Ilang beses mo na din akong pinagtawanan sa “tadhana thing” na ‘to. Ako din naman. Kung tutuusin nga, madalas naiisip ko, sirang sira ang paniniwala ko kay Marx , Lenin at Mao pagdating dito. Di ko talaga maconnect ang tadhana ng pag-ibig ko sa Dialectic Materialism at ‘di ko alam bakit ba pagdating sa pag-ibig ay naniniwala ako sa tadhana.
Kaya nga siguro mas okay ang relasyon pag tibak ka. Hindi ka nagiging assumero at feelingero, lahat may pagsusuri at batayan, in other words objective. Kasama mo ang kolektib nyo sa pagbuo ng relasyon. Lahat may plano. At kung nagawa man ang lahat ng plano at di pa din nag-work out ay may assessment sa dulo. May pagpuna at pagpuna sa sarili. Malalaman mo kung saan ka o kayo nagkamali. May pagkakataon ka for improvement.
Hindi katulad ng pag-ibig na naniniwala sa tadhana. Puro what if. Dahil wala namang batayan at pagsusuri, in other words laging subjective. Puro damdamin. Wala kang kolektib na sasabihan, swerte nang may kaibigan kang nagtyatyagang makinig sa paulit ulit mong storya, pero kadalasan ikaw lang mag-isa ang nakakaalam ng lovestory mo. Wala kang plano. Tadhana thing nga. Umaasa ka kay Mother Fate. Walang assessment, puro self-realization, kaya madalas, natetengga ka sa pag-ibig dahil ang tagal dumating ng self-realization. Parang byahe ng space ship papuntang Mars ang dalang ng daan kaya laging ‘di mo naabutan.
Naalala ko tuloy si Ces.
Nung naging tibak ako sa PUP, dun ko nakilala si Ces. Nung una nga Joan ang alam kong pangalan nya. Napakahina kse mag-SI (Social Investigation) ng mga kolektib ko at yun Joan ang sinabing pangalan nya sa akin. ‘Di ako nakapagbaba ng programa (ng panliligaw) sa kanya kse sadyang busy. At ‘di naman talaga urgent para ilatag ko pa sa meeting, at alam kong gugulong lang ako (-mababasted). Kaya nagkasya na akong nakikita ko sya sa West Wing at mga rally.
Sa hindi inaaasahan
Pagtagpo ng mga mundo
May minsan lang na nagdugtong,
Damang dama na ang ugong nito.
At ‘yun nagtagpo kami sa malayong kanayunan.
Pinag-uusapan pa lang namin s’ya ni Jen. Over the cup of coffee habang parehas kaming nakahiga sa mga duyan namin at nagliliparan ang mga niknik sa paligid. Sa tinagal-tagal naming magkasama ni Jen, nun ko lang nabanggit ‘yun. Alam ko kseng kilala si Ces ni Jen, pero dahil nagsabi naman s’yang full time na s’yang kikilos e pwede ko nang sabihin sa kanya dahil maliit na ang chance na magkita sila.
Lumipas ang isang araw. Naghiwalay ang grupo namin nila Jen. Sila para ayusin ang venue, kami para kumuha ng supply.
At eto na nga, here comes the super excited Jen na sumalubong sa amin. Wala akong dalang coke para matuwa s’ya. Ilang bundok at ilog ang tinawid namin pero wala akong dalang unusual para ikasaya nya. Bigas at mantika lang ang dala namin.
At ‘di ko mapaliwanag ang pag-init ng pisngi ko ng makita ko ang hila-hila nya.
Si Ces.
Ilang beses din akong tinutukso ni Jen nung araw na yun. Kaya sadyang nagpaka-busy ako sa mga gawain. At ang mga petiburges na YS ayun, partner partner na nagkwentuhan at naiwang mag-isa si Ces. Paminsan-minsan sasamahan s’ya ni Mara at Ana, pero madalas ay mag-isa s’yang lalapit sa masa at makikipagkwentuhan. Kaya nilapitan ko na.
Di nya raw expected na makikita nya ako dun. At yun ang simula ng mahaba-habang kwentuhan namin na akala mo e close na kami dati. Binigyan ko s’ya ng Hany na imbak ko pa mula nung huling may nagpadala sa akin at biniling wag nya uubusin lahat, itabi nya in case of Malaria pandagdag sa sugar sa katawan. At ng notebook na Batman na sabi ko sa kanya ay sadyang kakailanganin n’ya. Nilagyan ko pa yun ng note. Sabi ko gawin n’yang diary o basta lahat ng importanteng kailangan nyang isulat.
At naghiwalay na ang grupo namin.
At sa sulat na lang kami nagkakabalitaan.
Hindi namamalayan ang oras pag andun ka. Mawawala ka sa bilang ng araw at buwan. Basehan mo na lang sa buwan ay ang pagkaubos ng sabon mong kada buwan kang binibigyan ng S4.
May nagpadala nanaman ng Hany sa akin kaya naghiwalay ako ng para kay Ces. Marami na din akong sulat na naipon na ‘di ko man lang naipapadala dahil wala namang magdadala. Sabi naman ng mga kasama malapit na kaming pumakat sa kanila kaya inisip ko na lang na ako na lang ang personal na magbibigay pag nagkita kami.
At yun, inatake nanaman ako ng malaria. ‘Di ko alam kung ilang araw na akong inaapoy ng lagnat at nagsusuka. Madalas ‘di ko na namamalayan ang araw at gabi ‘pag may sakit ako.
Malakas ang ulan, bangag man ako sa gamot ko sa malaria, pero nagawa ko pa ding maintindihan lahat ng sinasabi sa radyo. Nagka-engkwentro, may tinamaan, may nahuli.
Malakas ang ulan, bangag man ako sa gamot ko sa malaria, malabo pero alam ko umiiyak si Jen sa gilid ng kubo ko. Iniisip ko nung oras na yun patay na ba ‘ko? At eto may isang kasamang tumabi sa akin at kinamusta ang lagay ko. Ah hindi pa ako patay. Pero nung sumunod na sandali ay ginusto ko na din huminto ang tibok ng puso ko.
Patay na si Ces.
Nagdadalawang isip silang sabihin sa akin sa kundisyon kong yun pero pinili nilang malaman ko. Nagkaengkwentro at napalaban ang grupo nila Ces. Tinamaan s’ya sa hita. Nakaatras pa sila. Pero hanggang di na rin nya kinaya.
Di ko na matandaan kung ilang oras akong umiyak. Di ko na naramdaman ang sakit na binibigay sa akin ng malaria, yung sakit ng puso ko ang naghuhumiyaw sa kaloob-looban ko.
Nasa September 2004 The Catalyst ang storya ni Ces, kasama ng balita tungkol sa Human Rainbow at Centennial Celebration ng P.U.P.. Sa kasamaang palad ay naitapon na ng nanay ko ang dyaryo na yun kasama pa ng iba pang sulat na naitago ko galing kay Ces.
Alam kong babatukan ako ni Ces kung sasabihin kong sadyang ganito ang tadhana namin. Baka lecturan nanaman ako nun ng OPRS, class love at ng mga turo ni Marx at Mao.
Hindi namin tadhana ‘yung nangyari. Nangyari ang mga bagay-bagay resulta ng mga pinili naming gawin at tunggalian ng uri. Kung ipapaliwanag ko kung paano ipapaliwanag ni Ces ang lovestory namin ay kailangan ko munang magsimula sa: Mayaman ang Pilipinas ngunit bakit naghihirap ang sambayanang Pilipino?
Hi! Kakabasa ko lang ng blog mo tungkol kay Cesaralyn. Pwede ba kitang kontakin, please, paki naman. Importante s’ya sakin at marami lang akong gustong i-share sayo. Sana naman po makasagot ka po. Please, I’m hoping. Thank you.
LikeLike