindi, sapul na sapol kami ng nagbabagsakang bala ng howitzer.

Buhay pa din ako matapos kong ma-holdup sa Bagong Silang. May 38 na nakatutok sa harap, may icepick na nakatusok sa leeg.

Buhay pa din ako matapos kong maholdup sa Nitang. Nabukulan ako nun. Matapos ang isang linggo ska ko lang nakitang may butas ang sumbrero kong suot nung naholdup ako. Maitim yung paligid nung butas, parang gunpowder burn, siguro binaril ako sa ulo nung hinoldup ako, sadyang matigas lang ulo ko, nabukulan lang ako.

Buhay pa din naman ako after ng byahe sa Cebu Pacific mula Dubai pa-Manila. Haha.

Buhay pa din ako. Kahit wala ka.

Question

Question

Question

I once considered my endless life a reward but in the end, it’s a punishment.  

But if I have you, you’ll be by my side – I wouldn’t mind living forever.

Linya ni Gong Yoo sa Goblin.

________________________________________________________________________________

Okay naman ako sa buhay ko kahit wala ka sa tabi ko…

 

 

nasa puso naman kita.

(Top 1 talaga ako sa kacornikan)

________________________________________________________________________________

‘Di ko pinangarap na maging invincible o maging si Superman. Okay lang na masaktan at umiyak paminsan-minsan. Okay lang kahit nagamit ko na agad yung mga lifelines ko sa early stages pa lang. Meeting you was the reward of my life. I’ll live my life loving you.

__________________________________________________________________________________

Nang dahil lang sa masakit na daliri, mukhang maisusulat ko na ang final words ko sa mundong ibabaw.