Ilan ding ex ko ang nagselos sa’yo. Nakwento kse kita. At nadama nilang iba ka sa kanila. Ilan din ung muntik makipaghiwalay dahil alam nilang di pa din ako nakakamove-on sa’yo. Ikaw lang ata talaga ang ‘di nakakaalam na sobrang mahal kita. At ikaw lang ata ang di nakakaalam na may say ka sa choices ko sa buhay ko…
Naalala ko dati, October 2005, nagtext ako sa’yo sabi ko kita tayo importante lang, nagreply ka na di ka pwede kse may meeting kayo. At yun, paglipas ng isang araw nasa Dumaguete na ko. Sinundan ko yung girlfriend ko that time. Nakakatawa kse ‘di man lang ako nag-isip. Actually nainis lang talaga ako sa reply mo, tapos yun, pinulot na ko sa Dumaguete. Nagbarko ako pa-Cebu tapos nag-bus ako pa-Dumaguete. Di pa uso ang google map sa cellphone. Literal na mapa ng Pilipinas lang ang ginawa kong reference. Nagtanong lang ako sa mga tao, at narating ko ang Negros Oriental.
At yun.
Ilang linggo lang pinagpalit na nya ako sa iba. Nainggit daw sya sa mga kababata nya at gusto na nyang magkaanak. Iniwan nya ko sa bahay nila, dun sya lagi sa bahay ng kuya nya kasama yung mga kababata nya. Wala na kong pera nun kse naawa ako sa mga kapatid nya kaya pinagawa ko yung bubong nila. Nalimutan kong magtira man lang ng pamasahe pauwi. Kaya yun pinilit ko makahanap ng trabaho, na sadyang mahirap dahil tagalog ako at bisaya ang mga tao dun. Buti na lang mabait yung pamilya ng asawa ng kuya nya, isinasabay ako pa-Dumaguete para makahanap ng trabaho, babaunan ako para naman may makain ako.
Wala na kong panahon para malungkot sa nangyari sa aming dalawa. Iniisip ko na lang paano ako makakapagtrabaho at makaipon ng pera pauwi. Hanggang pinatos ko na yung trabaho sa Petron. Nahirapan ako kse Bisaya nga yung salita nila, at wala akong alam na Bisaya ni isang salita. Siguro nga iniisip nung nag-interview sa akin ay napaka-slow ko, pero yun bumalik daw ako kinabukasan para sa written exam. Binigyan naman ako ng reviewer. At yun bisaya din.
Minemorize ko lahat ng nakasulat sa reviewer. Pinatranslate ko sa mga bata dun sa kanila para naman maintindihan ko. Pero ang hirap pa rin.
Nasagot ko naman ang exam. Siguro iniisip nila na napakahina ko sa spelling. Ang di nila alam, kinabisado ko lang lahat kaya sablay. Buti na lang at merong Math. Sigurado akong dahil lang dun ako pumasa.
Mahirap ang magtrabaho sa Petron. Mainit pag maaraw, maputik pag maulan. Pinadadali lang ang trabaho ko ng mga manong driver na akala e anak ako ng may-ari kaya ‘di nila ako pinahihirapang magbukas ng hood at maglagay ng tubig sa radiator. Ginawa ko na ding bahay ang Petron. Nagdodouble shift ako lagi para makaipon. At para na din may rason akong dun matulog sa gasolinahan. Sasabihin ko lagi, wala na kong sasakyan pauwi. Ayoko na lang talagang umuwi dun sa bahay ng girlftiend ko. Ex ko na pala.
Hanggang may nag-ampon na sa akin. Naawa na na ginawa ko nang tirahan ang Petron. Ayoko na rin naman kse mamasahe. 40/day lang ang sahod dun, ano pa matitira kung ipangpapamasahe ko pa. Kaya nga nagdodoubleshift para naman maging 80.
Kso yun puro inom naman ang ginagawa namin. Pagtapos ng dalawang shift, sa inuman ang bagsak. Kakain ng mami at puso pagkatapos. At dahil dayo nga ako, lagi ako nililibot ng mga naging barkada ko. Pati sa mga club na di ko maiisip na mapapasok ko. Siguro pag taga-dumaguete alam nila yung Checkers…oo, napasok ko na.
Ilang milya ang binyahe ko para sundan sya at yun, pinagpalit nya pa rin ako. Pero wala akong naging pagdadrama. Ni hindi man lang ako sumulat. Hindi ako nagtanong. Hinayaan ko lang sya. Iniisip ko nga kung iniyakan ko sya. Pero wala akong maalala.
Hindi tulad ngayon.
Iniisip ko kung alin ang mas masakit.
Akala ko masakit pag ginago ka, hindi pala. Ang masakit, yung wala namang ginagawa sa’yo pero nasasaktan ka pa din.