Ilang araw ko na ring tinititigan ang picture mo sa WhatsApp. Nagbabakasakaling marinig mo ang sinasabi ko. O pumasok man lang ako sa isip mo. Pero sadyang ‘di ako pinagpala magkaroon ng powers na ganun.
Lagi kita iniisip.
Gusto kitang kamustahin araw-araw. Gusto kong malaman kung kumain ka na ba, kung maayos ba ang kalagayan mo. Sa tuwing gigising ako, magcoconvert ako ng oras at iisipin ko kung gising ka na ba. Kapag nasinagan ako ng araw, iisipin ko kung nasisinagan ka din ba ng araw sa eksaktong oras na ‘yun, masarap lang kseng isiping kahit gaano man tayo kalayo, nasa ilalim pa rin tayo ng parehas na araw. At tuwing titingnan ko ang buwan, iniisip kong minsan kaya nagkakasabay tayong tingnan ang buwan. Sa twing magluluto ako, iniisip ko kung kumakain ka kaya ng niluluto ko. Kapag nasa ibang lugar ako, iniisip ko kung maeenjoy mo kaya pumunta sa lugar na ‘yun. At kapag nagsasoundtrip ako, iniisip ko kung trip mo din kaya ang mga tugtugan ko.
Lagi kita iniisip.
Tuwing tutunog ang phone ko. Tuwing Chasing Cars ang tugtog. Tuwing maaraw. Tuwing umuulan. Kapag mainit. Malamig. Paggising at pagtulog.
Lagi kita iniisip.
Umaasang sa tuwing iniisip kita, maisip mo din ako.