…pag naaalala kong sumulat ako ng ganto

March 6, 2011 at 6:30pm

> mahahanap din kita alam ko…

>

> sabi mo dati magmove on na ko… di mo naman sinabi kung saan ako pupunta…

>

> pano ba ko makakahanap ng better kung naramdaman ko na yung best?

>

> hahanapin kita…

>

> mahahanap kita alam ko…

======================================

Reply.

Re: …

Message:musta na

sorry been very busy this month,lot of pressure kasi.

dont find me anymore ksi wala namang reason.

hindi naman ako nagtatago sayo..

goodluck sa lahat ng endeavor mo..

i’m still your friend

++++++++++++++++++++++++++++++++++++

…pag naaalala kong sumulat ako ng ganto at naaalala kong ‘eto ung nakuha kong sagot… naiisip ko na lang sana nag-apply na lang ako sa hallmark o kaya sumulat na lang ako ng nobela… o pinatos ko na lang ung pinapagawang love letter nung kaklase ko kapalit ng isang boteng coke…

….siguro kumita pa ako.

Advertisements

Pagdadrama

January 29, 2011 at 8:02pm

 

Matagal ko nang iniisip na magsulat(magtype), ung ‘di sapilitan(ibig sabihin, hindi dahil kailangan, hindi assignment, hindi activity na bibigyan ng grade)… Parang ‘ung dati, magsusulat ako kse gusto ko lang… magsusulat ako kse gusto kong huminga.

Inhale. Exhale.

(lagi talagang may intro.)

Iniisip ko kung bakit di na nga ba ‘ko nagsusulat… Walang oras? Walang papel? Walang ballpen? Ayoko lang talaga? O isang  traumatic experience na talaga para sa akin ang pagsusulat?

Hininto ko ang pagsulat ng nawala s’ya.

Actually lagi naman talaga s’yang wala.

O mas tamang sabihin wala naman talaga s’ya. ‘di naman talaga s’ya nag-exist sa buhay ko.

Sumusulat ako nun, nag-iipon ng mga sulat at umaasang mabibigay ang mga sulat na ‘yun sa kanya pag nagkita kami.

Umaasang maiintindihan n’ya ko.

Umaasang magiging masaya ako sa panahong magkaroon ako ng pagkakataong maiparating sa kanya lahat ng gusto kong sabihin.

Pero ‘di yun nangyari.

……..

Hininto ko ang pagsulat ng nawala s’ya.

Actually lagi naman talaga s’yang wala.

O mas tamang sabihin wala naman talaga s’ya. ‘Di naman talaga nag-exist sa buhay ko si Santa Claus.

*2011 pala nagsimula ang idea ng pagiging imaginary mo..

2009

07/02/09 at 3:27 PM

08/10/09 at 10:44 AM

31 july 2009

Para sa’yo lemon… ,

Kamusta?… Antagal ko na ring gumagawa ng sulat para sa’yo, pero ‘yun, ‘di ko natatapos o kung matapos ko man, naitatapon ko lang. ‘eto sana matapos ko, maipadala ko, makarating sa’yo. So, ano kamusta ka? Five months na tayong ‘di nagkikita, malapit na mag-six… wala na ko balita sa’yo… Mabait naman ako kausap ‘di ba? Nung sinabi mong wag na ko magtext, di na ko nagtext, ewan ko nga ba’t nasend ko pa ang mga tuldok na yun sa facebook. Nasa proseso naman ako ng pag-absorb sa mga pangyayari eh. Minsan nga lang di ko alam kung nananadya ka o yung situation.

Aaminin ko, sobrang naging mahirap ‘yung acceptance sa ‘kin kaya nga siguro di ako makausad sa next stage ng ‘moving on’. Di ko alam kung magagalit ako sa’yo o sa sarili ko. Pero its better siguro magalit na lang sa’yo… madaya ka kse… madalas, lagi na lang, ewan ko ba, bakit di na lang isang bagsakan ang gawin mo…

Nung nagkita tayo, matapos ang ilang taon, sasabihin mo, nakalimutan mo ba’t nawalan tayo ng communication, ok sige, pagbigyang nakalimutan mo nga ang mga pangyayari. Pero sinabi ko naman sa’yo uli. Aware ka na nagbigay ka ng wrong signals dati, pero ginawa mo pa din… alam mo kung pa’no mo ‘ko tutunawin, alam mo matutunaw ako, ginawa mo pa din. Bakit ba kailangang magbiro ng “sige, ibabahay na lang kita para tumaba ka naman”, bakit ba kailangang maging mabait, palipasin ang dalawang linggo pero ‘di deretsuhing “Di kita mahal. Di kita kayang mahalin. ayoko sa’yo.” Alam mo naman sanay ako mabasted. Andun ka nung mga panahong nagdadrama ako k’se basted ako, iiyak ako, isa, dalawang beses pero makakausad ako. ‘Di tulad dito. Stagnant.

Mahirap magsabi kse kaibigan mo ‘ko? Yun nga yun eh,alam mo naman madali ako kausap, sige friends, tapos bigla na lang nagbago ka ng number walang pasabi. Friends. tapos makalipas ang isang buwan mula sa bagong number makakabasa ako ng “wag mo na ko itetext i already found the one i truly and deeply love”. ikaw unang nagtext, di ko na nga alam bagong number mo, tapos ganun… e di syempre alam ko na uli yung number mo. Text na naman tayo. Friends. Tapos eto, bigla nanaman “pls wag ka na magtetext nagagalit na partner ko” ok di na ko nagtanong “ok sorry” yun lang nasabi ko… Pinigilan ko na ang sarili ko sa pagtext. Dinelete na kita sa friendster ko. Ewan ko ba bakit nasend ko pa ang mga tuldok na yun sa facebook… Nagreply ka pa tuloy ng “bakit?musta?”, siguro yun kasalanan ko yun, ako nauna. Tapos eto makalipas ang ilang buwan uli, makakareceive ako ng tawag mula sa company n’yo, baka raw interesado ako mag-apply. (for the second time around). Gusto ko na nga sana isagot “interesado po kaya yung mga tao dyan na makatrabaho ako”.

Hahaha. (di ko yun sinabi, sabi ko lang di ako interesado.)

Pagkakataon nga naman.

Makalipas ang ilang buwan, payat pa rin ako (kahit kain-tulog gawin ko ganto pa rin) madalas may sapak sa utak, talo pa addict, minsan, naiisip kita, di naman maiiwasan yun.

Malapit na september…’wake me up when september ends’ nanaman ang motto ko nito… Advanced happy birthday na lang. Ingat na lang. Siguro merry christmas and happy new year na rin. Happy valentines’. At advanced ulit na happy birthday. Malamang ilang taon uli bago ka magparamdam uli. Uli. Kung may susunod pa. Sinulit ko na nga ‘to, baka kse huli na ‘to..(para sa taon na ‘to?!) Pero sana huli na ‘to. Sana pag nagkita tayo uli wala na kong ibibigay na mga naipong nag-iintay na sulat. Sana nga mapagod at magsawa na ko mag-intay. Sabi ko naman eh, ayoko na mag-intay pero pag inisip ko ng malalim,nagiintay pa rin ako.

Tongiks.

Kalahating taon na halos huminto yung buhay ko sa pagiintay na yun. Kailangan ko na paikutin ang mundo ko. Mahirap na abutin ng isang taon, baka makalimutan ko na pa’no yung umiikot na mundo, yung may liwanag.

07 august, 2009

Sabi ng prof ko, bago sa lahat dapat matutunan magbasa ng literalreading the lines. Bago pa ang inferential (reading between the lines) at critical(reading beyond lines). Mahirap daw magsimula sa nahuling dalawa.

Siguro nga tama nga yun. Dapat matutunan magbasa ng literal, una sa lahat. Mahirap kaseng binibigyan ng ibang kahulugan ang mga nababasa ayon sa nararamdaman. Di naiiwasang ibang-iba ang kahulugan.

Tulad ng, madalas, ginagawa ko.

Madalas iniisip ko na yung nakasulat na binabasa ko ay iba sa gusto mong sabihin. Iniisip kong may gusto kang sabihin pero di mo sinasabi na mababasa ko between at beyond the lines.

Pero, yun nga, maling-mali.

Bakit ba iniisip kong sinusubukan mo lang ako, pero wala naman akong ginagawa kundi mag-intay.

Tongiks.

Tongiks ko talaga.

09 august, 2009 (5:01pm)

Kamusta na? Nagtext pa talaga ako para lang sabihin ang presensya ng sulat na ‘to… kaso yun nga ‘di ko alam kung nakarating nga sa’yo ang pagpaparamdam ko ng presensya dahil di ko naman sinubukang imiscol man lang ang number na tinext ko…hahaha at biglang tumunog ang cellphone…akala ko ikaw na… asa.

A, oo nga pala ‘di man lang ako masyadong nagkwento kung ano na nangyari sa akin…makalipas ang halos anim na buwan nating ‘di pagkikita (Feb.19 ung huli e.) uhhmm… nag-aaral nga pala ko. 1yr Computer Programming sa Quezon City Polytechnic University , (San Bartolome campus, di dun sa tabi ng SM North.) Nalate k’se ako sa pag-enroll kaya close na ang BSIT kaya ComProg. Di ako pinayagang ipacredit yung mga subject ko kse nga 1yr. course lang kaya ulit ako ng English 1, Algebra at management. Pero try ko pa-credit next sem yung iba kong minor. ‘Yun, pinakabibong bata ako kse nga review na lang ang ginagawa ko…hahaha… this time di na ko matetres sa algebra! may classmate akong 15 yrs old… pero ok lang di naman daw halatang 25 na ko. masaya naman so far, kahit sumasakit ang ulo ko minsan magtutor sa mga classmate ko.. ‘di na ko bumalik ng kfc, mula nun, di pa rin ako nakakapagfile ng resignation…haha,tinatamad ako…

Ok naman sa school, naeenjoy kong magaral, nag-aaral na ko mabuti, nagrereview na nga ko, di tulad dati… naghahanap na ko kung saan ako mag-oojt… pero sabi nung prof ko s’ya na lang daw hahanap… dahil nga bibong bata na ko this time, kilala ko ng mga prof’ ko, di tulad dati, wala lang, alam nila buong pangalan ko.ganun!hehe, babaw ba? wala lang, nakakatuwa lang na natutuwa sila sa akin…

Isang beses palang ako umabsent, di kse ako nagising…problema ko pa rin ang pagtulog… di ko pa rin maayos schedule ng pagtulog ko,baliktad pa rin.

Di pa ako umuwi uli ng bulacan, last july pa yung huling uwi ko.. may project kse si angel, e drawing kya yun umuwi ako… yung bunso si allaysa, di nag-enroll kse mwf ung therapy nya, dahil nga dun sa problema nya sa muscles nya maliban pa dun sa butas nya sa puso… yun, sabi ni ate paalis na ang Tita ko pa-Canada, pero alam ko naman kaya nya sinasabi yun kse gusto nya talaga ako mag-abroad… nun pa nila inuungot sa akin yun… pero yun nga, malayo sa utak ko na pumunta sa ibang bansa…bahala na si Batman… baka hipan ng ibang hangin. ewan ko. pero malabo talaga.

Yun lang, wala naman masyadong ibang balita tungkol sa ‘kin…ok lang ako. Nakakalimutan na kita paminsan-minsan. Haha. Ikaw, kamusta ka na?

09/13/09 at 10:54 PM

Maagang bati…

Malapit na birthday mo… so, saan ang inuman?..a, di ka nga pala umiinom, kainan na lang? Sana lagi kang masaya, yun lang naman ang gusto ko e… lagi kang masaya.
Ako, okay lang naman.. mabait akong estudyante… kahit matanda pa ko dun sa iba kong instructor… di naman daw halata… hehe.. di na siguro ako mate-tres sa Algebra this time…uhhmm, ingat ka lagi..iwasan na sumama sa mall tour ni Piolo at Angel, lagi magdala ng flashlight, kain ng kain…

09/16/09 at 12:25 AM

re: maagang bati…

sana din palagi kang masaya..

ingat ka din palagi at goodluck sa lahat ng plans mo.

09/29/09 at 7:43 PM

…musta nung bagyo?…ngayon lang naayos line dito kya ngayon lang ako nakapag-internet…
naalala ko lang kse ikaw…baha kse pati trinoma at ilalim ng mrt… iniisip ko malamang pauwi ka pa lang ng mga oras na yun…
yun lang..
ako ayos lang…buti na lang walang pasok hanggang saturday… hehe,

11/12/09 at 3:39 PM

musta na?

uhm, malapit na ulit pasukan sa skul… hehe nga pala naka 1.25 na q s algebra..hehehe…

anu na balita sa’yo\?
(Sulat para kay elsie)

Coyote Ugly

Natatandaan mo pa ba ‘tong movie na ‘to?

You can try to resist try to hide from my kiss

But you know, you know, you can’t fight the moonlit…

Sabi ko sa’yo gusto ko panoodin ung movie kse maraming sexyng babae. (Sexyng babae talaga ang rason. Haha.) Binigyan mo pa ‘ko ng article about dun sa movie kaya sabi ko sa’yo panoodin natin.

SM Centerpoint. Yun lang naman ang pinakamalapit na sinehan sa school. 

Malamig. 

Tayong dalawa lang ang nanood. Ewan ko ba bakit di tayo nagsama ng barkada natin. Kinidnap lang ba kita? Pinilit? Di ko maalala. O biglaan lang kita niyaya?

Wala pang 10 minutes sabi ko sayo malamig, nilalamig ako. Tumingin ka lang.

At hinawakan mo ang kamay ko.

Sino ba naman ako para di rin hawakan ang kamay mo?

Ako’y tao lang na nadadarang at natutukso din…

From time to time, ilalapit ko ang magkahawak na kamay natin para hipan… Hihipan ko para madagdagan ang init.

Pero mainit naman na.

Mainit na ang pakiramdam ko.

Hinihipan ko para maramdaman mo ko.

Di ko man masabi sa’yo, maramdaman mo.
(Sulat para kay elsie)

P.U.P.

Bachelor in Political Science. 2000-2001.

Doon kita unang nakilala. Yun na nga lang din ata ang naalala mo tungkol sa akin: Isang simpleng classmate mo nung first year college. 

Magkaiba ung mga barkada natin nun, wala akong alam tungkol sa’yo kundi ang pangalan mo at batang Ramon Magsaysay ka. Tanda ko nun lagi mo kasama ung mga dati mong schoolmate, meron pang psych ang course na lagi akong tinatawag na Chuckie. Medyo di ako lumalapit sa inyo kse medyo nahihiya ako sa inyo, para kseng iba ang mundo nyo…

O iba ang mundo ko.

Lahat kayo seryoso mag-aral samantalang ako sineseryoso ang paggawa ng sulat kay Maricris. 

Pero siguro maliit lang din talaga ang mundo at nakasama din kita dahil sa “common friends”. Common friends talaga… 

At naganap na nga ang birthday mo at ni Joey. Pagkakain, nag-arcade pa tayo. At after nun, instant attached na ‘ko sa’yo. 

(Attached talaga?.. Di ko alam kung anong ibang term ang pwedeng magdescribe sa nararamdaman ko that time.)

Naging kumportable na kong kausap ka… Lahat na ng crush ko kilala mo. Lahat ng problema. 

Second sem.

Parehas tayo ng piniling major kaya classmate pa din tayo. Sa mga panahong pumapasok ako, lagi na tayo magkasama kase nasa isang barkada na tayo… Lagi na tayo magkasabay kumain. Magkasabay umuwi… 

 Kaso lagi naman akong absent.

Sa tagal ng lumipas na mga taon nakalimutan ko na ang mga detalye. Ang naalala ko na lang yung mga pagkakataon na hawak ko yung kamay mo. Hawak ko ng mahigpit na parang ayaw ko nang bitiwan. 

Walang nakakaalam ng tungkol sa atin… Kahit nga tayong dalawa. Basta automatic na lang. Pag tayong dalawa na lang, holding hands na tayo, sa sine, sa jeep sa Seattle hanggang Philcoa.

Minsan, madalas iniisip ko what if kung ‘di ko na binitawan ang kamay mo, what if dati pa nilinaw ko na sa’yo kung ano tayo, what if sinabi ko sa’yo na mahal kita, what if ikaw ang pinili kong mundo…

Pero eto ang pinili natin. 

Pinili natin ang magkaibang mundo.
(sulat para kay elsie)

Intro

Bigla kita napanaginipan. Di ko alam kung bakit. Matagal-tagal na rin na ‘di kita naiisip. Hanggang eto… Ginulo mo nanaman ang mundo ko. Sorry, alam ko wala ka naman kasalanan kung napanaginipan kita. Adik lang ako para sabihin pa sa’yo. Nagmessage ako sa’yo sa Whatsapp. Iniisip ko kse baka may dahilan bakit kita napanaginipan. Same old me, milya na ang tinakbo ng storya sa utak ko dahil lang sa isang panaginip. Kaso, yun nga, same old you, ‘di ka man lang sumagot ng ‘kumusta din’ sa kumusta ko. Same old you, magpaparamdam kung kelan gusto magparamdam.

Pero ieedit ko na nga ang linya kong ‘dahil lang sa isang panaginip’, hindi lang yun, minsan lang kita mapanaginipan kaya ‘di maliit na bagay yun. Breakthrough ko na ngang masasabi ang panaginip na yun. Dahil sa panaginip na yun, nayakap kita, nahalikan. At nasabi kong mahal kita. At ‘di ka biglang nawala.

‘Di katulad ng laging nangyayari sa atin. 

(Sulat para kay Elsie)