Hindi ko maipapangako sa’yo na mamahalin kita habangbuhay. Yun sigurong iisipin kita habangbuhay, yun siguro kaya kong ipangako…
Di ko alam kung yan ang eksaktong linya, pero sa esensya sya na yan, ang intro ng paborito kong maikling kwento na Kasal na sinulat ni Eli Rueda Guieb III (third nga ba sya? Sensya na pero un ang naalala ko). Nanalo ‘to sa Palanca at nabasa ko sa libro ni Mam Lachica nung Filipino 1. Idol ko si Ka Eli sa atake nya dito, sa lahat ng hugot na tagos sa laman. Damang dama. Kumukurot.
Mahilig na akong magsulat noon pa, pero mula nung nabasa ko yung Kasal, tumaas ng level 10 ang hugot sa mga sinusulat ko. Kso wala namang bumabasa ng mga hugot ko. Kadalasan na sa basurahan lang ang punta ng mga papel na sinulatan ko o kaya ay sa recycle bin ng laptop o minsan nga ni hindi na nakarating sa recycle bin dahil hindi man lang nakaranas ng save.
Parang kwento ng mga lola tungkol sa panahon ng hapon, wala akong sawa isulat ang kwento ng pag-ibig ko. Kung uso pa si Joe D’ Mango, siguro pinadala ko na sa kanya. Gusto ko tumawag kay Papa Jack kso panget ang boses ko sa telepono. Sa Magpakailanman kaya o sa MMK? Pero di pa naman tapos ang kwento.
Di pa tapos ang kwento kaya siguro sulat pa rin ako ng sulat.
O sulat pa rin ako ng sulat kaya di pa rin tapos ang kwento.
Di ba magulo?
Parang tayo.
(Gusto ko sana sabihin sa’yong bastedin mo na ko. Kso naalala ko hindi ko pa pala nasasabing nanliligaw ako.)