Gusto kitang kausapin kahit wala naman akong sasabihin

Gusto kitang kausapin kahit wala naman akong sasabihin. Minsan wala na talaga akong maging umpisa. Good morning. Magandang tanghali. Kumain ka na ba? Kain tayo. Musta? Gandang gabi. Pag naubos na, uulit na lang uli. Gusto ko lang makausap ka kahit wala naman akong masabi. Para maramdaman kita, maramdaman mo ako. 

Ano naman ba ang ikwekwento ko sayo? Di naman ganung kaexciting ang pang-araw araw na nagaganap sa buhay ko. Pero yun, gusto kong makausap ka kse baka ikaw may gusto  ka ikwento. Baka malungkot ka, maparamdam ko man lang na may taong ngeexist para sa’yo, na makikinig sa kahit anuman yang pinagdadaanan mo. Kung masaya ka, magiging masaya din ako para sa’yo.

Kaso sabi nila nakakaturn off daw ang masyadong clingy. Kaya iniiwasan ko na rin ang araw-araw na kamusta. Binabawalan ko rin ang sarili ko sa follow up na text kung di ka nagreply sa una. Kung sosobra daw kse ay di na clingy ang category kundi desperado na. Kaya gustuhin ko man araw-araw mong maramdaman ang presensya ko ay wag na lang. Baka din kse magsawa ka na sa kamusta.

Pero eto, araw-araw may laman ang blog ko. Pwede naman siguro dito, di mo naman alam na nageexist ang blog na ‘to. Dito pwede ang hugot. Dito pwede kang mahalin.

(Day 10)

Bakit ba mahirap hanapin ang true love?

Bakit nga ba mahirap hanapin ang true love? 

Nagbabasa ako sa newsfeed ko ng makita ang post na ‘yan. Madaming comment at pinagtyagaan ko naman basahin lahat. Matagal ko na ring tanong ‘yan kaya umaasa akong merong makakasagot at makakapagbukas sa akin sa pintuan ng kalinawan kung bakit nga ba mahirap hanapin ang true love.

Pero naisip ko bago pa masagot ang bakit e kailangan ko munang masagot kung ano nga ba ang true love. Mahirap naman kse maghanap ng isang bagay na di mo naman alam kung ano. 

Ano nga ba ang true love?

True love na bang matatawag ang girlfriend mo nang 25 years? E paano naman yung tatlong buwan mo lang nakasama pero minahal mo ng tunay?  Matatawag mo bang true love kahit di ka naman kayang mahalin in return? Tunay bang pagmamahal ang pagmamahal na bawal?

Ang true love ay walang definite na sukatan. Walang definite na definition. Sadyang bahala na ang nakakadama kung ang nadarama ay icoconsider nyang pag-ibig na wagas. Walang basagan ng trip. 

Kaya kung bakit mahirap hanapin ang true love ay nakasalalay sa makakadama. Sadyang may mga taong manhid, mga taong assumero, at may mga pinagpalang may pandama at magaling na judgement. 

Mahirap talaga mahanap ang true love kung ikaw ay manhid. Mahirap din naman para sa mga assumero dahil lahat na lang ay kinoconsider nilang true love, kahit di naman. Sadyang pinagpala ka na lang kung ikaw ay may pandama at magaling ang iyong judgement, dahil ikaw lang naman talaga ang magpapasya kung ang pag-ibig ba’y tunay o hindi.

Bakit ba mahirap hanapin ang true love? 

Dahil mahirap magset ng qualifications ng true love. Mahirap din iset ang parameters sa pagpapatupad ng mga qualifications na yan. Sadyang subjective ang terminong true love kaya wag na natin pasakitin ang ulo natin. Hayaan na lang na madama natin. Wag mo na isipin.

(Day 9)

Day 8

Marami na rin akong nakakalimutan. Sign of aging. Pero pinipilit ko maalala. Samantalang dati kahit pinakamaliit na detalye kabisado ko. Lahat ng date, lugar, pangyayari… Naaalala ko pang March 19, 1521 dumating si Magellan.

Pero habang lumilipas ang panahon, nakakalimutan ko na… Sabi nila normal na yun dahil kailangan nang ioverwrite ang mga lumang memory para sa mga bagong memory. Kaso madalas, ang nakakalimutan ko yung mas bagong memory. Kung saan ko nilagay ang cellphone ko na nilapag ko a minute ago. Nalilimutan kong nag-iinit pala ako ng tubig, nalilimutan kong may ginagawa ako at maguumpisa nanaman ako ng ibang gagawin. Sabi nila normal na yun sa pagtanda. 

Pero syempre minsan natatakot din ako. Nakita ko kung paano si Lola nung may Alzheimers sya. Mabait sya sa ‘kin, pero boy lang ang tawag nya sa akin, di nya alam kung sino ako. Wala syang kakilala sa mga anak nya. Kahit nga si Lolo di nya kilala. 

Pagdating kaya ng time na yun makakalimutan na kita?

Namimili ang utak ko kung ano ang dapat maalala at makalimutan. Kahit anong pilit kong alalahanin, malabo ang 2001-2004. Corrupted yata ang file ng mga year na yun o sadyang may bad sector lang sa utak ko. Ang daming taong di ko naaalala, maraming nangyari pero di ko madetalye. Sinet na ata talaga ni utak na di ko maalala. Pero pilit ko pa rin inaalala. Pero wala talaga.

Yung pilit ko namang kinakalimutan. Di ko makalimutan.

Sadyang Operating System ka na ata ng utak ko na di pde idelete. 

Panatag ako kung ikaw ang matitirang naaalala ko pag nakalimutan ko na lahat. Alam ko magiging masaya ako sa mga alaalang yun. 

Day 7

Ilan ding ex ko ang nagselos sa’yo. Nakwento kse kita. At nadama nilang iba ka sa kanila. Ilan din ung muntik makipaghiwalay dahil alam nilang di pa din ako nakakamove-on sa’yo. Ikaw lang ata talaga ang ‘di nakakaalam na sobrang mahal kita. At ikaw lang ata ang di nakakaalam na may say ka sa choices ko sa buhay ko…

Naalala ko dati, October 2005, nagtext ako sa’yo sabi ko kita tayo importante lang, nagreply ka na di ka pwede kse may meeting kayo. At yun, paglipas ng isang araw nasa Dumaguete na ko. Sinundan ko yung girlfriend ko that time. Nakakatawa kse ‘di man lang ako nag-isip. Actually nainis lang talaga ako sa reply mo, tapos yun, pinulot na ko sa Dumaguete. Nagbarko ako pa-Cebu tapos nag-bus ako pa-Dumaguete. Di pa uso ang google map sa cellphone. Literal na mapa ng Pilipinas lang ang ginawa kong reference. Nagtanong lang ako sa mga tao, at narating ko ang Negros Oriental. 

At yun. 

Ilang linggo lang pinagpalit na nya ako sa iba. Nainggit daw sya sa mga kababata nya at gusto na nyang magkaanak. Iniwan nya ko sa bahay nila, dun sya lagi sa bahay ng kuya nya kasama yung mga kababata nya. Wala na kong pera nun kse naawa ako sa mga kapatid nya kaya pinagawa ko yung bubong nila. Nalimutan kong magtira man lang ng pamasahe pauwi. Kaya yun pinilit ko makahanap ng trabaho, na sadyang mahirap dahil tagalog ako at bisaya ang mga tao dun. Buti na lang mabait yung pamilya ng asawa ng kuya nya, isinasabay ako pa-Dumaguete para makahanap ng trabaho, babaunan ako para naman may makain ako. 

Wala na kong panahon para malungkot sa nangyari sa aming dalawa. Iniisip ko na lang paano ako makakapagtrabaho at makaipon ng pera pauwi. Hanggang pinatos ko na yung trabaho sa Petron. Nahirapan ako kse Bisaya nga yung salita nila, at wala akong alam na Bisaya ni isang salita. Siguro nga iniisip nung nag-interview sa akin ay napaka-slow ko, pero yun bumalik daw ako kinabukasan para sa written exam. Binigyan naman ako ng reviewer. At yun bisaya din. 

Minemorize ko lahat ng nakasulat sa reviewer. Pinatranslate ko sa mga bata dun sa kanila para naman maintindihan ko. Pero ang hirap pa rin. 

Nasagot ko naman ang exam. Siguro iniisip nila na napakahina ko sa spelling. Ang di nila alam, kinabisado ko lang lahat kaya sablay. Buti na lang at merong Math. Sigurado akong dahil lang dun ako pumasa.

Mahirap ang magtrabaho sa Petron. Mainit pag maaraw, maputik pag maulan. Pinadadali lang ang trabaho ko ng mga manong driver na akala e anak ako ng may-ari kaya ‘di nila ako pinahihirapang magbukas ng hood at maglagay ng tubig sa radiator. Ginawa ko na ding bahay ang Petron. Nagdodouble shift ako lagi para makaipon. At para na din may rason akong dun matulog sa gasolinahan. Sasabihin ko lagi, wala na kong sasakyan pauwi. Ayoko na lang talagang umuwi dun sa bahay ng girlftiend ko. Ex ko na pala.

Hanggang may nag-ampon na sa akin.  Naawa na na ginawa ko nang tirahan ang Petron. Ayoko na rin naman kse mamasahe. 40/day lang ang sahod dun, ano pa matitira kung ipangpapamasahe ko pa. Kaya nga nagdodoubleshift para naman maging 80.

Kso yun puro inom naman ang ginagawa namin. Pagtapos ng dalawang shift, sa inuman ang bagsak. Kakain ng mami at puso pagkatapos. At dahil dayo nga ako, lagi ako nililibot ng mga naging barkada ko. Pati sa mga club na di ko maiisip na mapapasok ko. Siguro pag taga-dumaguete alam nila yung Checkers…oo, napasok ko na.

Ilang milya ang binyahe ko para sundan sya at yun, pinagpalit nya pa rin ako. Pero wala akong naging pagdadrama. Ni hindi man lang ako sumulat. Hindi ako nagtanong. Hinayaan ko lang sya. Iniisip ko nga kung iniyakan ko sya. Pero wala akong maalala. 

Hindi tulad ngayon. 

Iniisip ko kung alin ang mas masakit.

Akala ko masakit pag ginago ka, hindi pala. Ang masakit, yung wala namang ginagawa sa’yo pero nasasaktan ka pa din.

Day 6

“Tama ka its better that we stay as friends. Lagi din naman ako nandito para sayo. And thank you for being there for me too.”

Nag-second the motion ka lang naman sa sinabi ko sa’yo, pero ilang oras kong paulit ulit na binasa ang message mo. Ilang beses ba akong magkakaganito sa twing sasabihin mo na its better that we stay as friends?  Same old me, naka-play nanaman ng paulit-ulit ang Chasing Cars ng Snow Patrol. Lilipat ng pwesto, paulit-ulit namang ipe-play ang Lake House ni Sandra Bullock at Keanu Reeves. Lilipat ng pwesto, maggigitara at kakanta (walang gitara ngayon kaya nag-ukulele at kumanta). Naka-ilang set din ako. Kung sa concert, nag-uwian na ang mga tao, kumakanta pa rin ako. Sisimulan sa Pare Ko, susundan ng Beer, bibiritan ng I, mapapagod, iinom ng tubig, kakanta uli, hanggang sumakit na ang mga daliri ko at sumakit na rin ang lalamunan ko. Pagkatapos maglalakad ng walang patutunguhan, maglalakad ng ilang kilometro hanggang sumuko na yung paa ko. 

Mas madami pang masakit na pagkakataon sa buhay ko, pero ewan ko ba, kahit paulit ulit na ‘to at sirang plaka na ako ‘di pa din ako namamanhid. At kahit paulit ulit na ‘kong nasasaktan minamahal pa din kita. Kahit na nung una pa lang alam ko naman na di ako deserving na mahalin mo din. Nilagay ko na sa isip ko yun mula nung ‘di ka dumating sa Circle. Inisip ko na wala lang ako sa’yo. Pero sabi mo dumating ka. Di ko alam bakit di tayo nagkita. Siguro nga yun ang gusto ni tadhana.

Day 5.

Sorry kung napaka-isip bata ko. Kung tutuusin matagal mo naman na akong binasted. Ewan ko ba, ‘di ko alam kung bakit nagtatanong pa ako. Saka mas okay na yung gan’to. Mas okay na yung friends. Kse okay naman tayo nung magkaibigan tayo. Lagi ka nandyan para sa akin.  Di tulad ng ganito.

Saka wala namang forever. Malabo na nga ang lovestory ni Mr. and Mrs. Smith. Bakit pa kailangan ng relasyon kung ganun lang din naman. Masasaktan nyo lang ang isa’t isa.

Saka ang tagal na nung panahon na lumipas. Iba na yung panahon na pinaghuhugutan ko sa panahon ngayon. Wala na nga akong alam tungkol sa’yo. Wala ka rin namang alam tungkol sa akin. ‘Di na natin kilala ang bawat isa. Kaya siguro nagtatanong ka kung saan galing ang mga hugot ko. Wala naman na kseng paghuhugutan. Tagal na natin ‘di nagkikita at nagkakasama. Ni ‘di ko man lang alam baka may karelasyon ka ngayon, eto ako, out of nowhere biglang ganto. Mawawala ako at biglang susulpot. Kung kelan andito ako sa Pinas ska ako maggaganito, nung andyan sa  Dubai wala naman akong sinabi.

Saka naisip ko din bakit ba iniintay ko pa ang sagot mo? Samantalang minahal naman kita ng mahabang panahon na gan’to, ‘di naman kailangan ng relasyon para mahalin ang isang tao. Okay na yung magmahal at hindi mag-expect.

Basta lagi mo tatandaan mahal kita. Paniwalaan mo nang mahal kita. Siguro nga ‘di ko naman napadama sa’yo. Kulang yung mga effort na ginawa ko. Pero sana, maniwala ka. Nagsawa na nga ata ang mga barkada ko sa mga kwento ng lovestory ko sa’yo na ikaw na lang ata ang ‘di nakakaalam.

Andito lang ako para sa’yo. ‘Di naman ako nawala. Andito lang ako lagi. Ingat ka. Kung pagtatagpuin tayo ni tadhana, pagtatagpuin tayo.

 

Day 4.

Medyo matagal ko nang hindi nahahawakan ang sketchpad at mga lapis ko. Kaya ilang oras din ang binuno ko para dito. Medyo madalang na din kse na madapuan ng mood sa pagdrawing. Di tulad dati nung medyo bata pa. Makahawak lang ng ballpen at papel, panigurado may maidodrawing na. Pero ngayon, tatlong oras nang hawak ang lapis, nganga pa rin.

Medyo matagal ko na ding hindi nahahawakan ang mga kamay mo. Dati automatic na ang holding hands sa ating dalawa. Kaya nga akala ko pareho tayo ng nararamdaman sa mga panahon na yun. Akala ko automatic na din yun. Lumipas ang madaming taon bago ko uli nahawakan ang kamay mo. Akala ko, okay na. Pero yun, mawawala ka rin pala. Lumipas uli ang madaming taon at 12dirhams na lang ang layo mo mula sa ‘kin. At yun. Natapos na dun.

Natakot na ‘kong hanapin ka kahit na 12 dirhams na lang ang layo mo sa akin. Natakot na ‘kong makita ka. Natakot na ‘ko kse alam ko masasaktan nanaman ako. Natakot na ‘kong hahayaan mong hawakan ko ang kamay mo. Natakot akong maramdamang hinahawakan mo rin ang kamay ko. Natakot akong madama yung bagay na hindi mo madama. Natakot na ko na kakanta nanaman ako ng Insensitive at Out of Reach. 

Iniisip ko na kung hindi ko na mahawakan ang kamay mo, okay na ‘ko. Kung hindi na kita makikita, kakalma na ang puso ko. 

Medyo matagal ko na ding hindi nababatukan ang sarili ko. Kailangan ko na ‘ata uli ‘to ngayon.