Umalis ako kahapon. Nag-ikot. Naghanap ng masarap na lugaw. Naghanap ng lugawang may magandang ambience. Yung pag umupo tayo, pwede tayong humiwalay sa mundo. Pwede nating angkinin yung moment.
‘Di ko alam kung matutuloy ba tayong magkita. ‘Di ko alam kung kailan. ‘Di ko alam kung mafifeel mo nang lumabas ng lungga mo. ‘Di ko alam kung magkakaroon ba ako ng sapat na lakas ng loob para magpakita sa’yo.
Ang alam ko lang minsan lang dumadating ang mga pagkakataon.
Kaya ‘eto ako, ‘di mapakali.
Kahit na sinasabi ko sa’yo na tanggap ko nang hanggang magkaibigan lang tayo, ‘di pa rin maalis sa akin na maging ganito. Ayokong umasa pero umaasa pa din ako.
Alam ko pag nabasa mo ‘to hindi ka na naman magpapakita. Malabo nanaman kse akong kausap at ganito nanaman ang mga linya ko. Parang dati lang.
‘Di mo naman maiintindihan dahil ‘di ka naman naniniwala. Kung saan galing ‘yung pinaghuhugutan ko only heaven knows.
Parang kanta lang. And all this time I act so brave, I’m shaking inside. Why does it hurt me so…
Ang dami kong naiisip gawin na kasama ka. Ang dami kong gustong puntahan na kasama ka. Pero alam ko naman walang oras para dun. Mapalad na akong mapagbigyan ng isang lugaw session.
Ang dami kong gustong sabihin sa’yo. Pero alam ko pag nagkita tayo, wala nanaman akong masasabi. Tititigan lang kita panigurado.
Ang dami kong gustong gawin para sa’yo, para maintindihan mo ‘ko, para maniwala ka, para maramdaman mo. Bigyan ka ng love letter, bigyan ka ng roses sa paso at teddy bear. Tumugtog ng gitara at haranahin ka. Sunduin at ihatid ka. Ipagluto ka. Ipaglaba’t ipagplantsa ka. Sunduin at ihatid ka uli. Kumain sa labas na may candle light. Humiga sa damuhan at tingnan ang moon at stars. Magsimba, hawakan ang kamay mo, sabay pikit at dasal at sabihing thank you po sa napakagandang regalong hawak ko ngayon. Payungan ka kung umuulan. Payungan ka kung mainit ang araw. Yakapin ka kung malamig. Yakapin ka kung horror ang palabas. Yakapin ka kahit walang dahilan. Matulog na ikaw ang huling nakita at magising na ikaw ang unang bubungad sa aking mata. Mangarap na kasama ka. Abutin ang pangarap na kasama ka. Masabing mahal na mahal kita.
Wala pa din akong pinagbago. Kakain lang ng lugaw ang usapan natin, pag-abot na ng pangarap ang narating nito. Hayaan mo na, huli na ‘to para sa 2016.
Mahal na mahal kita. ‘Di ko man masabi ngayong 2016, sana sa 2017 masabi ko na.