Madaming taong nagsasabing sobrang tamad ko daw. Bakit daw ba umuwi pa ako eh nasa abroad na ako? Kung may raket daw ako e bakit daw ba hindi ko araw-arawin para malaki ang kita? Bakit daw ba nood lang ako ng nood o kaya lagi akong tulog?
May mga bagay na ang hirap ipaliwanag sa ibang tao, lalong mahirap ipaliwanag sa lahat ng tao. Siguro nga yung ibang kapitbahay ay nag-iisip na baka nagtutulak ako ng bawal na gamot, o baka miyembro ako ng isang gun-for-hire syndicate. Kung mas malawak ang imagination nila ay baka naisip na din nilang isa akong alien from outer space.
Siguro nga alien ako. Kakaiba ang takbo ng utak ko. Out of this world ang mga trip ko. At ligayang-ligaya ako pag nasisikatan ako ng araw.
Siguro nga tamad ako. Tulog ako sa umaga. Tanghali ako gumising. Makikita lang akong laging naggigitara ng nakahiga sa terasa. ‘Di ako lumalabas ng bahay.
Kahit ano naman ang gawin ko, may masasabi ang mga tao. Alam mo naman sa Pilipinas, hindi nauubusan ng komento ang mga tao sa paligid. Gumawa ka ng tama, may masasabi. Gumawa ka ng mali, may masasabi. ‘Di nila alam ang ginagawa mo, may masasabi pa din.
Pero siguro nga sanay sila sa normal na pamumuhay ng mga tao at sadyang kakaiba lang ang moda ng pamumuhay ko. Sadyang okay na ako sa mga nagaganap sa buhay ko. ‘Di pa ako nakakadama ng urgency sa pagpapalit ng pangangailangan at priorities sa buhay ko at the moment.
Pero open naman ako sa pagkakaroon ng normal na buhay (kung anumang normal ang nasa standard ng lipunan). Sadyang minahal ko lang ang pagtatrabaho ng tatlong araw na walang tulugan at matulog na for the rest of the month. At mas okay na sa akin yung ‘di lumalabas ng bahay, dahil mas naaapreciate ko ang sinag ng araw.
Okay lang naman sa akin kahit ano ang sabihin o isipin ng ibang tao. Ang iniisip ko lang paano kaya kung ikaw na ang magtanong sa akin. Ano kaya ang isasagot ko sa’yo kung tatanungin mo kung ano ang plano ko sa buhay ko? Kung ano ang pangarap ko?
_________________________________________________________________
You’re all that I want to have. And you’re enough.